Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Almires

Almires

Isang malukong na sisidlan kung saan dinudurog ang mga butil, espesya, olibo, o iba pang mga substansiya sa pamamagitan ng pagbayo ng isang pandikdik.

Sa mga libingan sa Ehipto, may mga ipinintang larawan na kakikitaan ng malalaking almires. Malamang na ang mga ito’y mga almires na kahoy at ang mga pandikdik naman ay gawa sa metal. Sa isang ipinintang larawan, ipinakikita ang dalawang lalaki sa iisang almires, na halinhinang bumabayo gamit ang kani-kaniyang metal na pandikdik (hugis-pamalo sa magkabilang dulo), na hinahawakan nila nang dalawang kamay sa bandang gitna. Ipinahihiwatig ng larawan na matapos bayuhin nang husto ang materyal na nasa almires, binibistay ito tungo sa ibang lalagyan at ang hindi pa durog na mga labí ay ibinabalik sa almires upang bayuhin pang muli.

Noong sila’y nasa ilang, ginigiling ng mga Israelita ang manna sa mga gilingang pangkamay o dinidikdik nila iyon sa isang almires (sa Heb., medho·khahʹ) kapag inihahanda para sa pagluluto.​—Bil 11:7, 8.

Ang pinakamainam na langis ng olibo ay nakukuha sa pamamagitan ng pagbayo sa mga olibo sa isang almires gamit ang isang pandikdik. Langis na galing lamang sa laman ng olibo ang nakakatas dito, samantalang sa isang pisaan ay nadudurog pati ang mga buto. Dalisay na napigang langis ng olibo ang dapat gamitin sa pagpapaningas ng kandelerong nasa tolda ng kapisanan. Ginagamit din ang langis na napiga sa pamamagitan ng almires may kaugnayan sa “palagiang handog na sinusunog” at maliwanag na pati sa banal na langis na pamahid. Ginagamit din sa santuwaryo ang insensong dinikdik hanggang sa maging pulbos.​—Exo 27:20, 21; 29:40, 42; 30:23-25, 35, 36.

Yamang ang pinakaloob ng isang almires ay uka, angkop itong ginagamit sa Bibliya upang ilarawan ang anyo ng isang espesipikong kalupaan. Bilang halimbawa, ayon sa Hukom 15:18, 19, pinaglaanan ng Diyos si Samson ng tubig na maiinom sa pamamagitan ng pagbiyak sa “isang hugis-almires na uka” (sa Heb., makh·teshʹ) na nasa Lehi. Gayundin, may isang seksiyon ng Jerusalem, ang “Maktes” o “Purok ng Almires” (sa Heb., Makh·teshʹ, nangangahulugang “almires”), na maaaring pinangalanan nang gayon upang tumukoy sa isang tulad-lunas na uka o mababang dako sa purok na iyon ng lunsod.​—Zef 1:11, tlb sa Rbi8.

Binabayo nang husto ang mga butil kapag dinudurog sa almires upang maging harina. Kaya naman, ginagamit ng Kasulatan ang pamamaraang ito sa makasagisag na paraan, anupat sinasabi: “Dikdikin mo man nang pino ang mangmang sa pamamagitan ng pandikdik sa almires [sa Heb., bam·makh·teshʹ], kasama ng giniik na butil, ang kaniyang kamangmangan ay hindi hihiwalay sa kaniya.”​—Kaw 27:22.

[Larawan sa pahina 92]

Sinaunang almires at pandikdik