Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Anak na Lalaki, Anak

Anak na Lalaki, Anak

[sa Ingles, son].

Ang salitang Hebreo na ben at ang salitang Griego na hui·osʹ, na parehong nangangahulugang “anak na lalaki” o “anak,” ay kadalasang ginagamit sa mas malawak na diwa kaysa sa pagtukoy lamang sa tuwirang supling na lalaki. Ang salitang “anak” ay maaaring mangahulugang inampong anak na lalaki (Exo 2:10; Ju 1:45), isang inapo gaya ng isang apo o apo sa tuhod (Exo 1:7; 2Cr 35:14; Jer 35:16; Mat 12:23), o manugang na lalaki.​—Paghambingin ang 1Cr 3:17 at Luc 3:27 (maliwanag na si Sealtiel ay anak ni Jeconias at manugang na lalaki ni Neri); Luc 3:23, si “Jose, na anak ni Heli,” maliwanag na manugang na lalaki (sa pariralang ito, ang hui·osʹ, “anak,” ay hindi lumilitaw sa tekstong Griego ngunit intindido na).

Ang mga lalaki ay kadalasang tinutukoy o nakikilala sa pamamagitan ng pangalan ng kanilang ama o ng isang mas malayong ninuno, halimbawa ay (si David na) “anak ni Jesse.” (1Sa 22:7, 9) Ang salitang Hebreo na ben at ang salitang Aramaiko na bar, “anak,” ay malimit na ikinakabit sa pangalan ng ama bilang mga unlapi upang magsilbing huling pangalan ng anak, gaya ng Bar-Jesus (nangangahulugang “Anak ni Jesus”). (Gaw 13:6) Hindi isinasalin ng ilang bersiyon ang unlapi ngunit karaniwan naman itong isinasalin ng iba, samantalang inilalagay naman ng ilan ang salin nito sa panggilid. O maaaring ikinakabit sa pangalan ang unlapi dahil sa mga kalagayan noong panahong ipanganak ang bata, gaya ng Ben-ami, na nangangahulugang “Anak ng Aking Bayan [samakatuwid nga, mga kamag-anak],” at hindi anak ng mga banyaga; o Ben-oni, nangangahulugang “Anak ng Aking Pagdadalamhati,” anupat iyon ang ipinangalan kay Benjamin ng kaniyang inang si Raquel bago ito mamatay.​—Gen 19:38; 35:18.

Karagdagan pa, ang pananalitang “mga anak” ay kadalasan ding ginagamit sa deskriptibong paraan gaya ng: mga taga-Silangan (sa literal, “mga anak ng Silangan” [1Ha 4:30; Job 1:3, tlb sa Rbi8]); ‘mga pinahiran’ (sa literal, “mga anak ng langis” [Zac 4:14, tlb sa Rbi8]); mga miyembro (“mga anak”) ng mga grupo na may iisang gawain, gaya ng, “mga anak ng mga propeta” (1Ha 20:35) o, “isang miyembro [“anak”] ng mga tagapaghalo ng ungguento” (Ne 3:8); pinabalik na mga tapon (“mga anak ng Pagkatapon”) (Ezr 10:7, 16, tlb sa Rbi8); mga walang-kabuluhang lalaki, mga taong imbi (“mga anak ni belial”) (1Sa 2:12, tlb sa Rbi8). Yaong mga nagpapamalas ng isang partikular na paggawi o katangian ay tinutukoy sa pamamagitan ng mga pananalitang gaya ng “mga anak ng Kataas-taasan,” “mga anak ng liwanag at mga anak ng araw,” “mga anak ng kaharian,” “mga anak ng isa na balakyot,” “anak ng Diyablo,” “mga anak ng pagsuway.” (Luc 6:35; 1Te 5:5; Mat 13:38; Gaw 13:10; Efe 2:2) May kinalaman naman sa kahatulan o resultang ibubunga ng katangiang ipinamamalas ng isa, ginagamit ang mga pananalitang gaya ng ‘isa na nakahanay ukol sa Gehenna’ (sa literal, isang anak ng Gehenna); “anak ng pagkapuksa.” (Mat 23:15; Ju 17:12; 2Te 2:3) Nang humula si Isaias tungkol sa pagpaparusa ng Diyos sa Israel, tinawag niya ang bansa na “aking mga giniik at ang anak ng aking giikan.”​—Isa 21:10.

Ang mga anghel, palibhasa’y nilalang ng Diyos, ay mga anak ng Diyos. (Job 1:6; 38:7) Si Adan, bilang isang nilalang ng Diyos, ay anak ng Diyos. (Luc 3:38) Ang mga hukom at mga tagapamahala sa Israel na tinuligsa ng Diyos ay tinawag na “mga anak ng Kataas-taasan,” walang alinlangang dahil nanungkulan sila sa Israel bilang mga kinatawan ng pamamahala ng Diyos, bagaman sila’y nagkasala. (Aw 82:6) Yaong mga pinipili ng Diyos upang maging mga kasamang tagapagmana ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo ay tinatawag na “mga anak ng Diyos.”​—Ro 8:14-17.

Paghahangad ng Lalaking Supling. Noong sinaunang mga panahon, masidhing hinahangad ng mga mag-asawa na magkaroon ng lalaking supling. (Gen 4:1, 25; 29:32-35) Gaya ng ipinahayag ng salmista: “Ang mga anak [sons] ay mana mula kay Jehova . . . Maligaya ang matipunong lalaki na ang kaniyang talanga ay pinunô niya ng mga iyon.” (Aw 127:3-5) Dahil sa mga anak na lalaki, nagiging tiyak ang pagpapatuloy ng linya ng angkan, anupat ang pangalan ng mga ninuno ay naiingatan hanggang sa kaapu-apuhan, at ang lupain na minanang pag-aari ay nananatili sa pamilya. (Bil 27:8) Hinahangad noon ng mga babaing Israelita na magkaanak ng mga lalaki, marahil ay umaasa na isa sa kanilang mga anak na lalaki ang magiging “binhi” na sa pamamagitan niya ay darating sa sangkatauhan ang mga pagpapala mula sa Diyos, gaya ng ipinangako kay Abraham. (Gen 22:18; 1Sa 1:5-11) Noong takdang panahon, ipinatalastas ng anghel na si Gabriel kay Maria, isang dalaga mula sa tribo ni Juda, na siya ay “isa na lubhang kinalulugdan,” anupat idinagdag pa ng anghel: “Ikaw ay maglilihi sa iyong bahay-bata at magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mong Jesus ang pangalan nito. Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama.”​—Luc 1:28, 31, 32.