Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Anak ng Diyos, (Mga)

Anak ng Diyos, (Mga)

Ang pangunahing ipinakikilala ng pananalitang “Anak ng Diyos” ay si Kristo Jesus. Kabilang din sa tinutukoy na “(mga) anak ng Diyos” ang matatalinong espiritung nilalang na ginawa ng Diyos, ang taong si Adan bago siya nagkasala, at ang mga taong pinakitunguhan ng Diyos salig sa isang pakikipagtipan.

“Mga Anak ng Tunay na Diyos.” Ang “mga anak ng tunay na Diyos” ay unang binanggit sa Genesis 6:2-4. Doon ay sinasabing “napansin ng mga anak ng tunay na Diyos ang mga anak na babae ng mga tao, na sila ay magaganda; at kumuha sila ng kani-kanilang mga asawa, samakatuwid ay lahat ng kanilang pinili,” at naganap ito bago ang pangglobong Baha.

Sinasabi ng maraming komentarista na ang gayong ‘mga anak ng Diyos’ ay mga tao, mga lalaking nagmula sa linya ni Set. Ibinabatay nila ang kanilang argumento sa bagay na sa linya ni Set nanggaling ang makadiyos na si Noe, samantalang ang iba pang mga linya mula kay Adan, yaong kay Cain at sa iba pang mga anak na isinilang kay Adan (Gen 5:3, 4), ay napuksa noong Baha. Kaya sinasabi nila na ang pagkuha ng “mga anak ng tunay na Diyos” sa “mga anak na babae ng mga tao” upang maging kanilang asawa ay nangangahulugang nag-asawa ang mga inapo ni Set sa linya ng balakyot na si Cain.

Gayunman, walang anumang nagpapakita na nagtakda ang Diyos ng gayong pagkakaiba-iba sa pagitan ng mga linya ng pamilya noong panahong iyon. Wala ring maka-Kasulatang katibayan na sumusuporta sa pangmalas na ang tinutukoy rito ay pag-aasawa sa pagitan ng mga linya ni Set at ni Cain, o na ang gayong mga pag-aasawa ang dahilan ng pagsilang ng “mga makapangyarihan” gaya ng binabanggit sa talata 4. Totoo na ang pananalitang “mga anak ng mga tao [o “ng sangkatauhan”]” (na itinuturing niyaong mga pumapabor sa unang nabanggit na pangmalas bilang kabaligtaran ng pananalitang ‘mga anak ng Diyos’) ay madalas gamitin sa negatibong diwa, ngunit hindi naman sa lahat ng pagkakataon.​—Ihambing ang Aw 4:2; 57:4; Kaw 8:22, 30, 31; Jer 32:18, 19; Dan 10:16.

Anghelikong mga anak ng Diyos. Sa kabilang dako, may isang paliwanag na sinusuportahan ng katibayan sa Kasulatan. Ang sumunod na paglitaw ng pananalitang “mga anak ng tunay na Diyos” ay sa Job 1:6, at maliwanag na ang tinutukoy roon ay ang mga espiritung anak ng Diyos na nagkakatipon sa harap ng Diyos, anupat dumating din doon si Satanas mula sa “pagpaparoo’t parito sa lupa.” (Job 1:7; tingnan din ang 2:1, 2.) Muli, sa Job 38:4-7, ang “mga anak ng Diyos” na “sumigaw sa pagpuri” nang ‘ilatag ng Diyos ang batong-panulok’ ng lupa ay maliwanag na anghelikong mga anak at hindi mga taong nagmula kay Adan (na hindi pa man lamang nilalalang noon). Gayundin, sa Awit 89:6, ang “mga anak ng Diyos” ay tiyak na makalangit na mga nilalang, hindi mga tao.​—Tingnan ang DIYOS (Mga Terminong Hebreo).

Ang pagtukoy sa “mga anak ng tunay na Diyos” sa Genesis 6:2-4 bilang mga anghelikong nilalang ay tinututulan ng mga nanghahawakan sa unang nabanggit na pangmalas sapagkat sinasabi nila na ang konteksto ay partikular na tumutukoy sa kabalakyutan ng tao. Gayunman, hindi makatuwiran ang pagtutol na ito yamang ang di-wastong pagpasok ng mga espiritung nilalang sa buhay ng mga tao ay tiyak na makapagpapalubha sa kabalakyutan ng tao. Noong naririto si Jesus sa lupa, mga balakyot na espiritung nilalang, bagaman hindi sila nagkatawang-tao noon, ang naging dahilan ng napakasamang paggawi ng mga tao. (Tingnan ang DEMONYO; PAG-ALI NG DEMONYO.) Makatuwirang banggitin sa ulat ng Genesis ang panghihimasok ng anghelikong mga anak ng Diyos sa buhay ng mga tao dahil lubos nitong ipinaliliwanag kung bakit lumubha ang kalagayan sa lupa bago ang Baha.

Bilang suporta nito, may tinukoy ang apostol na si Pedro na “mga espiritung nasa bilangguan, na naging masuwayin noon nang ang pagtitiis ng Diyos ay naghihintay noong mga araw ni Noe” (1Pe 3:19, 20), at “mga anghel na nagkasala,” na binanggit may kaugnayan sa “sinaunang sanlibutan” noong panahon ni Noe. (2Pe 2:4, 5) May tinukoy rin si Judas na “mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan kundi nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako.” (Jud 6) Kung itatanggi na ang “mga anak ng tunay na Diyos” sa Genesis 6:2-4 ay mga espiritung nilalang, magiging malabo ang mga pananalitang ito ng mga Kristiyanong manunulat na iyon, yamang walang magiging paliwanag kung paano naganap ang pagsuway na iyon ng mga anghel, o kung ano ang aktuwal na kaugnayan niyaon sa panahon ni Noe.

Tiyak na may mga anghel na nagkatawang-tao sa ilang pagkakataon, anupat kumain at uminom pa nga kasama ng mga tao. (Gen 18:1-22; 19:1-3) Nang sabihin ni Jesus na ang binuhay-muling mga lalaki at mga babae ay hindi mag-aasawa o ibibigay sa pag-aasawa kundi magiging tulad ng “mga anghel sa langit,” ipinakikita niya na hindi nag-aasawa ang gayong makalangit na mga nilalang, anupat walang anumang pahiwatig na ang mga anghel ay alinman sa lalaki o babae. (Mat 22:30) Ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi posibleng magkatawang-tao ang gayong mga anghelikong nilalang at mag-asawa ng mga taong babae. Pansinin na matapos banggitin ni Judas na may mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan at na nag-iwan ng kanilang “wastong tahanang dako” (tiyak na tumutukoy sa pag-iwan nila sa dako ng mga espiritu), kaagad niya itong sinundan ng pananalitang: “Gayundin ang Sodoma at Gomorra at ang mga lunsod sa palibot nila, pagkatapos na sila sa katulad na paraan gaya ng mga nauna ay makiapid nang labis-labis at sumunod sa laman sa di-likas na paggamit, ay nakalagay sa harap natin bilang isang babalang halimbawa.” (Jud 6, 7) Sa gayon, ang mga katibayan sa Kasulatan ay pawang tumutukoy sa paglihis ng mga anghel, ang pagkilos nila nang salungat sa kanilang kalikasan bilang espiritu, na naganap noong mga araw ni Noe. Kaya walang makatuwirang dahilan upang mag-alinlangan na ang ‘mga anak ng Diyos’ sa Genesis 6:2-4 ay anghelikong mga anak.​—Tingnan ang NEFILIM.

Unang Taong Anak at ang mga Inapo Nito. Si Adan ang unang taong “anak ng Diyos” sa dahilang ang Diyos ang lumalang sa kaniya. (Gen 2:7; Luc 3:38) Nang hatulan siya ng kamatayan dahil sa sinasadyang pagkakasala at palayasin mula sa santuwaryo ng Diyos sa Eden, sa diwa ay itinakwil siya ng Diyos at naiwala niya ang kaugnayan niya bilang anak ng kaniyang makalangit na Ama.​—Gen 3:17-24.

Ang mga naging supling niya ay ipinanganak taglay ang minanang kasalanan. (Tingnan ang KASALANAN.) Yamang ipinanganak sila mula sa isa na itinakwil ng Diyos, hindi maaaring angkinin ng mga inapo ni Adan ang kaugnayan sa Diyos bilang Kaniyang anak salig lamang sa kapanganakan. Ipinahihiwatig ito ng mga salita ng apostol na si Juan sa Juan 1:12, 13. Ipinakikita niya na yaong mga tumanggap kay Kristo Jesus, anupat nanampalataya sa kaniyang pangalan, ay binigyan ng “awtoridad na maging mga anak ng Diyos, . . . [yamang] ipinanganak sila, hindi mula sa dugo o mula sa kalooban ng laman o mula sa kalooban ng tao, kundi mula sa Diyos.” Samakatuwid, ang pagiging anak ng Diyos ay hindi itinuturing na isang bagay na awtomatikong tinatanggap ng lahat ng inapo ni Adan pagkapanganak sa kanila. Ipinakikita nito at ng iba pang mga teksto na, mula nang magkasala si Adan, kinailangan ang pantanging pagkilala ng Diyos upang maitalaga ang mga tao bilang kaniyang “mga anak.” Makikita ito sa kaniyang mga pakikitungo sa Israel.

“Ang Israel ay Aking Anak.” Kay Paraon, na nag-angking isang diyos at anak ng Ehipsiyong diyos na si Ra, tinukoy ni Jehova ang Israel bilang “aking anak, ang aking panganay,” at inutusan niya ang tagapamahalang Ehipsiyong iyon na “payaunin mo ang aking anak upang makapaglingkod siya sa akin.” (Exo 4:22, 23) Sa gayon, ang buong bansang Israel ay itinuring ng Diyos na kaniyang “anak” dahil sila’y kaniyang piling bayan, isang “pantanging pag-aari, mula sa lahat ng mga bayan.” (Deu 14:1, 2) Dahil si Jehova ang Bukal ng lahat ng buhay at, partikular na, dahil siya ang lumikha sa bayang iyon kasuwato ng tipang Abrahamiko, tinawag siya na kanilang “Maylalang,” “Tagapag-anyo,” at “Ama,” ang Isa na sa kaniyang pangalan ay tinawag sila. (Ihambing ang Aw 95:6, 7; 100:3; Isa 43:1-7, 15; 45:11, 12, 18, 19; 63:16.) ‘Tinulungan niya sila mula pa sa tiyan,’ maliwanag na tumutukoy sa mismong pasimula ng pagbuo sa kanila bilang isang bayan, at “inanyuan” niya sila sa pamamagitan ng kaniyang mga pakikitungo sa kanila at sa pamamagitan ng tipang Kautusan, anupat hinubog ang mga katangian at istraktura ng bansa. (Isa 44:1, 2, 21; ihambing ang mga pananalita ng Diyos para sa Jerusalem sa Eze 16:1-14; gayundin ang mga pananalita ni Pablo sa Gal 4:19 at 1Te 2:11, 12.) Ipinagsanggalang sila ni Jehova, dinala niya sila, itinuwid sila, at pinaglaanan sila gaya ng ginagawa ng ama sa kaniyang anak. (Deu 1:30, 31; 8:5-9; ihambing ang Isa 49:14, 15.) Bilang “anak” naman, dapat lamang na maglingkod ang bansa ukol sa kapurihan ng kanilang Ama. (Isa 43:21; Mal 1:6) Kung hindi iyon gagawin ng Israel, magbubulaan sila sa kanilang pagiging anak (Deu 32:4-6, 18-20; Isa 1:2, 3; 30:1, 2, 9), gaya nga ng ibang mga Israelita na gumawi sa kadusta-dustang paraan at sa gayo’y tinawag na “mga anak ni belial” (isang literal na pananalitang Hebreo na isinalin sa Deu 13:13 at sa iba pang mga teksto bilang “mga walang-kabuluhang lalaki”; ihambing ang 2Co 6:15). Sila ay naging “mga anak na suwail.”​—Jer 3:14, 22; ihambing ang 4:22.

Sa gayong pangkalahatang diwa bilang isang bansa, at dahil sa pakikipagtipan niya sa kanila, nakitungo ang Diyos sa mga Israelita bilang mga anak. Ipinakikita ito ng pagtukoy ng Diyos sa kaniyang sarili hindi lamang bilang “Maylikha” nila kundi bilang kanila ring “Manunubos” at “asawang nagmamay-ari,” anupat ipinahihiwatig ng huling nabanggit na itinuring niyang asawa ang Israel. (Isa 54:5, 6; ihambing ang Isa 63:8; Jer 3:14.) Kapag tinatawag ng mga Israelita si Jehova bilang “aming Ama,” maliwanag na nasa isipan nila ang pakikipagtipan niya sa kanila at kinikilala nila na ang Diyos ang bumuo sa kanilang bansa.​—Isa 63:16-19; ihambing ang Jer 3:18-20; Os 1:10, 11.

Ang tribo ni Efraim ang naging pinakaprominenteng tribo sa hilagang kaharian ng sampung tribo, anupat ang pangalan nito ay kadalasang kumakatawan sa buong kahariang iyon. Dahil si Efraim ang pinili ni Jehova na tumanggap ng pagpapalang para sa panganay na anak mula sa kaniyang lolo na si Jacob sa halip na si Manases, na siyang tunay na panganay na anak ni Jose, wastong tukuyin ni Jehova ang tribo ni Efraim bilang “aking panganay.”​—Jer 31:9, 20; Os 11:1-8, 12; ihambing ang Gen 48:13-20.

Indibiduwal na ‘mga anak’ na Israelita. Sa pantanging diwa, tinukoy rin ng Diyos ang ilang indibiduwal sa Israel bilang kaniyang ‘mga anak.’ Ang Awit 2, na sa Gawa 4:24-26 ay kinikilalang isinulat ni David, ay maliwanag na unang kumakapit sa kaniya sa mga pagtukoy nito sa “anak” ng Diyos. (Aw 2:1, 2, 7-12) Nang maglaon, ang awit ay natupad kay Kristo Jesus, gaya ng ipinakikita sa konteksto ng Mga Gawa. Yamang ipinakikita sa konteksto ng awit na ang Diyos ay nakikipag-usap, hindi sa isang sanggol, kundi sa isang taong may-gulang na, nang sabihin niya, “Ikaw ang aking anak; ako, ngayon, ako ay naging iyong ama,” makatuwirang isipin na ang pagtatamo ni David ng gayong katayuan bilang anak ay dahil pantangi siyang pinili ng Diyos upang maging hari at dahil sa makaamang mga pakikitungo ng Diyos sa kaniya. (Ihambing ang Aw 89:3, 19-27.) Sa katulad na paraan, sinabi ni Jehova tungkol sa anak ni David na si Solomon, “Ako ang magiging kaniyang ama, at siya ang magiging aking anak.”​—2Sa 7:12-14; 1Cr 22:10; 28:6.

Naiwala ang katayuan bilang anak. Noong narito sa lupa si Jesus, inaangkin pa rin ng mga Judio na ang Diyos ang kanilang “Ama.” Ngunit tahasang sinabi ni Jesus sa ilang sumasalansang na sila’y ‘mula sa kanilang amang Diyablo,’ sapagkat pinakikinggan nila ito at ginagawa nila ang kalooban at mga gawa ng Kalaban ng Diyos; sa gayon ay ipinakikita nila na sila’y “hindi mula sa Diyos.” (Ju 8:41, 44, 47) Muli, ipinakikita nito na ang pagiging anak ng Diyos ng sinuman sa mga inapo ni Adan ay hindi batay lamang sa kanilang likas na pinagmulan sa laman kundi ito’y pangunahin nang dahil sa paglalaan ng Diyos upang magkaroon sila ng espirituwal na kaugnayan sa Kaniya, at na hinihiling naman ng gayong kaugnayan na ang “mga anak” na iyon ay manampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapamalas ng kaniyang mga katangian, pagiging masunurin sa kaniyang kalooban, at tapat na paglilingkod ukol sa kaniyang layunin at mga kapakanan.

Ang Kristiyanong mga Anak ng Diyos. Gaya ng ipinakikita ng Juan 1:11, 12, iilan lamang sa bansang Israel, yaong mga nanampalataya kay Kristo Jesus, ang pinagkalooban ng “awtoridad na maging mga anak ng Diyos.” Sa pamamagitan ng haing pantubos ni Kristo, inilabas ang mga Judiong ‘nalabing’ iyon (Ro 9:27; 11:5) mula sa ilalim ng tipang Kautusan, na bagaman mabuti at sakdal ay humatol sa kanila bilang mga makasalanan, bilang mga alipin na bihag ng kasalanan; sa gayon ay pinalaya sila ni Kristo upang “tanggapin [nila] ang pag-aampon bilang mga anak” at sila’y maging mga tagapagmana sa pamamagitan ng Diyos.​—Gal 4:1-7; ihambing ang Gal 3:19-26.

Ang mga tao ng mga bansa, na dating “walang Diyos sa sanlibutan” (Efe 2:12), ay naipagkasundo rin sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo at nagtamo ng katayuan bilang mga anak.​—Ro 9:8, 25, 26; Gal 3:26-29.

Gaya ng Israel, ang mga Kristiyanong ito ay bumubuo ng isang katipang bayan, anupat dinadala sila sa “bagong tipan” na binigyang-bisa sa pamamagitan ng itinigis na dugo ni Kristo. (Luc 22:20; Heb 9:15) Gayunman, sa pagtanggap sa kanila ng Diyos sa tipang ito, pinakikitunguhan niya sila bilang mga indibiduwal. Dahil nakinig sila sa mabuting balita at nanampalataya, sila ay tinawag upang maging mga kasamang tagapagmana ng Anak ng Diyos (Ro 8:17; Heb 3:1), ‘ipinahayag na matuwid’ ng Diyos salig sa kanilang pananampalataya sa pantubos (Ro 5:1, 2), at sa gayo’y ‘iniluwal sa pamamagitan ng salita ng katotohanan’ (San 1:18), anupat ‘ipinanganak muli’ bilang bautisadong mga Kristiyano, na inianak o iniluwal ng espiritu ng Diyos bilang kaniyang mga anak na magtatamasa ng buhay bilang espiritu sa langit (Ju 3:3; 1Pe 1:3, 4). Tumanggap sila, hindi ng espiritu ng pagkaalipin gaya ng ibinunga ng pagkakamali ni Adan, kundi ng “espiritu ng pag-aampon bilang mga anak, na sa pamamagitan ng espiritung iyon ay sumisigaw [sila]: ‘Abba, Ama!’⁠” kung saan ang terminong “Abba” ay isang matalik at mapagmahal na katawagan. (Ro 8:14-17; tingnan ang ABBA; PAG-AAMPON [Ang Kahulugan Nito Para sa mga Kristiyano].) At dahil sa nakahihigit na paglilingkod ni Kristo bilang tagapamagitan at saserdote at sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ipinakita sa pamamagitan niya, ang pagiging anak ng mga Kristiyanong ito na inianak sa espiritu ay isang mas matalik na kaugnayan sa Diyos kaysa sa naging kaugnayan sa kaniya ng Israel sa laman.​—Heb 4:14-16; 7:19-25; 12:18-24.

Pag-iingat ng katayuan bilang anak. Sa ganang sarili nito, ang kanilang “bagong pagsilang” tungo sa buháy na pag-asang iyon (1Pe 1:3) ay hindi garantiya na mananatili ang katayuan nila bilang mga anak. Dapat silang ‘magpaakay sa espiritu ng Diyos,’ hindi sa kanilang makasalanang laman, at dapat silang maging handang magdusa gaya ni Kristo. (Ro 8:12-14, 17) Dapat silang maging “mga tagatulad . . . sa Diyos, bilang mga anak na minamahal” (Efe 5:1), anupat nagpapabanaag ng kaniyang mga katangian ng kapayapaan, pag-ibig, kaawaan, kabaitan (Mat 5:9, 44, 45; Luc 6:35, 36), nananatiling “walang kapintasan at walang muwang” sa mga bagay na karaniwan sa “liko at pilipit na salinlahi” na sa gitna nito ay namumuhay sila (Fil 2:15), nagpapadalisay ng kanilang sarili mula sa di-matuwid na mga gawain (1Ju 3:1-4, 9, 10), masunurin sa mga utos ng Diyos, at tumatanggap ng kaniyang disiplina (1Ju 5:1-3; Heb 12:5-7).

Ganap na pag-aampon bilang mga anak. Bagaman tinawag sila upang maging mga anak ng Diyos, ang taglay lamang nila ay “palatandaan niyaong darating” habang sila’y nasa laman pa. (2Co 1:22; 5:1-5; Efe 1:5, 13, 14) Kaya bagaman tinukoy ng apostol ang kaniyang sarili at ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano bilang “mga anak [na] ng Diyos,” maaari pa rin niyang sabihin na “tayo rin mismo na nagtatamo ng mga unang bunga, samakatuwid nga, ng espiritu, oo, tayo mismo ay dumaraing sa loob natin, habang marubdob nating hinihintay ang pag-aampon bilang mga anak, ang pagpapalaya mula sa ating mga katawan sa pamamagitan ng pantubos.” (Ro 8:14, 23) Sa gayon, pagkatapos nilang madaig ang sanlibutan sa pamamagitan ng katapatan hanggang sa kamatayan, nagiging lubos ang kanilang pagiging mga anak kapag binuhay na silang muli bilang mga espiritung anak ng Diyos at “mga kapatid” ng Pangunahing Anak ng Diyos, si Kristo Jesus.​—Heb 2:10-17; Apo 21:7; ihambing ang Apo 2:7, 11, 26, 27; 3:12, 21.

Alam ng espirituwal na mga anak ng Diyos, na tinawag sa makalangit na pagtawag na ito, na sila ay may gayong katayuan, sapagkat ‘ang espiritu mismo ng Diyos ang nagpapatotoo kasama ng kanilang espiritu na sila ay mga anak ng Diyos.’ (Ro 8:16) Maliwanag na nangangahulugan ito na ang kanilang espiritu ay nagsisilbing nag-uudyok na puwersa sa kanilang buhay, anupat pinakikilos sila na tumugon nang positibo sa mga kapahayagan ng espiritu ng Diyos na nasa kaniyang kinasihang Salita tungkol sa gayong makalangit na pag-asa at gayundin sa mga pakikitungo niya sa kanila sa pamamagitan ng espiritung iyon. Sa gayon ay nakatitiyak sila na sila’y talagang espirituwal na mga anak at mga tagapagmana ng Diyos.

Maluwalhating Kalayaan ng mga Anak ng Diyos. Ang apostol ay may binanggit na “kaluwalhatian na isisiwalat sa atin” at “may-pananabik na pag-asam ng sangnilalang [na] naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos.” (Ro 8:18, 19) Yamang ang kaluwalhatian ng mga anak na ito ay makalangit, maliwanag na ang gayong “pagsisiwalat” ng kanilang kaluwalhatian ay pagkatapos na sila’y buhaying-muli tungo sa makalangit na buhay. (Ihambing ang Ro 8:23.) Gayunman, ipinahihiwatig ng 2 Tesalonica 1:6-10 na hindi lamang iyon ang nasasangkot; binabanggit nito na sa “pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus,” pasasapitan ng parusang hatol yaong mga hahatulan ng Diyos nang di-kaayaaya, anupat gagawin iyon “sa panahon ng kaniyang pagdating upang luwalhatiin may kaugnayan sa kaniyang mga banal.”​—Tingnan ang PAGSISIWALAT.

Yamang sinabi ni Pablo na ang “sangnilalang” ay naghihintay sa pagsisiwalat na ito, at pagkatapos ay “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos,” maliwanag na bukod sa makalangit na “mga anak ng Diyos” ay may iba pang makikinabang sa pagsisiwalat sa kanila sa kaluwalhatian. (Ro 8:19-23) Ang terminong Griego na isinaling “sangnilalang” ay maaaring tumukoy sa anumang nilalang, tao o hayop, o sa lahat ng nilalang. Dito, tinutukoy iyon ni Pablo bilang ‘may-pananabik na umaasam,’ “naghihintay,” “ipinasakop sa kawalang-saysay, [bagaman] hindi ayon sa sarili nitong kalooban,” “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at [sa gayo’y] magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos,” at “dumaraing na magkakasama” gaya rin ng Kristiyanong “mga anak” na dumaraing sa loob nila. Ang mga pananalitang ito ay pawang tumuturo nang may katiyakan sa sangnilalang na mga tao, ang pamilya ng tao, anupat hindi sa lahat ng nilalang, kabilang ang mga hayop, mga pananim, at iba pang mga nilalang, kapuwa yaong may buhay at walang buhay. (Ihambing ang Col 1:23.) Kung gayon, tiyak na nangangahulugan ito na ang pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos sa kaluwalhatian ay magbubukas ng daan upang ang iba pang kabilang sa pamilya ng tao ay magtamo ng kaugnayan sa Diyos bilang kaniyang tunay na mga anak ng Diyos at magtamasa ng kalayaang kalakip ng gayong kaugnayan.​—Tingnan ang IPAHAYAG NA MATUWID (Iba Pang mga Matuwid); MALAKING PULUTONG.

Yamang si Kristo Jesus ang inihula na magiging “Walang-hanggang Ama” (Isa 9:6) at yamang ang Kristiyanong “mga anak ng Diyos” ay magiging kaniyang “mga kapatid” (Ro 8:29), nangangahulugan ito na may iba pang kabilang sa pamilya ng tao na magtatamo ng buhay sa pamamagitan ni Kristo Jesus. Ang mga ito ay hindi ang kaniyang mga kasamang tagapagmana at mga kasamang hari at saserdote kundi ang kaniyang mga sakop na paghaharian niya.​—Ihambing ang Mat 25:34-40; Heb 2:10-12; Apo 5:9, 10; 7:9, 10, 14-17; 20:4-9; 21:1-4.

Mapapansin din na tinukoy ni Santiago (1:18) ang inianak-sa-espiritung “mga anak ng Diyos” na ito bilang “mga unang bunga” sa mga nilalang ng Diyos, isang pananalita na kahawig ng ginamit para sa “isang daan at apatnapu’t apat na libo” na “binili mula sa sangkatauhan” gaya ng inilalarawan sa Apocalipsis 14:1-4. Ipinahihiwatig ng pananalitang “mga unang bunga” na magkakaroon ng iba pang mga bunga, kung kaya maliwanag na ang “sangnilalang” sa Roma 8:19-22 ay kumakapit sa gayong ‘kasunod na mga bunga’ o ‘pangalawahing mga bunga’ mula sa sangkatauhan na sa dakong huli, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Jesus, ay magtatamo ng katayuan bilang mga anak sa pansansinukob na pamilya ng Diyos.

Tungkol sa darating na ‘sistema ng mga bagay’ at “pagkabuhay-muli mula sa mga patay” tungo sa buhay sa sistemang iyon, sinabi ni Jesus na ang mga ito ay magiging “mga anak ng Diyos dahil sa pagiging mga anak ng pagkabuhay-muli.”​—Luc 20:34-36.

Batay sa lahat ng nabanggit na impormasyon, makikita natin na ang ‘pagiging anak’ ng mga tao may kaugnayan sa Diyos ay minamalas mula sa iba’t ibang punto de vista. Kaya naman sa bawat kaso, ang pagiging anak ay dapat malasin ayon sa konteksto upang matiyak kung ano ang saklaw nito at kung anong uri talaga ng kaugnayan bilang anak ang tinutukoy.

Si Kristo Jesus, ang Anak ng Diyos. Partikular na idiniriin ng Ebanghelyo ni Juan ang pag-iral ni Jesus bago siya naging tao bilang “ang Salita” at ipinaliliwanag nito na “ang Salita ay naging laman at tumahan sa gitna natin, at nakita natin ang kaniyang kaluwalhatian, isang kaluwalhatian na gaya ng sa isang bugtong na anak mula sa isang ama.” (Ju 1:1-3, 14) Ang kaniyang pagiging anak ay hindi nagsimula noong ipanganak siya bilang tao at makikita ito sa sariling mga pananalita ni Jesus, gaya noong sabihin niya, “Ang mga bagay na nakita ko sa aking Ama ay sinasalita ko” (Ju 8:38, 42; ihambing ang Ju 17:5, 24), gayundin sa iba pang malilinaw na pananalita ng kaniyang kinasihang mga apostol.​—Ro 8:3; Gal 4:4; 1Ju 4:9-11, 14.

Kahulugan ng terminong Griego na “mo·no·ge·nesʹ.” Ang pananalitang Griego na mo·no·ge·nesʹ hui·osʹ ay isinasalin sa Tagalog bilang “bugtong na Anak.” Hinggil sa salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ (“bugtong”), itinatawag-pansin ng ilang komentarista na ang huling bahagi ng salitang iyon (ge·nesʹ) ay hindi nagmula sa gen·naʹo (pangyarihing maipaglihi) kundi sa geʹnos (uri), kaya naman ang terminong iyon ay nangangahulugang ‘kaisa-isa sa isang klase o uri.’ Gayunman, bagaman wala sa indibiduwal na mga bahagi nito ang ideya ng pandiwang maipanganak, ang pagkakagamit sa terminong ito ay talagang sumasaklaw sa ideya ng angkang pinagmulan o kapanganakan, sapagkat ang salitang Griego na geʹnos ay nangangahulugang “angkan ng pamilya; kamag-anak; supling; lahi.” Isinasalin ito sa 1 Pedro 2:9 bilang “lahi.” Kinikilala ng maraming leksikograpo na ang terminong ito ay may gayong kaugnayan sa kapanganakan o angkang pinagmulan.

Binibigyang-katuturan ng Greek and English Lexicon of the New Testament ni Edward Robinson (1885, p. 471) ang mo·no·ge·nesʹ bilang: “kaisa-isang ipinanganak, . . . samakatuwid nga, kaisa-isang anak.” Ang Theological Dictionary of the New Testament, na inedit ni G. Kittel, ay nagsasabi: “Ang μονο- [mo·no-] ay hindi tumutukoy sa pinagmulan kundi sa kaurian ng pagkasupling. Kaya ang μονογενής [mo·no·ge·nesʹ] ay nangangahulugang ‘nagsosolong supling,’ samakatuwid nga, walang kapatid na lalaki o babae. . . . Ang tinutukoy ay ang kaisa-isang anak ng kaniyang mga magulang, pangunahin na may kaugnayan sa kanila. . . . Ngunit ang salitang iyon ay maaari ring gamitin nang mas malawakan nang hindi tinutukoy ang pagkasupling sa diwa ng pagiging ‘natatangi,’ ‘walang katulad,’ ‘walang kahambing,’ bagaman ang mga pagtukoy ay hindi dapat ipagkamali sa klase o uri at sa paraan.”​—Tagapagsalin at patnugot, G. Bromiley, 1969, Tomo IV, p. 738.

Tungkol sa paggamit ng terminong iyon sa Kristiyanong Griegong Kasulatan o “Bagong Tipan,” ang huling nabanggit na akda (p. 739-741) ay nagsasabi: “Sa Jn. 1:14, 18; 3:16, 18; 1 Jn. 4:9, higit pa ang tinutukoy ng μονογενής kaysa sa pagiging natatangi o walang kahambing ni Jesus. Sa lahat ng mga talatang ito, tuwiran Siyang tinatawag na Anak, at itinuturing Siyang gayon sa 1:14. Sa Jn., ang μονογενής ay tumutukoy sa pinagmulan ni Jesus.”

Dahil sa mga paliwanag na ito at dahil sa malinaw na katibayan mula sa Kasulatan mismo, ang salitang Griego na mo·no·ge·nesʹ ay nagpapakitang si Jesus ay hindi lamang ang natatangi o walang-kahambing na Anak ng Diyos kundi nagmula rin siya sa Diyos sa diwa na nilalang siya ng Diyos. Pinatutunayan ito ng mga apostol sa mga pagtukoy nila sa Anak na ito bilang “ang panganay sa lahat ng nilalang” at bilang “ang Isa na ipinanganak [isang anyo ng gen·naʹo] mula sa Diyos” (Col 1:15; 1Ju 5:18), at sinasabi rin ni Jesus mismo na siya ang “pasimula ng paglalang ng Diyos.”​—Apo 3:14.

Si Jesus ay “panganay” ng Diyos (Col 1:15) bilang ang unang nilalang ng Diyos, tinatawag na “ang Salita” bago siya naging tao. (Ju 1:1) Ang salitang “pasimula” sa Juan 1:1 ay hindi maaaring tumukoy sa “pasimula” ng Diyos na Maylalang, sapagkat siya’y walang hanggan, anupat walang pasimula. (Aw 90:2) Samakatuwid, tiyak na tumutukoy ito sa pasimula ng paglalang, nang likhain ng Diyos ang Salita bilang ang kaniyang panganay na Anak. Ang terminong “pasimula” ay ginagamit din sa iba pang mga teksto upang tumukoy sa umpisa ng isang yugto o gawain o landasin, gaya ng “pasimula” ng gawaing Kristiyano niyaong mga sinulatan ni Juan ng kaniyang unang liham (1Ju 2:7; 3:11), ng “pasimula” ng mapaghimagsik na landasin ni Satanas (1Ju 3:8), o ng “pasimula” ng paglihis ni Hudas mula sa katuwiran. (Ju 6:64; tingnan ang HUDAS Blg. 4 [Nagpakasama].) Si Jesus ay “bugtong na Anak” (Ju 3:16) yamang sa mga anak ng Diyos, espiritu man o tao, siya lamang ang nilalang ng Diyos nang mag-isa, sapagkat ang lahat ng iba pa ay nilalang “sa pamamagitan” ng panganay na Anak na iyon.​—Col 1:16, 17; tingnan ang BUGTONG NA ANAK; JESU-KRISTO (Pag-iral Bago Naging Tao).

Inianak sa espiritu, bumalik sa pagiging makalangit na anak. Sabihin pa, si Jesus ay nanatiling Anak ng Diyos nang ipanganak siya bilang tao, gaya ng kalagayan niya noon bago siya naging tao. Ang kaniyang kapanganakan ay hindi resulta ng paglilihi sa pamamagitan ng binhi, o punlay, ng isang lalaki na nagmula kay Adan, kundi dahil sa pagkilos ng banal na espiritu ng Diyos. (Mat 1:20, 25; Luc 1:30-35; ihambing ang Mat 22:42-45.) Alam ni Jesus na siya’y anak ng Diyos, sapagkat sa edad na 12 taon ay sinabi niya sa kaniyang mga magulang sa lupa, “Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na mapasabahay ng aking Ama?” Hindi nila naintindihan ang kahulugan nito, anupat marahil ay ipinalagay nila na sa paggamit ni Jesus ng terminong “Ama,” tinukoy lamang niya ang Diyos ayon sa katawagang ginagamit ng mga Israelita sa pangkalahatan, gaya ng tinalakay na.​—Luc 2:48-50.

Gayunman, mga 30 taon matapos siyang ipanganak bilang tao, noong bautismuhan siya ni Juan na Tagapagbautismo, ang espiritu ng Diyos ay bumaba kay Jesus at ang Diyos ay nagsalita, na sinasabi: “Ikaw ang aking Anak, ang minamahal; ikaw ay aking sinang-ayunan.” (Luc 3:21-23; Mat 3:16, 17) Maliwanag na noong pagkakataong iyon, si Jesus, ang tao, ay ‘ipinanganak muli’ bilang isang inianak-sa-espiritung Anak na may pag-asang bumalik sa buhay sa langit, at pinahiran siya sa pamamagitan ng espiritu upang maging inatasang hari at mataas na saserdote ng Diyos. (Ju 3:3-6; ihambing ang 17:4, 5; tingnan ang JESU-KRISTO [Ang Kaniyang Bautismo].) Isang kahawig na pananalita ang sinabi ng Diyos noong magbagong-anyo si Jesus sa bundok, na doo’y nakita si Jesus sa pangitain taglay ang kaluwalhatian ng Kaharian. (Ihambing ang Mat 16:28 at 17:1-5.) May kinalaman sa pagkabuhay-muli ni Jesus mula sa mga patay, ikinapit ni Pablo sa pangyayaring iyon ang isang bahagi ng Awit 2, na sinisipi ang mga salita ng Diyos, “Ikaw ang aking anak, ako ay naging iyong Ama sa araw na ito,” at ikinapit din niya roon ang mga salita mula sa tipan ng Diyos kay David, samakatuwid nga: “Ako ang magiging kaniyang ama, at siya ang magiging aking anak.” (Aw 2:7; 2Sa 7:14; Gaw 13:33; Heb 1:5; ihambing ang Heb 5:5.) Sa pamamagitan ng kaniyang pagkabuhay-muli mula sa mga patay tungo sa buhay bilang espiritu, si Jesus ay “ipinahayag na Anak ng Diyos” (Ro 1:4) at “ipinahayag na matuwid sa espiritu.”​—1Ti 3:16.

Dahil dito, makikita natin na gaya ni David na may-gulang na noon nang siya’y ‘maging anak ng Diyos’ sa pantanging diwa, si Kristo Jesus din ay ‘naging Anak ng Diyos’ sa pantanging paraan noong bautismuhan siya at noong buhayin siyang muli, at maliwanag na noon ding pumasok siya sa lubos na kaluwalhatian ng Kaharian.

May-kabulaanang pinaratangan ng pamumusong. Dahil sa mga pagtukoy ni Jesus sa Diyos bilang kaniyang Ama, pinaratangan siya ng ilang Judio ng pamumusong, na sinasabi, “Ikaw nga, bagaman isang tao ay ginagawa mong diyos ang iyong sarili.” (Ju 10:33) Dito, ang karamihan sa mga salin ay kababasahan ng “Diyos”; ang salin ni Torrey ay gumagamit ng maliliit na titik para sa salitang “diyos,” samantalang ang saling interlinear naman ng The Emphatic Diaglott ay kababasahan ng “isang diyos.” Ang pangunahing sumusuporta sa saling “isang diyos” ay ang mismong sagot ni Jesus, kung saan sumipi siya mula sa Awit 82:1-7. Gaya ng makikita natin, hindi tinutukoy sa tekstong ito ang mga tao bilang “Diyos,” kundi bilang “mga diyos” at “mga anak ng Kataas-taasan.”

Ayon sa konteksto, ang tinatawag ni Jehova sa awit na ito na “mga diyos” at “mga anak ng Kataas-taasan” ay ang mga Israelitang hukom na nagsasagawa ng kawalang-katarungan, anupat kinailangang si Jehova mismo ang humatol ‘sa gitna ng gayong mga diyos.’ (Aw 82:1-6, 8) Yamang ikinapit ni Jehova ang mga terminong ito sa mga taong iyon, tiyak na hindi nagkasala ng pamumusong si Jesus nang sabihin niya, “Ako ang Anak ng Diyos.” Samantalang pinabubulaanan ng mga gawa ng hukom na “mga diyos” na iyon na sila’y “mga anak ng Kataas-taasan,” palagi namang pinatutunayan ng mga gawa ni Jesus na siya’y may pakikipagkaisa at mapayapang kaugnayan sa kaniyang Ama.​—Ju 10:34-38.