Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aloe

Aloe

[sa Heb., ʼaha·limʹ (pangmaramihan) at ʼaha·lohthʹ (pangmaramihan); sa Gr., a·loʹe].

Ang pangalan ng isang uri ng punungkahoy na may substansiyang mabango o aromatiko at ginamit bilang pabango noong panahon ng Bibliya. (Aw 45:8; Kaw 7:17; Sol 4:14) Ipinapalagay ng karamihan sa mga komentarista na ang punong aloe sa Bibliya ay ang Aquilaria agallocha, na kung minsan ay tinatawag na eaglewood tree at sa ngayon ay pangunahin nang matatagpuan sa India at sa mga karatig na rehiyon. Ang punungkahoy na ito ay malaki at palapad, na kung minsan ay umaabot sa taas na 30 m (mga 100 piye). Ang ubod ng katawan at ng mga sanga nito ay punô ng resina at ng langis na matapang ang amoy, na pinagkukunan naman ng napakahalagang pabango. Palibhasa’y waring pinakamabango ang kahoy na ito kapag nabubulok na, kung minsan ay ibinabaon ito sa lupa upang mapabilis ang pagkabulok. Kapag napulbos na ito nang pinung-pino, ipinagbibili ito bilang “aloe.”

Nang ihambing ng propetang si Balaam ang mga tolda ng Israel sa “mga halamang aloe na itinanim ni Jehova, tulad ng mga sedro sa tabi ng tubig,” maaaring ang tinutukoy niya ay ang palapad na hugis ng matataas na punungkahoy na ito, anupat ang magkakatabing mga punong aloe ay kahawig ng isang kampamento ng mga tolda. (Bil 24:6) Gayunman, ang tekstong ito ay pinagtatalunan yamang walang punong Aquilaria agallocha sa Palestina. Sabihin pa, hindi man masusumpungan doon sa ngayon ang mga punungkahoy na ito, hindi ito katibayan na walang gayong mga punungkahoy roon halos 3,500 taon na ang nakalilipas. Sa kabilang dako, nang tukuyin ni Balaam ang mga punungkahoy na ito, hindi kinakailangang aktuwal na tumutubo ang mga ito sa mismong lugar na iyon kung saan siya nagsalita. Kung ang “mga sedro” na kasunod na binanggit sa tekstong ito ay mga sedro ng Lebanon, ang mga punong sedro na ito ay sa labas ng lugar na iyon tumutubo, at maaaring totoo rin ito hinggil sa mga aloe. Ang tanging binabanggit ng iba pang mga teksto tungkol sa mga aloe ay ang aromatikong mga katangian ng mga ito anupat hindi sinasabi ang pinagmulan ng mga ito, kung kaya may posibilidad na inaangkat noon ang mga ito mula sa ibang bansa.

Pagkamatay ni Kristo Jesus, nagdala si Nicodemo ng “isang rolyo ng mira at mga aloe” na tumitimbang nang mga 100 librang Romano (33 kg; 72 lb) upang gamitin sa paghahanda sa katawan ni Jesus para sa libing. (Ju 19:39) Malamang na malaking halaga ng salapi ang ginugol ni Nicodemo sa iniabuloy niyang ito, bagaman hindi binanggit ang dami ng di-gaanong mamahaling mira na kasama sa 100 libra. Bagaman ang terminong “mga aloe” sa tekstong ito ay ikinakapit ng ilan sa halamang kabilang sa pamilya ng mga liryo na tinatawag ngayon sa botanikal na pangalang Aloe vera, ang produkto ng halamang ito (ang malapot na katas mula sa mga dahon nito) ay ginagamit hindi dahil sa bango nito kundi bilang pampurga at para sa iba pang mga layuning pangkalusugan. Malamang na ang mga aloe na dinala ni Nicodemo ay kapareho ng produktong aloe na tinukoy sa Hebreong Kasulatan.