Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat

Aklat

Ang salitang Hebreo na seʹpher (aklat; liham; sulat) ay nauugnay sa pandiwang sa·pharʹ (bilangin) at sa pangngalang so·pherʹ (eskriba; tagakopya). (Gen 5:1; 2Sa 11:15; Isa 29:12; 22:10; Huk 5:14; Ne 13:13) Kapag ginagamit upang tumukoy sa opisyal na mga sulat, ang seʹpher ay isinasalin bilang “nasusulat na dokumento” o “kasulatan.” (Es 9:25; Jer 3:8; 32:11) Biʹblos naman ang terminong Griego para sa “aklat”; ang pangmaliit na anyo nito na bi·bliʹon (sa literal, maliit na aklat) ay isinasalin bilang “aklat,” “kasulatan,” at “balumbon.” (Mar 12:26; Heb 9:19, Int; Mat 19:7; Luc 4:17) Ang mga salitang Griegong ito ang pinagmulan ng salitang “Bibliya.”​—Tingnan ang BIBLIYA.

Ang isang sinaunang “aklat” ay maaaring isang tapyas o isang koleksiyon ng mga tapyas na gawa sa luwad, bato, pagkit, kahoy na binalutan ng pagkit, metal, garing, o marahil ay kahit isang kalipunan ng mga basag na palayok (mga ostracon). Ang sulat-kamay na mga balumbon naman ay ginagawa sa pamamagitan ng pagdurugtung-dugtong ng mga pilyego ng papiro, ng pergamino (balat ng mga hayop, gaya ng tupa at kambing), o ng mas pinong materyal na vellum, na gawa sa balat ng mga batang guya, at nang maglaon, ng lino, at papel na lino. Nang dakong huli, ang aklat ay naging isang koleksiyon ng sunud-sunod at nakatuping mga pilyego na sulat-kamay o inimprenta, na pinagtahi-tahi, pinagdikit-dikit, o pinagkabit-kabit sa iba pang mga paraan upang maging isang buong tomo.

Kadalasan, ang mga balumbon ay sa isang panig lamang sinusulatan (kung katad, sa panig na dating mabalahibo). Kung minsan, iniikid sa isang patpat ang materyales na pinagsusulatan. Ang bumabasa ay magsisimulang magbasa sa isang dulo, anupat hinahawakan ang balumbon ng kaniyang kaliwang kamay habang iniikid naman ito sa patpat ng kaniyang kanang kamay (kung Hebreo ang binabasa; pabalik naman kung Griego). Kung ang rekord ay napakahaba, maaaring ikirin ang balumbon sa dalawang patpat, anupat ang gitnang bahagi ng teksto ang makikita kapag hinawakan ito upang basahin. Kaya ang salitang Tagalog na “tomo,” hinalaw sa salitang Latin na tomus, at sa salitang Griego na tómos, ay nangangahulugang “balumbon.”

Ang mga pilyegong ginagamit sa paggawa ng mga balumbon ay karaniwan nang may haba na 23 hanggang 28 sentimetro (9 hanggang 11 pulgada) at lapad na 15 hanggang 23 sentimetro (6 hanggang 9 na pulgada). Ang mga pilyegong ito ay pinagdurugtung-dugtong sa pamamagitan ng pandikit. Gayunman, ang mga pilyego ng Dead Sea Scroll of Isaiah, na nagmula noong ikalawang siglo B.C.E., ay pinagtahi-tahi sa pamamagitan ng sinulid na lino. Ang balumbong ito ay gawa sa 17 pahabang piraso ng pergamino na may katamtamang taas na 26.2 sentimetro (10.3 pulgada) at iba’t ibang lapad mula sa mga 25.2 sentimetro (halos 10 pulgada) hanggang 62.8 sentimetro (mga 25 pulgada), anupat may kabuuang haba na 7.3 m (24 na piye) sa kasalukuyang kalagayan nito. Noong panahon ni Pliny, ang karaniwang haba ng balumbon (malamang na yaong mga ipinagbibili) ay 20 pilyego. Isang Ehipsiyong balumbong papiro na nag-uulat sa paghahari ni Ramses III, tinatawag na Harris Papyrus, ang may haba na 40.5 m (133 piye). Ang Ebanghelyo ni Marcos ay mangangailangan ng isang balumbon na 5.8 m (19 na piye) ang haba; ang kay Lucas naman, mga 9.5 m (31 piye).

Ang mga gilid ng balumbon ay tinatabasan, pinakikinis sa pamamagitan ng batong pomes, at kinukulayan, karaniwan na ng itim. Itinutubog ito sa langis ng sedro bilang proteksiyon laban sa mga insekto. Karaniwan nang isang panig lamang ng balumbon ang sinusulatan malibang may higit pang impormasyon na hindi na magkakasya sa loob. Sa ganitong kaso, maaaring sulatan ang pinakalabas, o kabilang panig. Ang mga balumbong naglalaman ng mga kahatulan na nakita sa pangitain ng mga propetang sina Ezekiel at Zacarias at ng apostol na si Juan ay may sulat sa magkabilang panig. Ipinahihiwatig nito na ang mga kahatulang iyon ay matindi, malawak, at mabigat.​—Eze 2:10; Zac 5:1-3; Apo 5:1.

Noon, ang mahahalagang dokumento ay tinatatakan ng isang limpak ng luwad o pagkit na may marka ng pantatak ng manunulat o ng gumawa nito, at ikinakabit ito sa dokumento sa pamamagitan ng mga tali. Nakita ng apostol na si Juan sa pangitain ang isang balumbon na may pitong tatak, na iniabot sa Kordero niyaong isa na nasa trono.​—Apo 5:1-7.

Waring ang mas naunang mga balumbon ay may hanggang apat na tudling bawat pilyego, samantalang ang mas huling mga balumbon naman ay karaniwan nang may isang tudling lamang. Ang balumbon ni Jeremias ay binubuo ng “[mga] tudling ng pahina.” Pagkabasa ng tatlo o apat na tudling, pinutol ni Haring Jehoiakim ang bahaging iyon ng balumbon at inihagis iyon sa apoy. (Jer 36:23) Ang 17 pahabang piraso ng Dead Sea Scroll of Isaiah ay may 54 na tudling ng teksto, anupat sa katamtaman ay may mga 30 linya bawat tudling.

Ang aklat na anyong balumbon ay ginamit ng mga Israelita hanggang noong panahon ng kongregasyong Kristiyano. Ang mga rekord na nasa sinaunang mga pambansang artsibo ng Israel at Juda at maging ang kinasihang mga akda ng mga propeta ni Jehova, bagaman kung minsan ay tinatawag na mga aklat, ay, sa totoo, nasa anyong balumbon.​—1Ha 11:41; 14:19; Jer 36:4, 6, 23.

Nang magkaroon ng mga sinagoga pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya, ang bawat isa sa mga ito ay nag-iingat at gumagamit ng mga balumbon ng Sagradong Kasulatan, at tuwing Sabbath ay may isinasagawang pangmadlang pagbabasa mula sa mga iyon. (Gaw 15:21) Si Jesus mismo ay bumasa mula sa gayong uri ng balumbon, malamang ay sa isa na katulad ng Dead Sea Scroll of Isaiah.​—Luc 4:15-20.

Codex. Lumilitaw na pangunahing ginagamit noon ng mga Kristiyano ang aklat na anyong balumbon hanggang noong pagtatapos ng unang siglo C.E. Ang Apocalipsis ay isinulat ng apostol na si Juan noong mga 96 C.E., at sa kabanata 22, talata 18 at 19 ay tinutukoy ito bilang isang balumbon. Ngunit napakahirap gamitin ng aklat na anyong balumbon. Nang mabago na ang codex mula sa anyong kuwaderno tungo sa anyong aklat, kitang-kita na mas madaling gamitin ang codex kaysa sa tradisyonal na balumbon. Halimbawa, maaaring isang balumbon na may habang 31.7 m (104 na piye) ang kakailanganin upang mapagkasya ang apat na Ebanghelyo, gayong kasya ang lahat ng ito sa isang maliit na codex. Bukod diyan, mas matipid ang codex, yamang posibleng sulatan ang magkabilang panig ng isang pahina. Karagdagan pa, ang mga takip ay mahusay na proteksiyon para sa mga nilalaman nito, at madaling mahanap ang iba’t ibang reperensiya anupat hindi kailangan ang matagal na pagmamanipula na gaya ng sa mga balumbon.

Sa isang malaking balumbon, hindi kumbinyente, sa katunayan ay halos imposible, ang mabilisang pagtukoy sa partikular na mga pananalita. Lumilitaw na kaagad tinanggap ng mga Kristiyano ang paggamit ng codex, o de-pahinang aklat, dahil interesado silang maipangaral ang mabuting balita at sila’y sumasangguni at bumabanggit ng maraming reperensiya sa Kasulatan sa kanilang pag-aaral ng Bibliya at sa pangangaral.

Tungkol sa bagay na ang mga Kristiyano, kung hindi man sila ang nakaimbento ng de-pahinang aklat, ang nanguna sa paggamit nito, ganito ang sinabi ni Propesor E. J. Goodspeed sa kaniyang aklat na Christianity Goes to Press (1940, p. 75, 76): “May mga tao sa sinaunang simbahan na lubos na nakababatid sa bahaging ginagampanan ng paglalathala sa Griego-Romanong daigdig, anupat, dahil sa kanilang sigasig na maipalaganap ang mensaheng Kristiyano sa daigdig na iyon, ginamit nila ang lahat ng pamamaraan ng paglalathala, hindi lamang ang luma at tradisyonal na karaniwan nang ginagamit, kundi pati ang pinakabago at pinakamasulong, at lubusan nilang ginamit ang mga ito sa kanilang propagandang Kristiyano. Sa paggawa nito, sinimulan nilang gamitin nang malawakan ang de-pahinang aklat, na karaniwang ginagamit ngayon. Ang kanilang ebanghelyo ay hindi isang esoteriko at lihim na hiwaga, kundi isang bagay na dapat ipahayag sa mga bubungan ng bahay, at isinabalikat nila ang pagtupad sa matandang sawikain ng mga propeta, ‘Ipahayag ang mabuting pabalita.’ Sabihin pa, napakahalaga ng pagsulat ng indibiduwal na mga ebanghelyo, subalit ang pagtitipon ng mga ito, kasama na ang paglalathala ng mga ito bilang isang koleksiyon, ay isang lubhang naiibang gawain, at isa na halos kasinghalaga ng pagsulat ng ilan sa mga ito.”​—Tingnan din ang Encyclopædia Britannica, 1971, Tomo 3, p. 922.

Batay sa isang diskurso ni Propesor Sanders (inilathala sa University of Michigan Quarterly Review, 1938, p. 109), iniharap ni Propesor Goodspeed sa kaniyang aklat (p. 71) ang isang talahanayang naghahambing sa mga tuklas na klasikal na akda at Kristiyanong akda noong ikalawa, ikatlo, at ikaapat na siglo C.E., may kinalaman sa bilang ng mga pira-piraso ng de-rolyong mga aklat at ng codex, o de-pahinang mga aklat, na natagpuan sa bawat grupo:

Tungkol sa unang mga Kristiyano bilang mga tagapaglathala ng mga aklat, ganito pa ang sinabi ni Propesor Goodspeed (p. 78): “Hindi lamang sila nakaaalinsabay sa kanilang panahon kung tungkol sa gayong mga bagay, kundi nauuna pa nga sila rito, at ang mga tagapaglathala ng sumunod na mga siglo ay tumulad sa kanila.” Sinabi pa niya (p. 99): “Ang paglalathala ng Bibliya ang nagpasigla sa paggamit ng de-pahinang aklat para sa layuning pampanitikan noong ikalawang siglo, at ang paglalathala ng Bibliya ang nagbunsod upang maimbento ang paglilimbag.”

Nangahas si Propesor Goodspeed na magsabi (p. 81): “Ang kapansin-pansing komento sa II Tim. 4:13 na ‘Dalhin mo . . . ang mga aklat, lalo na ang mga pergamino,’ (ang mga salitang Griego ay biblia, membranas) ay nag-uudyok sa isa na mag-isip kung hindi kaya ang biblia ay tumutukoy sa mga balumbon ng kasulatang Judio, at ang membranai naman ay ang mas bagong de-pahinang mga aklat na may Kristiyanong pinagmulan​—ang mga ebanghelyo at si Pablo. Mariing ipinahihiwatig ng argumento ni Propesor Sanders na sa gawing hilaga ng Mediteraneo, mas malamang na noong una ay gawa sa pergamino ang de-pahinang mga aklat.”

Mga Palimpsest. Dahil sa kamahalan o kakapusan ng materyales na mapagsusulatan, kung minsan ay muli itong ginagamit. Kung minsan ay bahagyang binubura ang mga manuskrito sa pamamagitan ng pagkaskas, paggamit ng espongha, o ng iba’t ibang timplada upang maalis ang orihinal na nakasulat. Ang papiro ay ginagamitan ng espongha kung medyo sariwa pa ang tinta; kung hindi naman, ang dating nakasulat ay ginuguhitan, o ang kabilang panig ng materyal ang sinusulatan. Dahil sa kundisyon ng atmospera at iba pang mga kalagayan, ang orihinal na sulat sa ilang palimpsest ay maaari pa ring maaninaw at mabasa. Kabilang sa mga ito ang ilang manuskrito ng Bibliya, anupat ang isang tanyag na halimbawa ay ang Codex Ephraemi na pinatungan ng isang akda na malamang na isinulat noong ika-12 siglo ngunit dating naglalaman ng isang bahagi ng Hebreo at Griegong Kasulatan na ipinapalagay na isinulat naman noong ika-5 siglo C.E.

Iba Pang mga Aklat na Binabanggit sa Bibliya. Binabanggit sa Bibliya ang ilang di-kinasihang aklat. Ang ilan sa mga ito ay pinagkunan ng materyal ng kinasihang mga manunulat. Waring ang ilan ay mga babasahing tinipon mula sa mga rekord ng estado. Kabilang dito ang mga sumusunod:

Aklat ng mga Digmaan ni Jehova. Ang aklat na ito ay sinipi ni Moises sa Bilang 21:14, 15 at tiyak na isang mapananaligang rekord, o kasaysayan, ng mga pakikipagdigma ng bayan ng Diyos. Maaaring nagsimula ito sa matagumpay na pakikidigma ni Abraham laban sa apat na magkakaalyadong hari na bumihag kay Lot at sa kaniyang pamilya.​—Gen 14:1-16.

Aklat ni Jasar. Binanggit ang aklat na ito sa Josue 10:12, 13, kung saan nakasaad ang panawagan ni Josue na tumigil ang araw at ang buwan habang nakikipaglaban siya sa mga Amorita, at sa 2 Samuel 1:18-27, na naghaharap naman ng isang tulang tinatawag na “Ang Busog,” isang panambitan para kina Saul at Jonatan. Dahil dito, ipinapalagay na ang aklat na ito ay isang koleksiyon ng mga tula, awitin, at iba pang mga akda. Ang mga ito ay tiyak na napakahalaga sa pag-aaral ng kasaysayan at ipinalaganap noon sa mga Hebreo.

Iba pang makasaysayang mga akda. Bumabanggit ang mga aklat ng Mga Hari at Mga Cronica ng ilan pang di-kinasihang mga akda tungkol sa kasaysayan, anupat ang isa sa mga ito ay ang “aklat ng mga pangyayari nang mga araw ng mga hari ng Israel.” (1Ha 14:19; 2Ha 15:31) Ang katumbas naman nito para sa mga hari ng timugang kaharian, pasimula sa anak ni Solomon na si Rehoboam, ay ang “aklat ng mga pangyayari nang mga panahon ng mga hari sa Juda.” Binanggit ito nang 15 beses. (1Ha 14:29; 2Ha 24:5) Isa pang ulat tungkol sa pamamahala ni Solomon ang binabanggit sa 1 Hari 11:41 bilang ang “aklat ng mga pangyayari kay Solomon.”

Sa pagtitipon at pagsulat ng Mga Cronica pagkatapos ng pagkatapon, hindi kukulangin sa 14 na beses ang ginawang pagbanggit ni Ezra sa iba pang mga mapagkukunan ng impormasyon, kabilang na rito ang “Aklat ng mga Hari ng Israel,” ang “ulat ng mga pangyayari nang mga araw ni Haring David,” at ang “Aklat ng mga Hari ng Juda at ng Israel.” (1Cr 9:1; 27:24; 2Cr 16:11; 20:34; 24:27; 27:7; 33:18) Binanggit din ni Ezra ang mga aklat ng mga kinasihang manunulat na nauna sa kaniya. (1Cr 29:29; 2Cr 26:22; 32:32) Itinawag-pansin ni Ezra na ang iba pang mga propeta ni Jehova ay gumawa ng mga nakasulat na rekord na hindi iningatan sa kinasihang Banal na Kasulatan. (2Cr 9:29; 12:15; 13:22) Binabanggit naman ni Nehemias ang isang “aklat ng mga pangyayari sa mga panahon.” (Ne 12:23) May mga rekord ng pamahalaan ng Persia na tinutukoy sa Bibliya. Kabilang sa mga ito ang mga ulat ng paglilingkod sa hari, tulad ng pagbubunyag ni Mardokeo ng isang pakanang pagpaslang.​—Ezr 4:15; Es 2:23; 6:1, 2; 10:2.

Nagbababala ang pantas na manunulat ng Eclesiastes laban sa walang-katapusang paggawa ng mga aklat na bunga ng makasanlibutang pangangatuwiran at salungat sa makadiyos na karunungan, mga aklat na hindi naman nagtuturo sa mambabasa na matakot sa tunay na Diyos at tuparin ang kaniyang mga utos. (Ec 12:12, 13) Ang isang halimbawa nito ay masusumpungan noon sa Efeso, kung saan naging laganap ang espiritismo at demonismo. Pagkatapos nilang mapangaralan ng mabuting balita tungkol kay Kristo, inilabas ng mga mananampalataya ang kanilang mga aklat tungkol sa mahika at hayagang sinunog ang mga iyon, na tinatayang nagkakahalaga ng 50,000 piraso ng pilak (kung denario, $37,200).​—Gaw 19:19.

Sa Exodo 17:14, iniutos ni Jehova na ang kaniyang kahatulan laban sa Amalek ay isulat sa “aklat,” nagpapahiwatig na ang mga akda ni Moises, ang unang mga akda na kilaláng kinasihan, ay isinusulat na noong 1513 B.C.E.

Ang iba pang mga pagtukoy sa Bibliya o sa mga bahagi nito ay: “Ang aklat ng tipan,” maliwanag na naglalaman ng mga batas na nakatala sa Exodo 20:22 hanggang 23:33 (Exo 24:7); at ang “balumbon ng aklat,” na siyang Hebreong Kasulatan.​—Heb 10:7.

Makasagisag na Paggamit. Ang salitang “aklat” ay maraming beses na ginamit sa makasagisag na paraan, gaya sa mga pananalitang “iyong aklat” o aklat ng Diyos (Exo 32:32), “aklat ng alaala” (Mal 3:16), at “aklat ng buhay” (Fil 4:3; Apo 3:5; 20:15). Lumilitaw na iisa lamang ang tinutukoy ng mga ito, samakatuwid nga, ang mga ito ay pawang “aklat” ng alaala ng Diyos sa layuning gantimpalaan ng walang-hanggang buhay (sa langit o sa lupa) yaong mga nakasulat ang pangalan sa aklat na ito. Maliwanag na may kundisyon ang pagtatala ng mga pangalan sa “aklat” ng Diyos, yamang ipinakikita ng Kasulatan na maaaring “pawiin” mula rito ang pangalan ng isang tao. (Exo 32:32, 33; Apo 3:5) Kaya pananatilihin lamang sa aklat ang pangalan ng isang tao kung patuloy siyang magiging tapat.​—Tingnan ang BUHAY.

[Tsart sa pahina 72]

Klasiko

Kristiyano

Siglo

Balumbon

Codex

Balumbon

Codex

II

1?

4

III

291

20

9?

38

IV

26

49

6?

64