Alyansa
Pagbubuklod ng magkakaibang partido, pamilya, indibiduwal, o estado, maaaring sa pamamagitan ng pakikipag-asawa, kasunduan, o legal na kontrata. Kadalasan, ipinahihiwatig sa isang alyansa na may pakinabang na natatamo ang lahat ng nasasangkot o na nagtutulungan sila ukol sa iisang layunin. Ang salitang Hebreo na cha·varʹ ay literal na nangangahulugang “mapagdugtong” ngunit ginagamit din ito sa makasagisag na paraan upang mangahulugang “maging kaalyado; makisosyo.” (Exo 28:7; Aw 94:20; 2Cr 20:35) Ang kaugnay nitong salita na cha·verʹ ay tumutukoy sa isang kaalyado o kasamahan.—Huk 20:11; Aw 119:63.
Noong sinaunang panahon, nakipag-alyansa si Abraham sa mga Amoritang sina Mamre, Escol, at Aner. Hindi sinasabi kung anong uri iyon ng alyansa, ngunit tinulungan nila siyang iligtas ang kaniyang pamangkin na si Lot mula sa sumasalakay na mga hari. (Gen 14:13-24) Naninirahan noon si Abraham bilang dayuhan sa isang lupaing kontrolado ng maliliit na kaharian, at sa kasong ito, maaaring hinilingan siyang gumawa ng pormal na deklarasyon sa pamamagitan ng isang tipan upang mapayapa siyang makapanirahan sa gitna nila. Gayunman, iniwasan ni Abraham na magkaroon ng di-kinakailangang obligasyon sa gayong mga pulitikal na tagapamahala, gaya ng ipinakikita ng sinabi niya sa hari ng Sodoma sa Genesis 14:21-24. Nang maglaon, sa Gerar, ipinaalaala ng Filisteong hari na si Abimelec kay Abraham na isa siyang banyaga at na naninirahan siya sa lupain ng Filistia dahil sa pahintulot ni Abimelec, at hinilingan siya nito na sumumpa bilang garantiya na gagawi siya nang tapat. Sumang-ayon si Abraham at nang maglaon, pagkatapos ng pagtatalo dahil sa isang balon, nakipagtipan siya kay Abimelec.—Gen 20:1, 15; 21:22-34.
Nanirahan din sa Gerar ang anak ni Abraham na si Isaac, bagaman nang maglaon ay pinaalis siya ni Abimelec sa lugar na iyon, at sumunod naman siya nang maluwag sa loob. Muling nagkaroon ng mga pagtatalo dahil sa mga balon, ngunit pagkatapos ay pumaroon kay Isaac si Abimelec at ang kasamahan niyang mga pinuno upang humiling ng isang sumpaang pananagutan at ng pakikipagtipan, anupat tiyak na ito’y upang muling pagtibayin ang tipan kay Abraham. Sumumpa ang dalawang partido bilang garantiya na makikitungo sila nang mapayapa sa isa’t isa. (Gen 26:16, 19-22, 26-31; ihambing ang Gen 31:48-53.) Inilahad ng apostol na si Pablo na hayagang sinabi ng sinaunang mga patriyarkang ito na sila’y mga taga-ibang bayan at mga pansamantalang naninirahan na nagtotolda sa lupain, anupat naghihintay ng isang lunsod na may tunay na mga pundasyon, na ang tagapagtayo at maygawa ay ang Diyos.—Heb 11:8-10, 13-16.
Iba naman ang situwasyon nang ang bansang Israel ay pumasok sa Canaan, ang Lupang Pangako. Ibinigay ng Soberanong Diyos sa Israel ang buong karapatan sa lupain bilang pagtupad sa kaniyang pangako sa kanilang mga ninuno. Samakatuwid, hindi sila pumasok doon bilang mga naninirahang dayuhan, at pinagbawalan sila ni Jehova Exo 23:31-33; 34:11-16) Dapat silang magpasakop tanging sa mga kautusan at mga batas ng Diyos, hindi sa mga batas ng mga bansa na nakatakda nang palayasin. (Lev 18:3, 4; 20:22-24) Partikular silang binabalaan na huwag makipag-alyansa sa gayong mga bansa ukol sa pag-aasawa. Ang gayong pakikipag-alyansa ay hahantong sa matalik na kaugnayan sa paganong mga asawa at gayundin sa paganong mga kamag-anak at magsasangkot sa kanila sa relihiyosong mga gawain at kaugalian ng mga iyon, na magbubunga ng apostasya at magiging silo sa kanila.—Deu 7:2-4; Exo 34:16; Jos 23:12, 13.
na makipag-alyansa sa mga bansang pagano sa lupain. (Mga Alyansa Ukol sa Pag-aasawa. Ang pandiwang Hebreo na cha·thanʹ, nangangahulugang “makipag-alyansa ukol sa pag-aasawa,” ay kaugnay ng cho·thenʹ (biyenang lalaki), cha·thanʹ (kasintahang lalaki; manugang na lalaki), cho·theʹneth (biyenang babae), at chathun·nahʹ (kasal).—1Sa 18:22; Exo 3:1; 4:25; Gen 19:14; Deu 27:23; Sol 3:11.
Mahigpit na ipinagbilin ni Abraham na si Isaac ay hindi dapat ikuha ng asawa mula sa mga Canaanita. (Gen 24:3, 4) Gayundin ang tagubilin ni Isaac kay Jacob. (Gen 28:1) Matapos halayin ni Sikem na Hivita si Dina, ang pamilya ni Jacob ay hinimok ni Hamor, na ama ni Sikem, na makipag-alyansa sa kanilang tribo ukol sa pag-aasawa. Bagaman hindi tinupad ng mga anak ni Jacob ang kanilang pakunwaring pagsang-ayon, kinuha naman nilang bihag ang Hivitang mga babae at mga bata matapos nilang ipaghiganti ang dangal ni Dina. (Gen 34:1-11, 29) Nang maglaon, nag-asawa si Juda ng isang babaing Canaanita (Gen 38:2), at isang Ehipsiyo naman ang naging asawa ni Jose. (Gen 41:50) Napangasawa ni Moises si Zipora, isang Midianita, na tinatawag na isang “Cusita” sa Bilang 12:1. (Exo 2:16, 21) Gayunman, isinagawa ang mga pag-aasawang iyon bago ibigay ang Kautusan at sa gayo’y hindi maituturing na paglabag sa mga kahilingan nito.
Sa pakikipagbaka laban sa Midian, tanging mga birheng babae ang pinanatiling buháy ng mga Israelita. (Bil 31:3, 18, 35) Pinahintulutan ng Kautusan ang pagkuha ng asawa mula sa gayong naulilang mga babae na nabihag sa digmaan. (Deu 21:10-14) Sa loob ng Lupang Pangako, malimit na ipinagwalang-bahala ng mga Israelita ang babala ng Diyos hinggil sa pakikipag-alyansa sa mga pagano ukol sa pag-aasawa, na nagbunga ng mga suliranin at ng apostasya.—Huk 3:5, 6.
Kung minsan, ang mga alyansa ukol sa pag-aasawa ay isinasagawa upang matamo ang partikular na mga tunguhin, gaya noong anyayahan ni Haring Saul si David na makipag-alyansa sa kaniya sa pamamagitan ng pagkuha sa kaniyang anak na si Mical bilang asawa. (1Sa 18:21-27) Ang isa sa anim na asawa ni David na nagsilang sa kaniya ng mga anak sa Hebron ay anak na babae ng hari ng Gesur (2Sa 3:3), at ipinapalagay ng ilan na isa itong pakikipag-alyansa ukol sa pag-aasawa na ginawa ni David sa layuning pahinain ang posisyon ng karibal na si Is-boset, yamang ang Gesur ay isang maliit na kaharian na nasa kabilang panig ng Mahanaim, na kabisera ni Is-boset. Noong maagang bahagi ng paghahari ni Solomon, nakipag-alyansa siya kay Paraon ukol sa pag-aasawa nang kunin niya ang anak nito bilang asawa. (1Ha 3:1; 9:16) Nang maglaon, ang pakikipag-asawang iyon, gayundin sa mga babaing Moabita, Ammonita, Edomita, Sidonio, at Hiteo, ay umakay kay Solomon sa talamak na idolatriya. (1Ha 11:1-6) Ang pakikipag-alyansa ni Haring Ahab sa hari ng Sidon sa pamamagitan ng pag-aasawa sa anak nito na si Jezebel ay nagdulot ng gayunding kapaha-pahamak na mga resulta sa hilagang kaharian ng Israel. (1Ha 16:31-33) Nang dakong huli, si Haring Jehosapat ay may-kamangmangang nakipag-alyansa sa idolatrosong sambahayan ni Ahab ukol sa pag-aasawa, na nagbunga ng nagtatagal na masasamang resulta para sa kaharian ng Juda.—2Cr 18:1; 21:4-6; 22:2-4.
Pagkatapos ng pagkatapon, nagulat si Ezra nang matuklasan niya na maging ang mga saserdote at mga Levita ay nakipag-alyansa sa mga Canaanita at iba pa ukol sa pag-aasawa, isang situwasyon na agad namang itinuwid. (Ezr 9:1-3, 12-14; 10:1-5, 10-14, 44) Ngunit noong panahon ni Nehemias, muling ginamit ni Tobia na Ammonita ang mga alyansa ukol sa pag-aasawa upang magkaroon siya ng matibay na kaugnayan sa makasaserdoteng pamilya sa Jerusalem at bumuo ng isang matibay na paksiyon ng mga kaalyado mula sa mga taong mahal ng Juda. Umabot iyon sa punto na iginawa ng saserdoteng si Eliasib ang Ammonitang ito ng isang bulwagang kainan sa looban ng templo kahit labag iyon sa Kautusan. (Deu 23:3) Gayunman, sa galit ni Nehemias, inihagis niya sa labas ang lahat ng muwebles ni Tobia.—Ne 6:18; 13:4-9, 25-27; tingnan ang PAG-AASAWA.
Mga Tipan. May iba pang uri ng mga alyansa bukod sa mga alyansa ukol sa pag-aasawa, at ang mga ito ay karaniwan nang sa anyong tipan. Sabihin pa, ang pakikipagtipan ng Israel sa mga Gibeonita ay dahil lamang sa isang panlilinlang. (Jos 9:3-15) Gayunpaman, yamang napagtibay na ang tipang iyon, iginalang ito ng Israel anupat handa silang makipaglaban upang ipagsanggalang ang mga Gibeonita. (Jos 9:19-21; 10:6, 7) Isang alyansa sa pamamagitan ng tipan ang umiral sa pagitan nina Jonatan at David (1Sa 18:3; 20:11-17), isang ugnayan na itinuring ni Saul na isang sabuwatan. (1Sa 22:8) Si Haring Hiram ng Tiro ay nakipagkaibigan kay David nang halinhan ni David si Saul bilang hari, at si Hiram ay naging isa na “umiibig kay David.” (2Sa 5:11; 1Ha 5:1) Nagpatuloy ang gayong pagkakaibigan, at nang lumuklok si Solomon sa trono, isang kontrata ang pinagtibay kay Haring Hiram upang ilaan nito ang karamihan sa materyales na kailangan sa pagtatayo ng templo. (1Ha 5:2-18) Sa ilalim ng kontratang iyon, libu-libong trabahador na Israelita ang pinahintulutang pumasok sa Lebanon at sa mga kagubatan nito. Tinawag pa nga ni Hiram si Solomon na “kapatid ko.” (1Ha 9:13) Naglaan ang Tiro ng mga marino para sa pangkat ng mga barko ni Solomon na naglalayag mula sa Ezion-geber. (1Ha 9:26, 27) Nang maglaon, nang kalabanin ng kaharian ng Tiro ang Israel at ibigay nito sa Edom ang mga Israelitang tapon, pinaratangan ito ng paglabag sa “tipan ng pagkakapatiran.”—Am 1:9.
Di-matalinong Pakikipag-alyansa sa Ibang mga Bansa. Bagaman nagbigay ang mga propeta ng Diyos ng matitinding babala laban sa pakikipag-alyansa sa ibang mga bansa, ang gayong mga babala ay malimit na ipinagwalang-bahala ng mga hari ng Juda at ng Israel kapag may panganib o dahil sa kanilang ambisyon. (Isa 30:2-7; Jer 2:16-19, 36, 37; Os 5:13; 8:8-10; 12:1) Hindi ito kailanman nagbunga ng mabuti, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga halimbawa.
Ginamit ni Haring Asa ng Juda ang kayamanan ng templo at ng bahay ng hari upang suhulan si Haring Ben-hadad I ng Sirya para sirain nito ang kaniyang tipan kay Haring Baasa ng Israel. (1Ha 15:18-20) Bilang resulta ng ‘pagsandig sa Sirya’ sa halip na kay Jehova, sinaway si Asa ng propetang si Hanani sa pagsasabing: “Ikaw ay kumilos nang may kamangmangan may kaugnayan dito, sapagkat mula ngayon ay magkakaroon ng mga digmaan laban sa iyo.” (2Cr 16:7-9) Nang maglaon, si Haring Ahab ng Israel ay nakipagtipan sa natalong si Ben-hadad II at tumanggap ng gayunding hatol mula sa isang propeta ng Diyos. (1Ha 20:34, 42) Si Jehosapat ay nakipag-alyado kay Ahab sa isang di-matagumpay na pagsalakay laban sa Sirya kung kaya tinanong siya ng propetang si Jehu: “Sa balakyot ba dapat ibigay ang tulong, at yaon bang mga napopoot kay Jehova ang dapat mong ibigin? At dahil dito ay may galit laban sa iyo mula kay Jehova mismo.” (2Cr 18:2, 3; 19:2) Nang maglaon, nakipagsosyo si Jehosapat sa balakyot na si Haring Ahazias ng Israel sa paggawa ng mga barkong pangkomersiyo, ngunit nawasak ang mga barkong iyon bilang katuparan ng hula. (2Cr 20:35-37) Sa pagsunod sa payo ng Diyos, may-katalinuhang ipinasiya ni Amazias ng Juda na huwag gumamit ng mga hukbong mersenaryo mula sa Israel bagaman dahil dito ay nalugi siya ng 100 talentong pilak ($660,600) na naibayad na niya sa mga ito.—2Cr 25:6-10.
Noong ikawalong siglo B.C.E. nang magsimulang bumangon ang Asirya bilang isang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig, ang banta ng pananakop nito ay nagtulak sa maliliit na kaharian upang bumuo ng maraming alyansa at sabuwatan. (Ihambing ang Isa 8:9-13.) Naghasik din ng malaking takot ang pagdami ng bagong mga sandatang pandigma sa gitna ng mga bansa. (Ihambing ang 2Cr 26:14, 15.) Sinuhulan ni Menahem ng Israel ang sumasalakay na si Pul (Tiglat-pileser III) ng Asirya. (2Ha 15:17-20) Sina Rezin ng Sirya at Peka ng Israel ay nagsabuwatan laban kay Ahaz ng Juda, kung kaya ginamit nito ang kayamanan ng bahay ng hari at ng templo upang bilhin ang proteksiyon ng Asiryanong si Tiglat-pileser III, na naging dahilan ng pagbagsak ng Damasco ng Sirya. (2Ha 16:5-9; 2Cr 28:16) Si Hosea ng Israel ay nakipag-alyansa kay Haring So ng Ehipto sa pag-aakalang maaalis nito ang pamatok na ipinataw ni Salmaneser V ng Asirya, na humantong sa pagbagsak ng Israel noong 740 B.C.E. (2Ha 17:3-6) Ngunit ang tapat na si Hezekias ng Juda, bagaman may-kabulaanang inakusahan ng pagtitiwala sa Ehipto, ay kay Jehova lamang nanalig at iniligtas mula sa pagsalakay ng Asiryanong si Senakerib.—2Ha 18:19-22, 32-35; 19:14-19, 28, 32-36; ihambing ang Isa 31:1-3.
Noong mga huling taon nito, ang kaharian ng Juda ay nagpalipat-lipat sa pagitan ng Ehipto at Babilonya, sa gayo’y “nagpatutot” sa dalawang kapangyarihang iyon. (Eze 16:26-29; 23:14) Sumailalim ito sa kapangyarihan ng Ehipto noong panahon ng paghahari ni Jehoiakim (2Ha 23:34) ngunit di-nagtagal ay nasakop ito ng Babilonya. (2Ha 24:1, 7, 12-17) Tinangka ng huling hari, si Zedekias, na palayain ang Juda mula sa Babilonya sa pamamagitan ng isang nabigong pakikipag-alyansa sa Ehipto. Humantong ito sa pagkawasak ng Jerusalem. (2Ha 24:20; Eze 17:1-15) Tinanggihan nila ang kinasihang payo ni Isaias: “Sa pagbabalik at pagpapahinga ay maliligtas kayo. Ang inyong kalakasan ay sa pananatiling panatag lamang at sa pagtitiwala.”—Isa 30:15-17.
Noong yugtong Macabeo, maraming kasunduan at alyansa ang pinagtibay sa mga Siryano at mga Romano ukol sa pulitikal na pakinabang, ngunit hindi napalaya ng mga ito ang Israel mula sa paniniil ng Roma. Nang maglaon, itinaguyod ng relihiyosong mga Saduceo ang pakikipagtulungan sa pulitikal na mga tagapamahala bilang paraan upang matamo ang ganap na pambansang kasarinlan. Hindi tinanggap ng mga ito ni ng mga Pariseo man ang mensahe ng Kaharian na inihayag ni Kristo Jesus kundi sa halip ay nakipag-alyado sila sa Ju 19:12-15) Gayunman, ang kanilang relihiyoso at pulitikal na pakikipag-alyansa sa Roma ay nagwakas sa masaklap na pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E.—Luc 19:41-44; 21:20-24.
Roma at ipinahayag nila: “Wala kaming hari kundi si Cesar.” (May mga pagsasalarawan sa Apocalipsis 17:1, 2, 10-18; 18:3 na tumutukoy sa pulitikal at relihiyosong mga alyansa. (Ihambing ang San 4:1-4.) Kaya naman sa buong Kasulatan ay idiniriin ang simulaing sinabi ni Pablo: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa katampalasanan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman? . . . Lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo.”—2Co 6:14-17.