Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Amos

Amos

[Isang Pasan; Nagdadala ng Pasan].

1. Isang propeta ni Jehova at manunulat ng aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan; nabuhay siya noong ikasiyam na siglo B.C.E. (Tingnan ang AMOS, AKLAT NG.) Gayunman, hindi siya ipinanganak bilang anak ng propeta, ni isa man sa “mga anak ng mga propeta.”​—1Ha 20:35; 2Ha 2:3; 4:1; Am 7:14.

Siya ay nakatira sa bayan ng Tekoa, na mga 16 na km (10 mi) sa T ng Jerusalem at may taas na mga 820 m (2,700 piye). Sa gawing S naman, pababa sa Dagat na Patay nang mga 1,200 m (4,000 piye), ay matatagpuan ang mapanglaw na ilang ng Juda, kung saan nagtrabaho ang propeta, noong maagang bahagi ng kaniyang buhay, bilang isang hamak na tagapag-alaga ng tupa. (Am 1:1) Ang salitang Hebreo na no·qedhimʹ na isinalin sa Amos 1:1 bilang “mga tagapag-alaga ng tupa” ay matatagpuan din sa iisa lamang talata sa Bibliya. (2Ha 3:4) Nauugnay ito sa naqqad, ang salitang Arabe para sa isang pantanging lahi ng tupa, na hindi gaanong maganda ngunit itinuturing na mahalaga dahil sa balahibo nito. Sa ilang na kaparangan ng Juda, si Amos ay nagtrabaho rin sa pana-panahon bilang isang hamak na tagaputi ng mga igos ng sikomoro, isang uri ng igos na itinuturing na pagkain lamang ng mga dukha. Ang mga bunga ng igos ay kinukudlitan o tinutusok upang agad na mahinog at higit na lumaki at tumamis.​—Am 7:14; tingnan ang SIKOMORO.

Gaya ng pastol na si David, na tinawag ng Diyos para sa pangmadlang paglilingkod, ‘kinuha ni Jehova si Amos mula sa pagsunod sa kawan’ at ginawang isang propeta.​—Am 7:15.

Mula sa kaniyang pag-iisa sa ilang sa dakong timog, isinugo si Amos sa idolatrosong sampung-tribong kaharian sa hilaga na ang kabisera ay Samaria.

Sinimulan ni Amos ang kaniyang gawain bilang isang propeta dalawang taon bago naganap ang malakas na lindol noong panahon ng paghahari ni Uzias na hari ng Juda. Nang panahong iyon, si Jeroboam II na anak ni Joas ang hari ng Israel. (Am 1:1) Samakatuwid, ang panghuhula ni Amos ay naganap sa loob ng yugto ng 26 na taon mula 829 hanggang mga 804 B.C.E., noong magpang-abot ang mga paghahari ng dalawang haring ito ng Juda at ng Israel. Ang lindol na naganap dalawang taon matapos atasan si Amos na maging isang propeta ay napakalakas anupat halos 300 taon pagkaraan nito ay espesipiko itong binanggit ni Zacarias.​—Zac 14:5.

Hindi matiyak kung gaano katagal naglingkod si Amos bilang isang propeta sa hilagang kaharian. Salig sa paratang na isa siyang banta sa seguridad ng bansa, si Amos ay tinangkang patalsikin sa Israel ni Amazias, ang balakyot at mananamba-sa-guyang saserdote ng relihiyon ng buong bansa, na nakasentro sa Bethel. (Am 7:10-13) Hindi binanggit kung nagtagumpay si Amazias. Anuman ang nangyari, nang matapos ang misyon ni Amos bilang propeta sa Israel, ipinapalagay na bumalik siya sa kaniyang tinubuang lupain sa teritoryo ng tribo ni Juda. Iniulat nina Jerome at Eusebius na ang puntod ng propeta ay nasa Tekoa noong mga araw nila. Lumilitaw rin na pagkabalik ni Amos sa Juda, isinulat niya ang kaniyang mga hula, na inihatid niya nang bibigan noong una. Madalas siyang tawagin na isa sa 12 “pangalawahing” propeta (ang kaniyang aklat ay nakatala bilang ika-3 sa 12), ngunit ang kahalagahan ng kaniyang mensahe ay hindi kailanman maituturing na pangalawahin.

2. Isa sa mga ninuno ni Jesus, ang ikawalong salinlahi bago isinilang si Maria.​—Luc 3:25.