Akeldama
[Parang ng Dugo].
Ang pangalang itinawag ng mga Judio sa lote ng lupa, na ang ipinambili ay “kabayaran para sa kalikuan” na siyang ibinayad kay Hudas Iscariote para sa pagkakanulo niya kay Kristo Jesus. (Gaw 1:18, 19) Ipinapalagay na ito ay ang Haqq ed-Dumm (nangangahulugang “Halaga ng Dugo”) na nasa T na panig ng Libis ng Hinom, sa “Burol ng Masamang Payo,” isang patag na lote di-kalayuan sa dalisdis nito. Sa lugar na ito ay may mga guho ng isang gusali na tipunan ng mga bangkay at kalansay. Bahagyang nasa TS ang Minzar Haqal Demaʼ (Monasteryo ng Akeldama) na itinayo sa ibabaw ng mga labí ng mga yungib na libingan.
Ang pananalita sa Gawa 1:18 na si Hudas ay “bumili ng isang parang” ay nagpapahiwatig na sa kaniya nanggaling ang pambili ng parang, o na siya ang dahilan upang gawin iyon. Ipinakikita ng rekord sa Mateo 27:3-10 na ginamit ng mga saserdote ang 30 piraso ng pilak (kung siklo, $66) na inihagis ni Hudas sa templo upang aktuwal na ipambili ng “Parang ng Dugo” at na ito ay dating isang parang ng magpapalayok na binili ng mga saserdote “upang paglibingan ng mga taga-ibang bayan.” (Tingnan ang PARANG NG MAGPAPALAYOK.) Ang iminumungkahing lokasyon ay ginagamit na bilang dakong libingan mula pa noong unang mga siglo.
Bakit sinabi ni Mateo na ang hula sa Zacarias 11:12, 13 ay sinalita ni Jeremias?
Ang katuparan ng hulang iniulat ni Mateo ay batay sa “sinalita sa pamamagitan ni Jeremias na propeta.” Kung minsan, si Jeremias ay itinatala bilang una sa “Mga Huling Propeta,” kaya naman kabilang sa seksiyong ito ng mga hula hindi lamang ang mga isinulat ni Jeremias kundi pati rin ang kay Zacarias. (Ihambing ang Luc 24:44.) Lumilitaw na ang pagsipi ni Mateo ay pangunahin nang hinango sa Zacarias 11:12, 13, ngunit sa ilalim ng pagkasi ng espiritu ng Diyos, iniulat ito ni Mateo gamit ang ibang pananalita at ikinapit sa mga kalagayang tumutupad dito. Palibhasa’y isang parang ng magpapalayok ang lupain, ito ay itinuturing na sira na at wala nang gaanong halaga, anupat katumbas na lamang ng halaga ng isang alipin.