Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alkitran

Alkitran

[sa Ingles, pitch].

Ang malagkit at likidong anyo ng bitumen, binubuo ng mga hydrocarbon, may matingkad na kulay, at kahawig ng karaniwang tinatawag na tar [tinatawag ding alkitran sa Tagalog]. (Tingnan ang BITUMEN.) Isinalin ito mula sa salitang Hebreo na zeʹpheth.

Napakadaling magliyab ng mineral na alkitran at, malibang mayroon itong saganang suplay ng hangin, napakausok nito kapag nasusunog. Ang pagpapangyaring mapuno ng alkitran ang mga ilog ng Edom at maging “nagniningas na alkitran” ang lupain, anupat paiilanlang ang usok nito hanggang sa panahong walang takda, ay isang angkop na larawan ng matinding pagkawasak. (Isa 34:9, 10) Tumutulong din ang ganitong paglalarawan upang makilala ang substansiyang ito, sapagkat ang Edom ay malapit sa Dagat na Patay, at maging sa ngayon ay may bitumeng inaanod paminsan-minsan sa mga dalampasigan niyaon, maliwanag na nagmumula sa mga depositong natatakpan ngayon ng dagat.

Ayon sa Exodo 2:3, pinahiran ng kapuwa “bitumen at alkitran” ang arkang papiro na pinagkublihan kay Moises. Iminumungkahi ng Judiong komentarista na si Rashi na ito’y nangangahulugang bitumen ang ipinahid sa loob at alkitran naman ang ipinahid sa labas. O, maaaring nangangahulugan ito na iisang uri ng substansiya ang ginamit subalit binubuo ng dalawang magkaibang lapot nito na pinaghalo. Halimbawa, sa The Land and the Book, iminumungkahi ni W. M. Thomson na ang Exodo 2:3 ay “nagsisiwalat ng proseso ng paghahanda nila ng bitumen. Ang mineral, gaya ng matatagpuan sa lupaing ito, ay agad na natutunaw sa ganang sarili; ngunit kapag lumamig na, nagiging malutong iyon na gaya ng salamin. Kailangang haluan iyon ng tar habang natutunaw, at sa ganitong paraan ay nagiging pagkit iyon na matigas at malasalamin, anupat hinding-hindi matatagos ng tubig.” (Nirebisa ni J. Grande, 1910, p. 200) Ginagamit naman ng Griegong Septuagint ang iisang termino na a·sphal·toʹpis·sa, na pinaghalong aspalto at alkitran. Sa ilang bahagi ng Gitnang Silangan, ginagamit ang mineral na alkitran maging nitong mga panahong kalilipas lamang bilang pamahid sa ilang sasakyang naglalayag.