Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Algudon

Algudon

Isang uri ng kayo na hinahabi mula sa puting mga hibla na bumabalot sa mga buto ng bunga ng ilang halamang bulak. Ang salitang Hebreo na kar·pasʹ, na maaaring tumukoy alinman sa mainam na algudon o sa mainam na lino, ay kahawig ng salitang Sanskrit na karpasa at ng Griegong karʹpa·sos. Pinapaboran ng maraming makabagong bersiyon ang salin na “algudon” sa Esther 1:6. Doon ay binabanggit ito bilang isa sa mga materyales na ginamit na pampalamuti sa looban ng palasyo noong panahon ng pitong-araw na piging ni Haring Ahasuero sa Susan. Ang pagtatanim ng halamang bulak sa Persia at India ay ginagawa na noon pa mang sinaunang mga panahon. Bagaman waring mas malawakang ginagamit ang lino sa Ehipto at Palestina, mayroon ding katibayan na ginagamit na roon ang algudon mula pa noong unang milenyo B.C.E. patuloy.

Ipinapalagay na ang halamang bulak sa ulat ng Bibliya ay ang uri na may klasipikasyong Gossypium herbaceum. Ang palumpong na ito ay tumataas nang hanggang mga 1.5 m (5 piye) at nagsisibol ng dilaw o kung minsa’y kulay-rosas na mga bulaklak, at kapag natuyo na ang mga bulaklak, ang naiiwan na lamang ay mga cotton boll o mga kapsula ng buto. Kapag hinog na, ang mga boll ay pumuputok, anupat lumalabas ang buhaghag na bulak. Matapos tipunin ang mga bulak, kailangan itong pilian ng mga buto, o suyurin, sa pamamagitan ng pagpaparaan ng mga bulak sa makinang tinatawag na gin. Pagkatapos ay handa na ang mga hibla ng bulak para sa huling pagpoproseso at sa paghahabi. Iminumungkahi ng ilang iskolar na malamang na tumutukoy sa algudon ang “mga puting kayo” ng mga manggagawa sa habihan ng Ehipto na binanggit sa Isaias 19:9.​—Tingnan ang TELA, I.