Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alaalang Libingan

Alaalang Libingan

Isang dako kung saan inihihimlay ang taong namatay sa pag-asang aalalahanin siya, higit sa lahat, ng Diyos.

May kinalaman sa mga salitang Griego na ginagamit upang tumukoy sa isang dakong libingan o sa isang libingan, ganito ang sabi ni A. T. Robertson sa Word Pictures in the New Testament (1932, Tomo V, p. 87): “Inihaharap ng taphos (libingan) ang ideya ng paglilibing (thapto, ilibing) gaya sa Mat. 23:27, ang mnemeion (mula sa mnaomai, mimnesko, magpaalaala) ay isang memoryal (sepulkro na isang bantayog).” Kaugnay ng mne·meiʹon ang salitang mneʹma, na lumilitaw na may kaparehong kahulugan, anupat tumutukoy rin sa “isang memoryal o rekord ng isang bagay o ng isang taong patay, pagkatapos ay sa isang sepulkrong bantayog, at samakatuwid ay isang libingan.”​—Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, 1981, Tomo 2, p. 173.

Maaaring ang gayong libingan ay hinukay sa lupa o, gaya ng kadalasang ginagamit noon ng mga Hebreo, isang likas na yungib o isang libingang inuka sa bato. (Ihambing ang Gaw 7:16 at Gen 23:19, 20.) Gaya ng naipaliwanag na, bagaman idiniriin ng salitang taʹphos (libingan [grave]) ang ideya ng paglilibing, idiniriin naman ng mga salitang mneʹma (libingan, [tomb]) at mne·meiʹon (alaalang libingan [memorial tomb]) ang ideya ng pag-iingat sa alaala ng taong namatay. Samakatuwid, waring ang huling nabanggit na mga salita ay mas nagtatawid ng ideya ng pagiging permanente kaysa sa taʹphos; nauugnay ang mga ito sa salitang Latin na monumentum.

Waring ang mga libingang Judio ay karaniwan nang nasa labas ng mga lunsod, maliban sa mga libingan ng mga hari. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang lahat ng pagtukoy sa mga libingang Judio ay nagpapahiwatig na ang mga ito ay nasa labas ng mga lunsod, maliban sa pagtukoy sa libingan ni David sa Gawa 2:29. Palibhasa’y nasa malalayong lugar at iniiwasan din ng mga Judio dahil sa seremonyal na karumihang iniuugnay sa mga ito, kung minsan ang kinaroroonan ng mga libingang ito ay pinamumugaran ng mga taong baliw o mga inaalihan ng demonyo.​—Mat 8:28; Mar 5:5.

Hindi Magarbo. Bagaman nagsisilbing isang alaala ng taong namatay, ang alaalang libingan ng mga Judio ay karaniwan nang hindi magarbo o mapagparangya. Ang ilan ay napakasimple at di-pansinin anupat maaaring lumalakad ang mga tao sa ibabaw ng mga iyon nang hindi nila namamalayan. (Luc 11:44) Bagaman kaugalian noon ng mga taong pagano na nakapalibot sa mga Judio na gawing magarbo ang kanilang mga libingan hangga’t makakaya nila, kapansin-pansin ang pagiging simple ng mga natagpuang sinaunang libingang Judio. Ito’y dahil hindi ipinahihintulot ng pagsamba ng mga Judio ang pagpapakundangan sa mga patay at hindi ito nagtataguyod ng anumang ideya ng may-malay na pag-iral sa daigdig ng mga espiritu pagkamatay ng isa, mga ideyang gaya niyaong pinaniniwalaan ng mga Ehipsiyo, mga Canaanita, at mga Babilonyo. Kaya bagaman inaangkin ng maraming kritiko na ang pagsamba ng bansang Israel mula pa noong sinaunang panahon ay syncretistic, samakatuwid nga, resulta ng pinagsama-samang magkakasalungat na paniniwala at nabuo sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga paniniwala at mga gawaing nagmula sa mas sinaunang mga relihiyon, ang pangunahing ebidensiya na hindi totoo ang gayong pagsamâ ng kanilang relihiyon ay muling makikita sa pagiging simple ng kanilang mga libingan. Gayunman, nagkaroon ng ilang paglihis mula rito. Ipinakita ni Jesus na noong panahon niya ay naging kaugalian ng mga eskriba at mga Pariseo na palamutian ang mga alaalang libingan ng mga propeta at ng iba pa. (Mat 23:29, 30) Sa ilalim ng impluwensiya ng mga Griego at mga Romano, mararangyang libingan ang nakahiligang ipagawa ng mayayaman.

Maliban sa libingan ni Juan na Tagapagbautismo (Mar 6:29), ang iba pang mga libingang binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay yaong kay Lazaro at kay Jesus. Ang libingan ni Lazaro ay pangkaraniwang libingang Judio, isang yungib na ang butas ay tinakpan ng bato, at ang butas na iyon ay maaaring medyo maliit, kung ipapalagay natin na katulad nito ang mga libingang natagpuan sa Palestina. Ipinahihiwatig ng konteksto na ito’y nasa labas ng nayon.​—Ju 11:30-34, 38-44.

Ang Libingan ni Jesus. Ang libingang pinaglagyan kay Jesus ay bago at pag-aari ni Jose ng Arimatea; hindi iyon isang yungib kundi inuka sa batong-limpak na nasa isang harding di-kalayuan sa dako kung saan ibinayubay si Jesus. Ang libingang ito ay may pasukan na sinasarhan ng isang malaking bato, at lumilitaw na ang batong iyon ay pabilog, na siyang ginagamit kung minsan. (Mat 27:57-60; Mar 16:3, 4; Ju 19:41, 42) Sa loob nito, maaaring may tulad-bangkô na mga patungan na inuka sa mga dingding o kaya’y mga nitsong inuka nang patindig sa mga dingding na doo’y mailalagay ang mga bangkay.​—Ihambing ang Mar 16:5.

Dalawang pangunahing lugar ang inaangkin bilang orihinal na lokasyon ng libingan ni Jesus. Ang isa ay ang kinikilalang lugar kung saan itinayo ang Church of the Holy Sepulchre. Ang isa pa ay kilala bilang ang Garden Tomb, na inuka sa isang malaking bato na nakausli sa gilid ng isang burol at nasa labas pa rin ng kasalukuyang mga pader ng lunsod. Gayunman, walang matibay na patotoo na ang alinman sa mga dakong ito ang kinaroroonan ng alaalang libingang pinaglagyan kay Jesus.​—Tingnan ang GOLGOTA.

‘Mga Libingang Nabuksan’ Nang Mamatay si Jesus. Ang teksto sa Mateo 27:52, 53 may kinalaman sa “mga alaalang libingan [na] nabuksan” dahil sa isang lindol noong panahong mamatay si Jesus ay nagbangon ng maraming talakayan, anupat naniniwala ang ilan na may naganap na pagkabuhay-muli noon. Gayunman, kung ihahambing sa mga tekstong may kinalaman sa pagkabuhay-muli, magiging malinaw na ang mga talatang ito ay hindi naglalarawan ng isang pagkabuhay-muli kundi naglalarawan lamang ng pagtilapon ng mga bangkay mula sa kanilang mga libingan, kahawig ng mga insidenteng naganap nitong nakalipas na mga panahon, gaya sa Ecuador noong 1949 at gayundin sa Sonsón, Colombia, noong 1962, nang 200 bangkay sa sementeryo ang tumilapon mula sa kanilang mga libingan dahil sa isang malakas na lindol.​—El Tiempo, Bogotá, Colombia, Hulyo 31, 1962.

Pag-alaala ng Diyos. Dahil sa ideya ng pag-alaala na nauugnay sa salitang mne·meiʹon, ang paggamit sa salitang ito (sa halip na sa taʹphos) sa Juan 5:28 may kinalaman sa pagkabuhay-muli ng “lahat ng nasa mga alaalang libingan” ay tila angkop na angkop at ito’y kabaligtaran ng ideya ng lubusang pagtatakwil at paglimot sa alaala, na isinasagisag ng Gehenna. (Mat 10:28; 23:33; Mar 9:43) Ang pagpapahalaga ng mga Hebreo sa paglilibing (tingnan ang PAGLILIBING, MGA DAKONG LIBINGAN) ay nagpapahiwatig ng kanilang pagnanais na sila’y alalahanin, pangunahin na ng Diyos na Jehova na kanilang sinasampalatayanan bilang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Heb 11:1, 2, 6) Bihirang-bihira ang mga inskripsiyon sa mga libingan ng mga Israelita at, kung mayroon man, kadalasa’y pangalan lamang ang nakasulat. Ang namumukod-tanging mga hari ng Juda ay walang mariringal na bantayog na inukitan ng mga papuri sa kanila at ng mga kabayanihan nila, di-gaya ng ginawa ng mga hari ng ibang mga bansa. Sa gayon, lumilitaw na ang importante sa mga taong tapat noong sinaunang mga panahon ay ang mapasulat ang kanilang pangalan sa “aklat ng alaala” na inilalarawan sa Malakias 3:16.​—Ihambing ang Ec 7:1; tingnan ang PANGALAN.

Dahil sa pangunahing ideya ng pag-alaala na nakapaloob sa orihinal na mga salitang Griego para sa “libingan” o “alaalang libingan,” nagiging mas makahulugan ang pakiusap ng manggagawa ng kasamaan na ibinayubay sa tabi ni Jesus, “alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.”​—Luc 23:42.

Tingnan din ang LIBINGAN.