Andres
[mula sa salitang-ugat na Gr. na nangangahulugang “tao; lalaki”; malamang, Lalaking-lalaki].
Isang kapatid ni Simon Pedro at anak ni Jonas (Juan). (Mat 4:18; 16:17) Bagaman ang Betsaida ang tinubuang lunsod ni Andres, siya at si Simon ay magkasamang naninirahan sa Capernaum noong tawagin sila ni Jesus upang maging “mga mangingisda ng mga tao.” (Mar 1:16, 17, 21, 29; Ju 1:44) Ang dalawang lunsod ay parehong nasa H baybayin ng Dagat ng Galilea, kung saan naghahanapbuhay ng pangingisda ang magkapatid kasosyo nina Santiago at Juan.—Mat 4:18; Mar 1:16; Luc 5:10.
Si Andres ay dating alagad ni Juan na Tagapagbautismo. (Ju 1:35, 40) Noong taglagas ng 29 C.E., siya’y nasa Betania sa S panig ng Ilog Jordan at narinig niya si Juan na Tagapagbautismo nang ipakilala nito si Jesus bilang “ang Kordero ng Diyos.” (Ju 1:29) Kasama ang isa pang alagad (malamang na si Juan), sinundan niya si Jesus sa tinitirahan nito at di-nagtagal ay nakumbinsi siya na nasumpungan na niya ang Mesiyas. Nang masumpungan niya ang kaniyang kapatid na si Simon, sinabihan niya ito at dinala kay Jesus. (Ju 1:36-41) Ang magkapatid ay bumalik sa kanilang hanapbuhay na pangingisda, ngunit pagkalipas ng anim hanggang labindalawang buwan, pagkatapos na maaresto si Juan na Tagapagbautismo, sila, kasama sina Santiago at Juan, ay inanyayahan ni Jesus na maging “mga mangingisda ng mga tao.” Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at nagsimulang sumama kay Jesus. (Mat 4:18-20; Mar 1:14, 16-20) Nang maglaon, ang apat na ito ay naging mga apostol, at kapansin-pansin na si Andres ay laging nakatala na kabilang sa unang apat sa lahat ng talaan ng mga apostol.—Mat 10:2; Mar 3:18; Luc 6:14.
Pagkatapos nito ay pahapyaw na lamang ang mga pagbanggit tungkol kay Andres. Ipinakipag-usap nila ni Felipe kay Jesus kung paano nila mapakakain ang isang pulutong ng mga 5,000 lalaki, at ipinahiwatig ni Andres na halos wala silang mapakakain sa kaunting pagkain na naroroon. (Ju 6:8, 9) Noong huling kapistahan ng Paskuwa na kanilang ipinagdiwang, nilapitan ni Felipe si Andres upang isangguni ang kahilingan ng ilang Griego na makita si Jesus, at pagkatapos ay nilapitan ng dalawa si Jesus tungkol sa bagay na iyon. (Ju 12:20-22) Kabilang siya sa apat na nasa Bundok ng mga Olibo na humingi kay Jesus ng tanda na maghuhudyat ng katapusan ng umiiral na sistema ng mga bagay. (Mar 13:3) Huling binanggit ang pangalan ni Andres di-katagalan pagkaakyat ni Jesus sa langit.—Gaw 1:13.