Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aner

Aner

1. Isang Canaanita. Siya at ang kaniyang dalawang kapatid, si Mamre na Amorita at si Escol, ay “mga kakampi” (“kaalyado,” AT, RS; “kasapi,” MB; “kapanig,” NPV) ni Abraham. (Gen 14:13) Ang pananalitang “mga kakampi” ay isinalin mula sa Hebreong ba·ʽalehʹ verithʹ, na literal na nangangahulugang “mga may-ari (mga panginoon) ng isang tipan.” May kinalaman sa mga kundisyon ng kasunduang ito sa pagitan ng tatlong magkakapatid na ito at ni Abraham, walang gaanong sinasabi sa ulat kung ito ay pagtutulungan laban sa kanilang mapandigmang mga kalapit-bayan o para lamang sa mapayapang pagsasamahan. Nang mabihag ng isang liga ng mga hari ang pamangkin ni Abraham na si Lot, ang magkakakamping ito ay kumilos. Si Aner at ang kaniyang mga kapatid ay sumama kay Abraham at sa 318 sinanay na mga lingkod nito mula sa malalaking punungkahoy ng Mamre (kung saan nagtotolda si Abraham) hanggang sa Dan, mga 200 km (120 mi) sa HHS, at maging hanggang sa ibayo pa ng Damasco. Pagkatapos ng kanilang tagumpay, hindi kumuha si Abraham ng anumang samsam ngunit tiniyak niyang mabahaginan nito ang kaniyang tatlong kakampi dahil tinupad ng mga ito ang kundisyon ng kanilang pagiging “mga kakampi.”​—Gen 14:24; tingnan ang ALYANSA.

2. Isang bayan sa teritoryo ng Manases na ibinigay sa mga pamilya ng mga anak ni Kohat. (1Cr 6:70; Jos 21:26) Ipinapalagay ng ilang iskolar na ito rin ang Taanac sa Josue 21:25.​—Tingnan ang TAANAC.