Almendras
[sa Heb., luz (Gen 30:37); sha·qedhʹ (Gen 43:11)].
Ang almendras (Amygdalus communis) ay isang punungkahoy na katutubo sa Palestina, sa Lebanon, at sa ilang lugar sa Mesopotamia. Ito ay kabilang sa pamilya ng rosas at tumutubo nang ligáw o itinatanim bilang namumungang punungkahoy.
Ang pangalang Hebreo na sha·qedhʹ ay literal na nangangahulugang “isa na gumigising,” na angkop na angkop naman yamang ang almendras ang isa sa mga punungkahoy na pinakamaagang mamulaklak pagkaraan ng taglamig, anupat namumulaklak nang sing-aga ng huling bahagi ng Enero o maagang bahagi ng Pebrero. Pansinin ang paggamit ng magkatunog na mga salita sa Jeremias 1:11, 12, kung saan ang salitang Hebreo para sa “punong almendras” (sha·qedhʹ) ay sinusundan ng pananalitang “nananatiling gising” (sho·qedhʹ). Ang punungkahoy na ito ay maaaring tumaas nang hanggang 5 m (16 na piye). Kapag namumulaklak, ito ay hitik sa magagandang bulaklak na kulay-rosas o puti na nakaayos nang pares-pares. Sa Eclesiastes 12:5, ang namumulaklak na punong almendras ay ginamit na larawan ng mapuputing buhok ng mga may edad na. Ang mga dahon nito ay biluhaba at may ngipin-ngipin sa pinakagilid. Ang bunga ng almendras ay hugis-itlog, pabilog sa isang dulo at patulis naman sa kabila. Noon pa man ay itinuturing na itong isang espesyal na pagkain at inilakip ito ni Jacob sa kaloob na ipinadala niya sa Ehipto nang bumalik doon ang kaniyang mga anak. (Gen 43:11) Ang buto nito ay pinagmumulan ng kapaki-pakinabang na langis, anupat ang 45 kg (100 lb) na bunga ay nagbibigay ng mga 20 kg (44 na lb) ng langis.
Walang alinlangang dahil sa kariktan ng mga bulaklak ng almendras, ipinaris sa mga ito ang hugis ng mga kopa na nasa mga sanga ng kandelero ng tabernakulo. (Exo 25:33, 34; 37:19, 20) Ang tungkod ni Aaron ay isa ring sanga ng almendras, na makahimalang umusbong sa loob ng magdamag at nagbunga ng hinog na mga almendras bilang patotoo na sinang-ayunan ng Diyos ang kaniyang pagiging pinahirang mataas na saserdote.—Bil 17:8.
[Larawan sa pahina 91]
Mga bulaklak ng almendras. Ang almendras ang isa sa mga punungkahoy na unang namumulaklak sa pagtatapos ng taglamig, kaya ang pangalan nito sa Hebreo ay nangangahulugang “isa na gumigising”