Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Amnon

Amnon

[Mapagkakatiwalaan; Tapat; Namamalagi].

1. Panganay na anak ni David kay Ahinoam na Jezreelita, ipinanganak sa Hebron.​—2Sa 3:2; 1Cr 3:1.

Ninasa ni Amnon ang magandang si Tamar, na kapatid ni Absalom, hanggang sa mahibang na siya sa pag-ibig. Sinunod niya ang payo ng kaniyang pinsang si Jehonadab na magkunwaring may sakit at hilingin kay Haring David na paparoonin si Tamar sa kaniyang pribadong silid upang makagawa ito ng “tinapay ng kaaliwan” sa kaniyang harapan. Pagkatapos ay ginamit niya ang pagkakataong iyon upang puwersahang halayin ang kaniyang kapatid sa ama, sa kabila ng pakikiusap at pangangatuwiran ni Tamar sa kaniya. Ipinakikita ng kaniyang ginawa na ang erotikong pag-ibig ay maaaring maging napakamakasarili sapagkat matapos niyang bigyang-kasiyahan ang kaniyang pagnanasa, itinaboy niya si Tamar sa labas dahil pinandirihan niya ito palibhasa’y nadama niyang naging marumi siya dahil kay Tamar.​—2Sa 13:1-19.

Ang tunay na kapatid ni Tamar, si Absalom, ay nagkimkim ng poot kay Amnon dahil sa ginawa nito. Pagkaraan ng dalawang taon, sa isang kapistahan para sa paggugupit sa mga tupa, ipinapatay ni Absalom si Amnon sa kaniyang mga lingkod habang ito ay ‘nagsasaya dahil sa alak.’ (2Sa 13:20-29) Yamang si Amnon, bilang panganay na anak ni David, ang inaasahang magmamana ng trono, maaari ring inisip ni Absalom na pabor sa kaniya kung mamamatay ito sapagkat magiging malaki ang posibilidad na matamo niya ang pagkahari. Sa pangyayaring ito, nagsimulang matupad ang hula ni Natan na binigkas niya pagkatapos na magkasala si David may kaugnayan sa asawa ni Uria.​—2Sa 12:10; tingnan ang ABSALOM.

2. Ang una sa nakatalang apat na anak ni Shimon, mula sa tribo ni Juda.​—1Cr 4:1, 20.