Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Anatot

Anatot

1. Isang Benjamita, anak ni Beker.​—1Cr 7:8.

2. Isa sa mga ulo ng bayan na ang inapo, kung hindi man siya mismo, ay nagpatotoo at nagtatak sa isang mapagkakatiwalaang kaayusan noong mga araw ni Nehemias, upang lumakad sa landas ng tunay na pagsamba kay Jehova.​—Ne 9:38; 10:1, 19.

3. Isang lunsod ng mga Levita sa teritoryo ng Benjamin. (Jos 21:17, 18; 1Cr 6:60) Nananatili pa rin ang pangalang ito sa pangalan ng maliit na nayon ng ʽAnata na wala pang 5 km (3 mi) sa HHS ng Jerusalem, samantalang ang orihinal na lugar naman ay ipinapalagay na ang Ras el-Kharrubeh na mga 800 m (0.5 mi) sa TK ng nayong iyon. Matatanaw mula sa lokasyon nito sa mga burol ang Libis ng Jordan at ang hilagang bahagi ng Dagat Asin. Sa Anatot nagmula ang dalawa sa makapangyarihang mga lalaki ni David. (2Sa 23:27; 1Cr 12:3) Sa Anatot din itinaboy ni Solomon si Abiatar nang palayasin niya ito, sa gayon ay nagwakas ang linya ng mga mataas na saserdote mula sa sambahayan ni Eli. (1Ha 2:26) Ang Anatot ang isa sa mga lunsod na napighati nang dumaan ang sumasalakay na mga hukbong Asiryano.​—Isa 10:30.

Si Jeremias ay mula sa Anatot ngunit naging isang ‘propetang walang dangal’ sa gitna ng sarili niyang bayan nang pagbantaan nila ang kaniyang buhay dahil sa pagsasalita niya ng mensahe ng katotohanan ni Jehova. (Jer 1:1; 11:21-23; 29:27) Dahil dito, humula si Jehova ng kapahamakan para sa lunsod, at dumating ito sa takdang panahon nang daluhungin ng Babilonya ang lupain. (Jer 11:21-23) Bago bumagsak ang Jerusalem, ginamit ni Jeremias ang kaniyang legal na karapatan upang bilhin ang lupain ng kaniyang pinsan sa Anatot bilang isang tanda na magkakaroon ng pagsasauli mula sa pagkatapon. (Jer 32:7-9) Kabilang sa unang grupo ng mga bumalik mula sa pagkatapon kasama ni Zerubabel ang 128 lalaki ng Anatot, at kasama ang Anatot sa mga bayan na muling pinamayanan, sa gayo’y natupad ang hula ni Jeremias.​—Ezr 2:23; Ne 7:27; 11:32.