Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Anah

Anah

Isang anak ni Zibeon at ama ng asawa ni Esau na si Oholibama. (Gen 36:2, 14, 18, 20, 24, 25; 1Cr 1:34, 40, 41) Sa Genesis 36:2, ang tekstong Hebreo ay kababasahan ng “Oholibama na anak ni Anah na anak na babae ni Zibeon.” Ang Syriac na Peshitta, ang Samaritanong Pentateuch, at ang Griegong Septuagint ay pawang kababasahan naman dito ng “anak na lalaki ni Zibeon,” na kaayon ng Genesis 36:24, na nagpapakitang si Anah ay anak na lalaki ni Zibeon. Sinusunod ng ilang makabagong bersiyon ang ganitong salin at nagsasabing “anak na lalaki ni Zibeon” kapuwa sa talata 2 at talata 14. (RS, AT, JB) Gayunman, ang salitang Hebreo rito para sa “anak na babae” ay maaari ring mangahulugang apong babae at sa gayon ay maaaring tumukoy kay Oholibama sa halip na kay Anah. Kaya ang Bagong Sanlibutang Salin sa Genesis 36:2 ay kababasahan: “Oholibama na anak ni Anah, na apo ni Zibeon na Hivita.”

Naniniwala ang ilan na ang pangalang Anah ay tumutukoy sa dalawang tao, yamang si Anah ay sinasabing isang “Hivita” sa talata 2 samantalang ang Anah sa mga talata 20 at 29 ay tinatawag na isang “Horita.” Gayunman, kung ang terminong “Horita” ay nangangahulugan lamang ng isa na “tumatahan sa yungib,” maaari itong gamitin upang tumukoy sa paninirahan ng mga Seirita sa mga yungib sa halip na tumukoy sa kanilang angkan. Kaya waring ang pananalitang “mga anak” sa talata 20 ay may mas malawak na kahulugan na mga inapo. Ang Cyclopædia nina M’Clintock at Strong (1882, Tomo I, p. 212) ay nagsasabi: “Ang intensiyon ng talaangkanan ay hindi upang iharap lamang ang pinagmulang angkan ng mga Seirita kundi upang itala rin yaong mga inapo na bilang mga ulo ng mga tribo ay nagkaroon ng kaugnayan sa mga Edomita. Lumilitaw kung gayon na si Anah, na pinanggalingan ng asawa ni Esau, ang siyang ulo ng isang tribo na hiwalay sa tribo ng kaniyang ama, at kapantay ng tribong iyon.”