Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Akasya

Akasya

[sa Heb., shit·tahʹ].

Isang punungkahoy na hiyang sa ilang, kung saan pansamantalang tumigil ang mga Israelita. Napagkunan ito ng malalaking tabla (halos 4.5 m; 15 piye ang haba, ayon sa Exo 36:20, 21), na ginamit ng mga Israelita sa pagtatayo ng naililipat-lipat na tabernakulo. Yamang ang punungkahoy na ito ay halos wala na sa rekord ng Bibliya pagkatapos ng pagpasok sa Lupang Pangako, maaaring ipinahihiwatig din nito na isa itong punungkahoy na hindi karaniwang matatagpuan sa buong Palestina. Ang gayong paglalarawan ay mas katugma ng mga uri ng akasya na kilala bilang Acacia seyal at Acacia tortilis kaysa sa alinmang iba pang halaman sa lugar na iyon. Ang mga punong akasyang ito ay karaniwan pa rin sa Negeb at sa lugar ng Sinai at ang ilan ay matatagpuan sa kahabaan ng Libis ng Jordan sa T ng Dagat ng Galilea, ngunit hindi sa hilagang Palestina.

Kapansin-pansin na ang seyal ay salitang Arabe para sa “agusan,” at ang akasya ay tumutubo sa mga agusang libis, o mga wadi, na inaagusan ng tubig kapag tag-ulan at matatagpuan sa karaniwang tigang at disyertong mga rehiyon sa palibot ng Dagat na Patay at patimog sa Disyerto ng Arabia at sa Peninsula ng Sinai. Kaya naman ang hula ni Joel (3:18) ay nagsasabi: “Mula sa bahay ni Jehova ay lalabas ang isang bukal, at patutubigan nito ang agusang libis ng Mga Punong Akasya,” na maliwanag na isang lugar na kadalasan ay tuyo. (Tingnan ang SITIM Blg. 2.) Sa Isaias 41:19 ay sinasabi ni Jehova: “Sa ilang ay ilalagay ko ang punong sedro, ang akasya at ang mirto at ang puno ng langis.” Dito, tatlong punungkahoy na karaniwang tumutubo sa lupang mataba at mabunga ang inihulang makakasama ng akasya na hiyang sa disyerto, bilang resulta ng pagpapatubig na ilalaan ng Diyos.​—Isa 41:17, 18.

Ang akasya ay may maraming mahahabang tinik na nakausli sa mahahabang sanga nito. Kadalasan, ang mga sanga ng magkakatabing akasya ay nagkakasala-salabid anupat nagiging buhul-buhol na mga palumpungan, at walang alinlangang ito ang dahilan kung bakit ang anyong pangmaramihan na shit·timʹ ang halos laging ginagamit sa rekord ng Bibliya. Ang akasya ay maaaring tumaas nang 6 hanggang 8 m (20 hanggang 26 na piye), ngunit kadalasan ay tulad-palumpong ang hitsura nito. Ito ay may mga dahong malambot at tulad ng sa sampalok at hitik sa mababangong dilaw na bulaklak, na nagsisibol ng nakakurba at papakitid na mga supot ng buto na pinakabunga nito. Mayroon itong magaspang at maitim na talob na bumabalot sa mabigat na kahoy nito na napakatigas at may pinong hilatsa anupat hindi nasisira ng mga insekto. Dahil sa mga katangiang ito at dahil madaling makakuha nito sa disyerto, ang akasya ay naging napakaangkop na materyales para sa tabernakulo at sa mga kagamitan nito. Ginamit ito sa paggawa ng kaban ng tipan (Exo 25:10; 37:1), mesa ng tinapay na pantanghal (Exo 25:23; 37:10), mga altar (Exo 27:1; 37:25; 38:1), mga pingga na pambuhat sa mga bagay na ito (Exo 25:13, 28; 27:6; 30:5; 37:4, 15, 28; 38:6), mga haligi para sa kurtina at pantabing (Exo 26:32, 37; 36:36), at ng mga hamba (Exo 26:15; 36:20) at mga barakilan na dugtungan ng mga iyon (Exo 26:26; 36:31).

Gustung-gusto pa rin ng marami ang akasya para sa paggawa ng mga kabinet dahil ito’y matibay, may pinong hilatsa, at may matingkad na kulay na kayumangging-kahel. Ginamit ng sinaunang mga Ehipsiyo ang akasya bilang pantakip sa mga kabaong ng kanilang mga momya at pati sa paggawa ng kanilang mga bangka. Napagkukunan din ng pangkalakal na gum arabic ang ilang uri ng punungkahoy na ito.

[Larawan sa pahina 69]

Ang punong akasya, na karaniwan sa Sinai, ay napagkunan ng kahoy para sa tabernakulo