Ammonita, Mga
[Ni (Kay) Ammon].
Mga inapo ni Ammon (Ben-ami), na anak ni Lot sa nakababata sa dalawa niyang anak na babae. (Gen 19:36-38) Sila ay malapit na kamag-anak ng mga Moabita na nagmula sa isa pang anak ni Lot, si Moab, at lagi silang binabanggit sa kasaysayan ng Bibliya at sa sinaunang sekular na kasaysayan bilang kasama ng mga Moabita. Sila rin ay malayong kamag-anak ng mga Israelita, at ang Biblikal na kaugnayang ito ay sinusuportahan ng bagay na ang wikang Ammonita ay isang diyalekto o ibang anyo ng wikang Hebreo. Gayunman, maliban sa iilang pagkakataon, ang mga Ammonita ay nagpakita ng matinding pakikipag-alit sa bansang Israel.
Nasasakupang Teritoryo. Maliwanag na dahil sa konsiderasyon sa kanilang tapat na ninunong si Lot, pinangyari ng Diyos na Jehova na makuha ng mga Ammonita ang teritoryong dating pag-aari ng mga Repaim, ang matatangkad na tao na tinawag Deu 2:17-21) Ang lupaing ito ay nasa S ng timugang dulo ng Ilog Jordan, at may panahon na ang teritoryo ng mga Ammonita ay karatig niyaong sa mga Moabita sa matalampas na rehiyon sa silanganing panig ng Dagat na Patay. Gayunman, mga ilang panahon bago pumasok ang Israel sa Canaan, itinaboy ng mga Amorita ang mga Ammonita mula sa isang bahagi ng kanilang lupain at itinulak sila patungo sa H at sa S, anupat nagkaroon ng teritoryo ang mga Amorita sa pagitan nila at ng mga Moabita (na nawalan din ng malaking teritoryo). (Bil 21:26; Jos 12:2; Huk 11:13, 22) Mula noon, ang naging lupain ng mga anak ni Ammon ay sumaklaw mula sa bandang itaas ng pakurbang agusang libis ng Jabok at pasilangan patungo sa disyerto (Bil 21:24; Jos 12:2), at ang kanilang kabisera ay nasa Raba (makabagong ʽAmman) malapit sa pinagmumulan ng tubig ng Jabok. (Deu 3:11) Ang mga arkeologo ay nakatuklas sa rehiyong ito ng sinaunang mga lugar at mga hanggahang tanggulan ng mga Ammonita.
na Zamzumim ng mga Ammonita. (Sa utos ng Diyos, nag-ingat ang mga Israelita na huwag pumasok sa lupain ng mga Ammonita noong nilulupig nila ang kalapit na mga Amorita. (Deu 2:37; Jos 13:8-10) Kaya bagaman sinasabi ng Josue 13:25 na tinanggap ng tribo ni Gad ang “kalahati ng lupain ng mga anak ni Ammon” bilang bahagi ng mana ng kanilang tribo, maliwanag na ang tinutukoy ay ang lupaing kinuha ng mga Amorita mula sa mga Ammonita, isang teritoryo na lumilitaw na nasa pagitan ng Ilog Jordan at ng itaas na bahagi ng Jabok.
Mga Pakikipaglaban sa Israel. Noong panahon ni Haring Eglon ng Moab, ang mga Ammonita, kasama ang mga Amalekita, ay nakiisa sa mga Moabita sa pagsalakay sa Israel, anupat lumusob sila pakanluran sa Jerico sa K ng Jordan. (Huk 3:12-14) Matapos pawiin ni Hukom Ehud ang mga epekto ng pagsalakay na ito (Huk 3:26-30), ang mga Ammonita ay hindi na muling naging malaking banta sa Israel hanggang noong mga araw ni Jepte. Nang panahong iyon ay bumalik ang mga Israelita sa paglilingkod sa mga diyos ng mga bansa at sinundan ito ng 18 taon ng paniniil sa Israel, anupat ginipit ng mga Ammonita ang Israel mula sa S at nagbanta naman ang mga Filisteo mula sa kanluran. Bukod pa sa sumalakay ang mga hukbong Ammonita sa mga Israelitang nakatira sa Gilead, lumusob din sila sa K ng Jordan upang ligaligin ang mga tribo nina Benjamin, Juda, at Efraim. (Huk 10:6-10) Nang malinisan na ang mga Israelita mula sa huwad na pagsamba, nagsama-sama sila sa ilalim ng pangunguna ni Jepte, at pagkatapos na legal na mapabulaanan ni Jepte ang paratang ng mga Ammonita na ang Israel ay nang-agaw ng karapatan sa lupain, ang mga Ammonita ay dumanas ng matinding pagkatalo.—Huk 10:16–11:33; tingnan ang JEPTE.
Ipinapalagay ng ilang iskolar na mali ang pagtukoy ni Jepte kay “Kemos na iyong diyos,” anupat sinasabi nila na si Kemos ay pambansang diyos ng Moab, hindi ng Ammon. (Huk 11:24; Bil 21:29) Bagaman ang diyos ng mga Ammonita ay tinutukoy sa iba’t ibang paraan bilang Molec, Milcom, o Malcam (1Ha 11:5, 7; Jer 49:1, 3), itinuturing ng ilang iskolar na ang mga terminong ito (na lahat ay kaugnay ng salitang-ugat na “hari”) ay mga titulo sa halip na mga pangalang pantangi, at maaaring ikinapit ang mga ito sa diyos na si Kemos. Magkagayunman, ang mga Ammonita ay politeistiko (Huk 10:6), at maaaring ang pagsamba kay Kemos ay prominente rin sa kanila gaya sa kanilang kamag-anak na mga Moabita.
Ayon sa Griegong Septuagint, mga isang buwan matapos maitalaga si Saul bilang hari ng Israel, kinubkob ni Haring Nahas ng Ammon ang lunsod ng Jabes sa Gilead, anupat pinasusuko ang lunsod lakip ang malupit na kahilingan na magkakaroon lamang ng kapayapaan ang mga kalalakihan nito kung ipadudukit ng mga ito ang kanilang kanang mata. (Tingnan ang NAHAS Blg. 1.) Nang mabalitaan ni Saul ang pagkubkob, pinatunayan niya ang kaniyang kakayahan bilang hari, anupat tinipon ang mga hukbong Israelita at nilupig ang mga Ammonita. (1Sa 11:1-4, 11-15) Ipinakikita ng pananalita ni Samuel na ang tumitinding banta ng mga Ammonita sa ilalim ng pamamahala ni Nahas ang nag-udyok sa mga Israelita na humingi ng isang hari.—1Sa 12:12.
Noong panahon ng pamamahala ni David. Dumanas din ng pagkatalo ang mga Ammonita sa mga kamay ni David, at sinamsaman niya sila at pinagbayad ng tributo. (1Cr 18:11) Ang ulat sa 2 Samuel 8:11, 12 tungkol dito ay bahagi ng isang sumaryo ng mga pananakop ni David, at maaaring ang sumaryo ay wala sa kronolohikal na pagkakasunud-sunod kung tungkol sa nauna at sumunod na mga ulat. Kaya naman ipinahihiwatig ng 2 Samuel 10:1, 2 ang isang waring mapayapang ugnayan sa pagitan ng Ammon at ng Israel noong panahong namamahala si David hanggang noong mamatay si Haring Nahas. Gayunman, lubhang nagalit si David kay Hanun, na anak at kahalili ni Nahas, dahil hiniya nito ang mga mensaherong isinugo ni David sa kaniya upang maghatid ng kaaliwan. Nang mabatid ng mga Ammonita ang kalubhaan ng ginawa nilang panghahamak, humingi sila ng mga hukbong mersenaryo mula sa mga Siryano at naghanda silang sumalakay sa Israel, ngunit nadaig at natalo sila ng Israelitang heneral na si Joab at ng kaniyang kapatid na si Abisai.—2Sa 10:1-14; 1Cr 19:6-15.
2Sa 11:1, 17, 24, 26, 27; tingnan ang RABA Blg. 1.) Mahirap matiyak kung gaano katagal ang pagkubkob na ito. Ang kapanganakan ng anak ni Bat-sheba sa pangangalunya at ang kapanganakan ni Solomon nang maglaon ay maaaring naganap sa loob ng panahon ng pagkubkob. Maaari ring isinalaysay lamang ang mga ito sa kabuuan upang lubusang matapos ang ulat may kinalaman kay Bat-sheba, bagaman maaaring naganap ang kapanganakan ng isang sanggol o ng dalawang sanggol na iyon pagkaraan ng pagkubkob. Bagaman ang ulat sa 1 Cronica 20:1, 2 ay waring hindi naman talaga nagpapahiwatig ng isang mahabang yugto, hindi kataka-taka kung ang pagkubkob ay tumagal pa hanggang noong sumunod na taon. Lubusang nasakop ni David ang kabisera ng Ammon nang dakong huli.—2Sa 12:26-29.
Noong sumunod na tagsibol, ang Raba, na kabiserang lunsod ng Ammon, ay kinubkob ng mga hukbo ni David. Sa isang desperadong pagsugod ng kinukubkob na mga Ammonita, si Uria na Hiteo ay namatay. (“Ang korona ni Malcam,” na binanggit noong mabihag ang Raba, ay maliwanag na isang korona sa ulo ng Ammonitang idolong diyos na sa ibang mga teksto ay tinatawag na Molec o Milcom. Bagaman isinalin ng Revised Standard Version ang terminong Hebreo na Mal·kamʹ bilang “kanilang hari,” waring hindi makatuwiran na tumukoy ito sa isang haring tao yamang ang korona ay tumitimbang nang “isang talento na ginto” (mga 34 na kg; 92 lb t). Malamang din na sandali lamang ipinatong ang korona sa ulo ni David, marahil ay upang itanghal ang tagumpay laban sa huwad na diyos na ito.—2Sa 12:30.
Dahil sa pagkakasalin ng 2 Samuel 12:31 sa ilang bersiyon (KJ, AS, Dy), ipinalagay ng marami na ang natalong mga Ammonita ay may-kalupitang nilagari, pinalakol, at sinunog ni David hanggang sa mamatay. Gayunman, maliwanag na ibinibigay ng mas huling mga salin (RS, AT, NW, JB) ang tamang diwa, anupat ipinakikita na ang mga Ammonita ay puwersahang pinagtrabaho sa mga gawain gamit ang mga lagari at mga palakol at sa paggawa ng mga laryo. Pinatutunayan ito ng bagay na ang terminong Hebreo na isinaling “hurnuhan ng laryo” sa ilang salin ay tumutukoy na ngayon sa hulmahang kahoy na pinagmomoldehan ng luwad upang maging hugis-laryo.
Hindi lahat ng Ammonita ay mahihigpit na kaaway ng Israel dahil si Zelek na Ammonita ay kabilang sa makapangyarihang mga lalaki ni David. (2Sa 23:37) Kabilang din sa mga banyagang asawa ni Haring Solomon ang ilang babaing Ammonita, kasama na ang ina ni Rehoboam. (1Ha 11:1; 14:31) Gayunman, naging isang sanhi ito ng pag-aapostata ni Solomon at ng pagtatayo niya ng “matataas na dako” para sa pagsamba kay Milcom at sa ibang mga diyos, anupat nang maglaon ay winasak ng tapat na si Haring Josias ang mga dakong ito.—1Ha 11:5; 2Ha 23:13.
Noong panahong mahati na ang kaharian. Muling natamo ng mga Ammonita ang kanilang kasarinlan mula sa Davidikong mga hari at, noong panahon ng paghahari ni Jehosapat (936-mga 911 B.C.E.), sumama sila sa mga Moabita at sa mga tumatahan sa bulubunduking pook ng Seir sa pagsalakay sa Juda, ngunit ang alyansang ito ay dumanas ng masaklap na pagkatalo. (2Cr 20:1-4, 10-26) Inaangkin ng mga inskripsiyon ng Asiryanong si Haring Salmaneser III, na namahala noong panahon ni Haring Jehu (mga 904-877 B.C.E.) ng Israel, na ang mga hukbo ni “Baʼsa, anak ni Ruhubi, mula kay Ammon” ay kabilang sa koalisyon ng mga haring kalaban ng Asirya sa pagbabaka sa Karkar. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. B. Pritchard, 1974, p. 279) Ang isa sa mga kasabuwat sa pagpatay kay Haring Jehoas ng Juda (mga 859 B.C.E.) ay si Zabad, anak ng babaing Ammonita na si Simeat. (2Cr 24:22, 26) Dahil sa matatag na pamahalaan ni Uzias (829-778 B.C.E.), ang mga Ammonita ay muling sumailalim sa kontrol ng Juda (2Cr 26:8), at nang maglaon ay nakontrol din ng anak ni Uzias na si Jotam ang Ammon, anupat siningil niya sila ng 100 talentong pilak ($660,600) at 10,000 takal na kor (2,200 kl; 62,500 bushel) ng trigo at 10,000 ng sebada. (2Cr 27:5) Maaaring nakayanan ng mga Ammonita na bayaran ang malaking halagang ito sa loob ng tatlong sunud-sunod na taon dahil sa kanilang magandang lokasyon sa kahabaan ng isa sa pangunahing mga ruta ng kalakalan mula Arabia hanggang Damasco at dahil sa katabaan ng rehiyon sa Libis ng Jabok, anupat ang trigo at sebada ay mga pangunahin pa ring produkto sa lugar na ito.
Maliwanag na ang tumitinding pakikialam ng Asirya sa Palestina noong panahon ng paghahari ng kahalili ni Jotam na si Ahaz (761-746 B.C.E.) ang naging dahilan upang makalaya ang mga Ammonita sa pananakop ng mga Judeano. Ngunit kapalit nito, sumailalim ang mga Ammonita sa paniniil ng Asirya, sapagkat nakatala sa mga rekord ni Tiglat-pileser III na si “Sanipu ng Bit-Ammon [sambahayan ni Ammon]” ay nagbabayad ng tributo sa Asirya, gaya rin ni Ahaz ng Juda at ni Salamanu ng Moab. Ipinakikita rin ng Prisma ni Senakerib, kung saan isinasalaysay ang kaniyang pagsalakay sa Juda noong panahon ni Hezekias, na ang Ammon ay nagdadala ng mga kaloob sa Asiryanong mananalakay na iyon. Gayundin, sinasabi ng anak ni Senakerib na si Esar-hadon, isang kapanahon ni Manases, na si
“Puduil, hari ng Bet-Ammon,” ay kabilang sa mga naglalaan ng mga materyales para sa pagtatayo ng lunsod ng Nineve.Lumilitaw na pagkatapos ipatapon ni Tiglat-pileser III at ng isa sa kaniyang mga kahalili ang mga tao ng hilagang kaharian ng Israel (2Ha 15:29; 17:6), sinimulang panirahan ng mga Ammonita ang teritoryo ng tribo ni Gad, na hindi nila nakuha sa pakikipaglaban kay Jepte. (Ihambing ang Aw 83:4-8.) Kaya naman sa makahulang mensahe ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias, sinaway ang mga Ammonita dahil sa pag-agaw nila sa mana ng mga Gadita at binabalaan sila tungkol sa dumarating na pagkawasak ng Ammon at ng diyos nito na si Malcam (Milcom). (Jer 49:1-5) Bukod pa riyan, nagpadala ang mga Ammonita ng mga pangkat ng mandarambong upang manlusob sa Juda sa ilalim ng pamamahala ni Haring Jehoiakim noong huling mga taon ng Judeanong kaharian.—2Ha 24:2, 3.
Pagsalakay ng Babilonya. Matapos ibagsak ng Babilonya ang Juda (607 B.C.E.), tumakas ang ilang Judio patungong Ammon, Moab, at Edom ngunit bumalik sila nang mabalitaan nilang hinirang si Gedalias bilang tagapamahala ng lupain. (Jer 40:11, 12) Gayunman, nakipagsabuwatan si Haring Baalis ng Ammon sa Judeanong pinuno ng hukbo na si Ismael upang maipapatay si Gedalias (2Ha 25:23; Jer 40:14; 41:1-3), at pagkatapos nito ay nanganlong si Ismael sa Ammon.—Jer 41:10-15.
Bagaman nagsaya ang Ammon sa pagbagsak ng Jerusalem, nang maglaon ay dumating ang araw ng pagsusulit ni Jehova laban sa tuling mga Ammonita dahil sa kanilang di-tuling mga puso. (Jer 9:25, 26) Bilang katuparan ng mga hulang inihayag nina Jeremias, Ezekiel, at Amos, ang mga Ammonita ay nagsimulang uminom mula sa kopa ng poot ni Jehova, anupat nagdusa sila sa tabak, taggutom, salot, at sa pagkawasak ng kanilang lupain.—Jer 25:17, 21; 27:1-8; Eze 25:1-10; Am 1:13-15.
Hindi basta na lamang nagpasakop ang Ammon sa pamatok ng Babilonya at ipinakita ito ni Ezekiel nang ilarawan niya ang hari ng Babilonya (si Nabucodonosor) bilang nakatayo sa pinagsasalubungan ng mga daan at gumagamit ng panghuhula upang magpasiya kung sasalakay siya sa Raba ng Ammon o sa Juda. (Eze 21:19-23, 28-32) Bagaman ipinakita ng tanda na dapat muna siyang sumalakay sa Jerusalem, iniulat ng Judiong istoryador na si Josephus na noong ikalimang taon pagkaraang itiwangwang ang Jerusalem, bumalik si Nabucodonosor upang makipagdigma sa Coele-Sirya, Ammon, at Moab. (Jewish Antiquities, X, 181 [ix, 7]) Gaya ng inihula, ang Ammon ay magiging “pahingahang-dako ng kawan” at ang Raba naman ay magiging “pastulan ng mga kamelyo.” (Eze 25:5) Aariin ng mga taga-Silangang nakasakay sa kamelyo ang lupain at magtotolda sila roon.—Eze 25:4.
Malamang na ang mga Ammonitang tapon, kasama ng mga tapon mula sa ibang mga bansa, ay pinahintulutan ni Ciro, ang manlulupig ng Babilonya, na bumalik sa kanilang sariling lupain bilang katuparan ng Jeremias 49:6.
Pakikipag-asawa sa mga Israelita. Pagkabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon (537 B.C.E.), isang Ammonita na nagngangalang Tobia ang nanguna sa pagsisikap na hadlangan ang muling pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem. (Ne 4:3, 7, 8) Subalit nang maglaon ay nangahas pa nga siyang gamitin ang isang bulwagang kainan sa bakuran ng templo hanggang noong ihagis ni Nehemias sa labas ang kaniyang mga muwebles dahil sa matinding galit. (Ne 13:4-8; tingnan ang TOBIA Blg. 2.) Marami rin sa pinabalik na mga Judiong tapon ang kumuha ng mga asawa mula sa mga Ammonita at mula sa ibang mga lahi ngunit pinaalis nila ang lahat ng mga asawang iyon matapos silang tumanggap ng matinding pagsaway.—Ezr 9:1, 2; 10:10-19, 44; Ne 13:23-27.
Matapos patalsikin si Tobia mula sa bakuran ng templo, ang kautusan ng Diyos sa Deuteronomio 23:3-6 na nagbabawal sa pagpasok ng mga Ammonita at mga Moabita sa kongregasyon ng Israel ay binasa at ikinapit. (Ne 13:1-3) Ang pagbabawal na ito, na ibinigay mga 1,000 taon na ang nakararaan dahil sa pagtanggi ng mga Ammonita at mga Moabita na tulungan ang mga Israelita noong malapit na ang mga ito sa Lupang Pangako, ay karaniwang ipinapalagay na nangangahulugang hindi sila maaaring maging legal na mga miyembro ng bansang Israel taglay ang lahat ng karapatan at pribilehiyo ng isang tunay na miyembro. Hindi naman ito nangangahulugan na ang mga indibiduwal na Ammonita o Moabita ay hindi maaaring makihalubilo o manirahang kasama ng mga Israelita at sa gayo’y makinabang mula sa mga pagpapala ng Diyos sa kaniyang bayan, anupat makikita ito sa bagay na kabilang si Zelek, na nabanggit na, sa pangunahing mga mandirigma ni David, at gayundin sa rekord may kinalaman kay Ruth na babaing Moabita.—Ru 1:4, 16-18.
May kinalaman sa huling nabanggit na kaso, ipinakikita ng pag-aasawa ni Ruth kay Boaz na kapag ang mga babae ng mga bansang iyon ay naging mga mananamba ng tunay na Diyos, maaari silang maging asawa ng mga lalaking Judio. Dahil ang mga terminong “Ammonita” at “Moabita” sa tekstong Hebreo ng Deuteronomio 23:3-6 ay nasa kasariang panlalaki, sinasabi ng Judiong Mishnah (Yevamot 8:3) na mga lalaking Ammonita at Moabita lamang ang hindi tinanggap sa Israel. Gayunman, ang paggigiit ni Ezra na paalisin ng mga lalaking Judio ang kanilang mga asawang banyaga, at ang gayunding saloobin ni Nehemias, ay nagpapahiwatig na maaari lamang maging bahagi ng Israel ang mga babaing Ammonita at Moabita kung tatanggapin nila ang tunay na pagsamba.
Bagaman ipinakikita ng katibayan mula sa kasaysayan, pati na ng Apokripal na aklat ng 1 Macabeo (5:6), na ang Ammon ay patuloy na nanatiling isang hiwalay na teritoryo hanggang noong ikalawang siglo B.C.E., lumilitaw na pagsapit ng unang siglo B.C.E., ang rehiyong iyon ay naging sakop na ng kahariang Nabateano, at pagsapit ng ikatlong siglo C.E., naglaho na sa kasaysayan ang mga Ammonita bilang isang bayan, anupat tiyak na napasanib sa mga tribong Arabe. Kaayon ng inihula ni Zefanias, ang mga anak ni Ammon ay naging “gaya ng Gomorra, . . . isang tiwangwang na kaguhuan.”—Zef 2:8-10.
Yamang naglaho na ang mga Ammonita noong maagang bahagi ng Karaniwang Panahon, tiyak na ang pagbanggit ni Daniel sa Ammon sa kaniyang hula may kaugnayan sa “panahon ng kawakasan” ay dapat unawain bilang makasagisag. Maliwanag na tumutukoy ito sa ilang mga bansa o mga organisasyon na hindi makokontrol ng “hari ng hilaga.”—Dan 11:40, 41.