Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alabastro

Alabastro

Ang tawag sa maliliit at hugis-plorerang sisidlan ng pabango na orihinal na yari sa isang uri ng batong matatagpuan malapit sa Alabastron, Ehipto. Ang mismong batong iyon, na isang anyo ng calcium carbonate, ay tinawag ding alabastro. Nagtipon si David ng “mga batong alabastro [sa Heb., shaʹyish] na pagkarami-rami” para sa pagtatayo ng templo ni Jehova sa Jerusalem.​—1Cr 29:2.

Ang sinauna o “Oriental” na alabastrong ito ay iba sa makabagong alabastro, na isang hydrated calcium sulfate na madaling magasgas. Ang orihinal na alabastro ay kadalasang kulay puti at, dahil nagmula ito sa stalagmite, kung minsa’y mayroon itong mga guhit na iba’t iba ang kulay. Halos kasintigas ito ng marmol ngunit hindi ito napakikintab nang husto na gaya ng marmol. Ang solidong alabastro ay binubutasan o binabarena sa gitna para makapaglaman ng mga isang Romanong libra (0.33 kg; 0.72 lb) ng likido. (Ju 12:3) Karaniwan na, ang sisidlang alabastro (sa Gr., a·laʹba·stron) ay may makipot na leeg na puwedeng sarhang mabuti para hindi sumingaw ang mamahaling pabango.

Kahit na di-gaanong mamahaling materyales, gaya ng gypsum, ang ginamit sa paggawa ng gayong mga sisidlan, alabastro pa rin ang tawag sa mga iyon dahil sa paggagamitan ng mga iyon. Gayunman, mga sisidlang yari sa tunay na alabastro ang ginagamit noon para sa mamahaling mga ungguento at mga pabango, tulad niyaong ipinahid kay Jesus sa dalawang pagkakataon, minsan ay sa bahay ng isang Pariseo sa Galilea (Luc 7:37) at minsan nama’y sa bahay ni Simon na ketongin sa Betania.​—Mat 26:6, 7; Mar 14:3.