Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alipin

Alipin

Ang mga salita sa orihinal na wika na isinalin bilang “alipin” o “lingkod” ay hindi lamang kumakapit sa mga indibiduwal na pag-aari ng iba. Ang salitang Hebreo na ʽeʹvedh ay maaaring tumukoy sa mga indibiduwal na pag-aari ng kanilang kapuwa. (Gen 12:16; Exo 20:17) O maaari ring tumukoy ang terminong ito sa mga sakop ng isang hari (2Sa 11:21; 2Cr 10:7), sa mga bayang nasupil na nagbabayad ng tributo (2Sa 8:2, 6), at sa mga taong naglilingkod sa hari, kabilang na rito ang mga katiwala ng kopa, mga magtitinapay, mga marino, mga opisyal ng militar, mga tagapayo, at ang mga katulad nito, pag-aari man sila ng kanilang kapuwa o hindi (Gen 40:20; 1Sa 29:3; 1Ha 9:27; 2Cr 8:18; 9:10; 32:9). Sa magalang na pagsasalita, sa halip na gamitin ng isang Hebreo ang panghalip na nasa unang panauhan, kung minsan ay tinutukoy niya ang kaniyang sarili bilang lingkod (ʽeʹvedh) ng kausap niya. (Gen 33:5, 14; 42:10, 11, 13; 1Sa 20:7, 8) Sa pangkalahatan, ginamit ang ʽeʹvedh upang tukuyin ang mga lingkod, o mga mananamba, ni Jehova (1Ha 8:36; 2Ha 10:23) at, mas espesipiko, ang pantanging mga kinatawan ng Diyos, gaya ni Moises. (Jos 1:1, 2; 24:29; 2Ha 21:10) Ang isa na nagsagawa ng paglilingkod na kasuwato ng kalooban ng Diyos, bagaman hindi mananamba ni Jehova, ay maaaring tukuyin bilang lingkod ng Diyos, gaya halimbawa ni Haring Nabucodonosor.​—Jer 27:6.

Ang terminong Griego na douʹlos ay katumbas ng salitang Hebreo na ʽeʹvedh. Ginagamit ito may kaugnayan sa mga taong pag-aari ng kanilang kapuwa (Mat 8:9; 10:24, 25; 13:27); sa tapat na mga lingkod ng Diyos at ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo, tao man (Gaw 2:18; 4:29; Ro 1:1; Gal 1:10) o anghel (Apo 19:10, kung saan lumilitaw ang salitang synʹdou·los [kapuwa alipin]); at, sa makasagisag na diwa, sa mga taong alipin ng kasalanan (Ju 8:34; Ro 6:16-20) o kasiraan (2Pe 2:19).

Ang salitang Hebreo na naʹʽar, tulad ng terminong Griego na pais, ay pangunahin nang nangangahulugang isang bata, isang batang lalaki o isang kabataan, at maaari ring tumukoy sa isang alila o isang tagapaglingkod. (1Sa 1:24; 4:21; 30:17; 2Ha 5:20; Mat 2:16; 8:6; 17:18; 21:15; Gaw 20:12) Ang terminong Griego na oi·keʹtes ay tumutukoy sa isang tagapaglingkod sa bahay o alipin (Luc 16:13), at isang babaing alipin o alila naman ang tinutukoy ng salitang Griego na pai·diʹske. (Luc 12:45) Ang pandiwaring anyo ng salitang-ugat na Hebreo na sha·rathʹ ay maaaring isalin sa mga terminong gaya ng “lingkod” (Exo 33:11) o “tagapagsilbi.” (2Sa 13:18) Ang salitang Griego na hy·pe·reʹtes ay maaaring isalin bilang “tagapaglingkod,” “tagapaglingkod sa hukuman,” o “tagapaglingkod sa bahay.” (Mat 26:58; Mar 14:54, 65; Ju 18:36) Ang terminong Griego na the·raʹpon ay lumilitaw lamang sa Hebreo 3:5 at nangangahulugang tauhan o tagapaglingkod.

Bago ang Karaniwang Panahon. Digmaan, karalitaan, at krimen ang mga pangunahing dahilan kung bakit nauuwi sa pagkaalipin ang mga tao. Kadalasan, ang mga bihag sa digmaan ay ginagawang mga alipin ng kanilang mga mambibihag o ipinagbibili sila ng mga ito sa pagkaalipin. (Ihambing ang 2Ha 5:2; Joe 3:6.) Sa lipunan ng mga Israelita, kung ang isang tao ay maging dukha, maaari niyang ipagbili sa pagkaalipin ang kaniyang sarili o ang mga anak niya upang mabayaran ang kaniyang pagkakautang. (Exo 21:7; Lev 25:39, 47; 2Ha 4:1) Kung hindi mabayaran ng taong nagkasala ng pagnanakaw ang mga bagay na ninakaw niya, ipagbibili siya kapalit ng mga iyon, anupat maliwanag na muli niyang matatamo ang kaniyang kalayaan kapag nabayaran na ang lahat ng sinisingil sa kaniya.​—Exo 22:3.

Kung minsan, ang mga alipin ay may posisyon sa sambahayan bilang isa na lubhang pinagkakatiwalaan at iginagalang. Ang matanda nang lingkod ng patriyarkang si Abraham, malamang na si Eliezer, ang namahala sa lahat ng pag-aari ng kaniyang panginoon. (Gen 24:2; 15:2, 3) Bilang isang alipin sa Ehipto, ang inapo ni Abraham na si Jose ay naging tagapangasiwa sa lahat ng ari-arian ni Potipar, na isang opisyal ng korte ni Paraon. (Gen 39:1, 5, 6) Sa Israel, posibleng yumaman ang isang alipin at matubos niya ang kaniyang sarili.​—Lev 25:49.

May kinalaman sa pangangalap ng mga manggagawa, tingnan ang PUWERSAHANG PAGTATRABAHO; SAPILITANG PAGLILINGKOD.

Mga kautusan hinggil sa kaugnayan ng alipin at ng panginoon. Sa mga Israelita, naiiba ang katayuan ng aliping Hebreo sa katayuan ng alipin na banyaga, naninirahang dayuhan, o nakikipamayan. Bagaman ang aliping di-Hebreo ay mananatiling pag-aari ng kaniyang panginoon at maaaring ipamana ng ama sa anak (Lev 25:44-46), ang aliping Hebreo naman ay dapat palayain sa ikapitong taon ng pagkaalipin nito o sa taon ng Jubileo, alinman ang mauna. Sa panahon ng kaniyang pagkaalipin, ang aliping Hebreo ay dapat pakitunguhan bilang isang upahang trabahador. (Exo 21:2; Lev 25:10; Deu 15:12) Kung ipagbili ng isang Hebreo ang kaniyang sarili upang maging alipin ng isang naninirahang dayuhan, ng isang miyembro ng pamilya ng naninirahang dayuhan, o ng isang nakikipamayan, maaari siyang tubusin kailanman, anupat maaaring siya mismo ang tumubos sa kaniyang sarili o tutubusin siya ng isa na may karapatang tumubos. Ang halagang pantubos ay ibinabatay sa bilang ng mga taóng natitira hanggang sa taon ng Jubileo o hanggang sa ikapitong taon ng pagkaalipin. (Lev 25:47-52; Deu 15:12) Kapag pinagkakalooban ng kalayaan ang isang aliping Hebreo, ang panginoon niya ay dapat magbigay sa kaniya ng isang kaloob na tutulong sa kaniya na magkaroon ng mabuting pasimula bilang isang taong pinalaya. (Deu 15:13-15) Kung ang isang aliping lalaki ay pumasok nang may asawa, aalis na kasama niya ang kaniyang asawa. Gayunman, kung binigyan siya ng kaniyang panginoon ng isang asawa (maliwanag na isang babaing banyaga na walang karapatang lumaya sa ikapitong taon ng pagkaalipin), ang babae at ang mga anak niya rito ay mananatiling pag-aari ng panginoon. Sa gayong kalagayan, maaaring piliin ng aliping Hebreo na manatili sa kaniyang panginoon. Kung magkagayon, bubutasan ang kaniyang tainga sa pamamagitan ng balibol bilang tanda na magpapatuloy siya sa pagkaalipin hanggang sa panahong walang takda.​—Exo 21:2-6; Deu 15:16, 17.

Mga aliping babaing Hebreo. May ilang pantanging tuntunin na kumakapit sa isang aliping babaing Hebreo. Maaari siyang kunin ng kaniyang panginoon upang maging pangalawahing asawa nito o italaga bilang asawa ng anak nito. Kapag itinalaga siya bilang asawa ng anak ng kaniyang panginoon, ang Hebrea ay dapat pakitunguhan alinsunod sa kaukulang karapatan ng mga anak na babae. Kung kukuha ang anak na lalaki ng ibang asawa, hindi babawasan ang kaniyang panustos, pananamit, at kaukulan bilang asawa. Kapag hindi natugunan ng anak na lalaki ang mga kahilingang ito, bibigyang-karapatan ang babae na lumaya nang walang ibinabayad na halagang pantubos. Kung gustong ipatubos ng isang panginoon ang isang Hebrea, hindi siya pahihintulutang ipagbili ito sa mga banyaga.​—Exo 21:7-11.

Ipinagsanggalang at binigyan ng mga pribilehiyo. Ipinagsanggalang ng Kautusan ang mga alipin laban sa kalupitan. Kung mawalan ng isang ngipin o isang mata ang alipin dahil sa pagmamalupit ng kaniyang panginoon, dapat siyang palayain. Yamang 30 siklo ang karaniwang halaga ng isang alipin (ihambing ang Exo 21:32), magiging malaking kalugihan sa kaniyang panginoon ang paglaya niya, kaya naman isa itong mabisang hadlang laban sa pag-abuso. Bagaman maaaring paluin ng panginoon ang kaniyang alipin, depende sa magiging pasiya ng mga hukom, ipaghihiganti ang alipin kung mamatay ito dahil sa pamamalo ng kaniyang panginoon. Gayunman, kung ang alipin ay magtagal pa nang isa o dalawang araw bago ito mamatay​—anupat nagpapahiwatig na hindi binalak ng panginoon na patayin ang kaniyang alipin kundi nais lamang niya siyang disiplinahin​—hindi siya ipaghihiganti. (Exo 21:20, 21, 26, 27; Lev 24:17) Gayundin, lumilitaw na upang maituring na malaya sa pagkakasala ang panginoon, dapat na hindi isang nakamamatay na kasangkapan ang ginamit niya sa pamamalo, yamang ipahihiwatig niyaon na may layunin siyang pumatay. (Ihambing ang Bil 35:16-18.) Samakatuwid, kung ang isang alipin ay magtagal pa nang isa o dalawang araw, makatuwirang mag-alinlangan kung talagang namatay siya dahil sa pagpaparusa. Halimbawa, karaniwan na, hindi naman nakamamatay ang paghampas sa pamamagitan ng pamalo, gaya ng ipinakikita ng pananalita sa Kawikaan 23:13: “Huwag mong ipagkait sa bata ang disiplina. Kung hahampasin mo siya ng pamalo, hindi siya mamamatay.”

Ayon sa mga kundisyon ng Kautusan, may ilang pribilehiyo na ipinagkakaloob sa mga alipin. Yamang tinutuli ang lahat ng aliping lalaki (Exo 12:44; ihambing ang Gen 17:12), maaari silang kumain ng Paskuwa, at ang mga alipin ng saserdote ay maaaring kumain ng mga banal na bagay. (Exo 12:43, 44; Lev 22:10, 11) Ang mga alipin ay hindi pinagtatrabaho kapag Sabbath. (Exo 20:10; Deu 5:14) Kapag taon ng Sabbath, may karapatan silang kainin yaong sumibol mula sa mga natapong butil at mula sa di-napungusang punong ubas. (Lev 25:5, 6) Dapat silang makibahagi sa pagsasayang kaugnay ng paghahain sa santuwaryo at ng pagdiriwang ng mga kapistahan.​—Deu 12:12; 16:11, 14.

Pangmalas ng Unang-Siglong mga Kristiyano. Napakaraming alipin sa Imperyo ng Roma, anupat may mga indibiduwal na nagmamay-ari ng daan-daang alipin, o libu-libo pa nga. Protektado ng pamahalaan ng imperyo ang institusyon ng pang-aalipin. Hindi nanindigan ang unang-siglong mga Kristiyano laban sa awtoridad ng pamahalaan may kinalaman sa bagay na ito at hindi sila nagtaguyod ng paghihimagsik ng mga alipin. Iginalang nila ang legal na karapatan ng iba, pati ng mga kapuwa Kristiyano, na magmay-ari ng mga alipin. Iyan ang dahilan kung bakit pinabalik ng apostol na si Pablo ang takas na aliping si Onesimo. Dahil naging Kristiyano na si Onesimo, kusang-loob siyang bumalik sa kaniyang panginoon, anupat nagpasakop siya bilang alipin ng kaniyang kapuwa Kristiyano. (Flm 10-17) Pinaalalahanan din ng apostol na si Pablo ang mga aliping Kristiyano na huwag maging mapagsamantala sa kaugnayan nila sa kanilang nananampalatayang mga panginoon. Sinabi niya: “Yaong may mga nananampalatayang may-ari ay huwag manghamak sa kanila, sapagkat sila ay mga kapatid. Sa halip, lalo pa nga silang maging handang magpaalipin, sapagkat yaong mga tumatanggap ng pakinabang ng kanilang mabuting paglilingkod ay mga mananampalataya at minamahal.” (1Ti 6:2) Isang pagpapala sa alipin ang magkaroon ng panginoon na Kristiyano, yamang may pananagutan ang may-aring ito na makitungo sa kaniya nang matuwid at makatarungan.​—Efe 6:9; Col 4:1.

Kapag tinanggap nila ang Kristiyanismo, yaong mga nasa pagkaalipin ay may pananagutan na maging mas mabubuting alipin, anupat “hindi sumasagot nang palabán, hindi nagnanakaw, kundi nagpapakita ng lubusan at mabuting pagkamatapat.” (Tit 2:9, 10) Kahit hindi makatarungan ang pakikitungo sa kanila ng kanilang mga panginoon, dapat pa rin nilang paglingkuran nang husto ang mga ito. Sa pamamagitan ng pagdurusa alang-alang sa katuwiran, tinutularan nila ang halimbawa ni Jesu-Kristo. (1Pe 2:18-25) “Kayong mga alipin,” ang sabi ng apostol na si Pablo, “maging masunurin kayo sa lahat ng bagay doon sa inyong mga panginoon ayon sa laman, hindi sa pamamagitan ng mga gawa na pakitang-taong paglilingkod, gaya ng mga nagpapalugod sa tao, kundi may kataimtiman ng puso, na may takot kay Jehova. Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao.” (Col 3:22, 23; Efe 6:5-8) Sa pamamagitan ng gayong mainam na pakikitungo sa kanilang mga panginoon, maiiwasan nilang magdulot ng kadustaan sa pangalan ng Diyos, palibhasa’y walang sinumang makapanunumbat na ang Kristiyanismo ay nagbubunga ng tamad at walang-kabuluhang mga alipin.​—1Ti 6:1.

Sabihin pa, hindi maaaring maging kalakip sa ‘pagiging masunurin ng isang alipin sa lahat ng bagay’ ang pagsuway sa kautusan ng Diyos, yamang mangangahulugan iyan ng pagkatakot sa mga tao sa halip na sa Diyos. Kung ang mga alipin ay gagawa ng masama, kahit ginawa pa ito sa utos ng isa na nakatataas, hindi ito magiging ‘kagayakan sa turo ng kanilang Tagapagligtas, ang Diyos,’ kundi magbibigay ng masamang impresyon at ng kadustaan sa turong iyon. (Tit 2:10) Kaya naman, dapat nilang sundin ang kanilang budhing Kristiyano.

Sa kongregasyong Kristiyano, ang lahat ng tao, anuman ang katayuan nila sa lipunan, ay magkakapantay. Ang lahat ay pinahiran ng iisang espiritu at sa gayon ay nakikibahagi sa iisang pag-asa bilang mga sangkap ng iisang katawan. (1Co 12:12, 13; Gal 3:28; Col 3:11) Bagaman mas limitado ang maaari niyang gawin sa pagpapalaganap ng mabuting balita, hindi ito dapat ikabahala ng aliping Kristiyano. Gayunman, kung pagkakalooban siya ng pagkakataong lumaya, sasamantalahin niya ito at sa gayon ay palalawakin niya ang kaniyang gawaing Kristiyano.​—1Co 7:21-23.

Pagkaalipin sa Kasalanan. Nang suwayin ng unang taong si Adan ang kautusan ng Diyos, isinuko niya ang lubusang pagpigil sa kaniyang sarili at binigyang-daan niya ang sakim na pagnanasang patuloy na makasama ang kaniyang makasalanang asawa at palugdan ito. Yamang isinuko ni Adan ang kaniyang sarili sa makasalanang pagnanasa niya, naging kaniyang panginoon ang pagnanasang ito at ang bunga nito, ang kasalanan. (Ihambing ang Ro 6:16; San 1:14, 15; tingnan ang KASALANAN.) Sa gayon ay ipinagbili niya ang kaniyang sarili sa ilalim ng kasalanan. Yamang nasa kaniyang mga balakang pa noon ang lahat ng magiging supling niya, ang mga ito man ay ipinagbili rin ni Adan sa ilalim ng kasalanan. Kaya naman sumulat ang apostol na si Pablo: “Ako ay makalaman, ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.” (Ro 7:14) Sa dahilang ito, walang anumang paraan upang gawing matuwid ng sinuman sa mga inapo ni Adan ang kanilang sarili, kahit sa pamamagitan pa ng pagsisikap na tuparin ang Kautusang Mosaiko. Gaya ng sinabi ng apostol na si Pablo: “Ang utos na ukol sa buhay, ito ay nasumpungan kong ukol sa kamatayan.” (Ro 7:10) Palibhasa’y hindi nila kaya na lubusang tuparin ang Kautusan, ipinakita nito na ang mga tao ay mga alipin ng kasalanan at na nararapat sila sa kamatayan, hindi sa buhay.​—Tingnan ang KAMATAYAN.

Mapalalaya lamang o magtatamo lamang ng kalayaan ang mga indibiduwal mula sa pagkaaliping ito kung sasamantalahin nila ang katubusang pinaging-posible sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Ihambing ang Ju 8:31-34; Ro 7:21-25; Gal 4:1-7; Heb 2:14-16; tingnan ang PANTUBOS.) Palibhasa’y binili sila ng mahalagang dugo ni Jesus, ang mga Kristiyano ay mga alipin, o mga lingkod, ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak, anupat may pananagutang tuparin ang kanilang mga utos.​—1Co 7:22, 23; 1Pe 1:18, 19; Apo 19:1, 2, 5; tingnan ang KALAYAAN; TAONG PINALAYA, TAONG LAYA.

Tingnan din ang TAPAT AT MAINGAT NA ALIPIN.