Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Akis

Akis

Isang Filisteong hari ng Gat na naghari noong panahon ni David at ni Solomon. Siya ay anak ni Maoc o Maaca, at sa superskripsiyon ng Awit 34 ay tinatawag na Abimelec, na marahil ay isang titulo na katulad ng Paraon o Czar.​—1Sa 27:2; 1Ha 2:39.

Nang tumatakas si David mula kay Saul, makalawang ulit siyang nanganlong sa teritoryo ni Haring Akis. Noong unang pagkakataon, nang paghinalaan siya na isang kaaway, si David ay nagkunwaring baliw, kaya pinayaon siya ni Akis bilang isang di-nananakit na sintu-sinto. (1Sa 21:10-15; Aw 34:Sup; 56:Sup) Noong ikalawang pagdalaw niya, kasama ni David ang 600 mandirigma at ang kanilang mga pamilya, at pinahintulutan sila ni Akis na manirahan sa Ziklag. Sa loob ng isang taon at apat na buwan na ipinamalagi nila roon, naniwala si Akis na nilulusob ng pangkat ni David ang mga bayan ng Juda, samantalang ang totoo ay sinasamsaman ni David ang mga Gesurita, mga Girzita, at mga Amalekita. (1Sa 27:1-12) Lubusang nalinlang ni David si Akis anupat inatasan pa nga siya ni Akis na maging personal na tagapagbantay nito noong ang mga Filisteo ay naghahandang sumalakay kay Haring Saul. Nang bandang huli na lamang pinabalik ni Akis sa Ziklag si David at ang kaniyang mga tauhan dahil sa paggigiit ng iba pang “mga panginoon ng alyansa” ng mga Filisteo. (1Sa 28:2; 29:1-11) Nang si David ay maging hari at makipagdigma laban sa Gat, lumilitaw na hindi pinatay si Akis. Nabuhay siya hanggang noong panahon ng paghahari ni Solomon.​—1Ha 2:39-41; tingnan ang GAT.