Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

FEATURE

Ang Banal na Pangalan

Ang Banal na Pangalan

JEHOVA​—ang pangalan ng Soberanong Panginoon ng sansinukob. Siya mismo ang pumili ng pangalang ito upang maging kaniyang pagkakakilanlan. Ang Tetragrammaton (gaya ng tawag sa apat na titik Hebreo ng pangalan ng Diyos) ay lumilitaw sa tekstong Hebreo ng Bibliya nang halos 7,000 beses​—higit na mas marami kaysa sa alinmang titulo ng Diyos. Ang pangalang iyan ay hindi lamang isang katawagan. Ipinakikita nito ang kaibahan ng tunay na Diyos sa lahat ng iba pang diyos, pati sa mga diyos na gawang-tao. Ito ang pangalang dapat malaman, parangalan, at pakabanalin ng lahat ng matatalinong nilalang.

Iba’t ibang istilo ng pagsulat ng banal na pangalan sa Hebreo noong sinaunang panahon

Ipinakikilala ng pangalang Jehova ang Maylalang ng langit at lupa (Gen 2:4), ang Diyos at Ama ni Jesu-Kristo (Mat 4:10; Ju 20:17), ang Isa na nangakong magtatatag ng “mga bagong langit at isang bagong lupa” kung saan tatahan ang katuwiran.​—Isa 65:17, 25; 2Pe 3:13.

Subalit nakapagtataka, wala sa maraming salin ng Bibliya sa ngayon ang banal na pangalan. Bakit? Nagkaroon ng pamahiin ang mga Judio na hindi dapat bigkasin ang pangalang iyon. Sa pasimula ay iniwasan lang ng mga Judio ang pagbigkas sa banal na pangalan, ngunit nang maglaon ay inalis na rin ang personal na pangalan ng Diyos mula sa mga manuskritong Griego ng Banal na Kasulatan. Nang bandang huli, ang banal na pangalan ay tuluyan nang hinalinhan ng mga terminong gaya ng “Panginoon” at “Diyos” sa karamihan ng mga salin ng Bibliya. Kapansin-pansin na tanging ang pinakamahalagang pangalan sa lahat​—Jehova​—ang pinakialaman; ang ibang mga pangalan sa Bibliya ay hindi naman binago.

Gayunman, napakahalagang malaman ng buong sangkatauhan ang banal na pangalang ito. (Ro 10:13) Higit pa ang kasangkot dito kaysa sa basta pag-alam kung ano ang personal na pangalan ng Diyos. Kasama rito ang pagkakilala sa personang kinakatawanan ng pangalang ito at ang pamumuhay kaayon ng mga layuning nauugnay sa pangalang ito. Pananagutan ng lahat ng sumasamba sa tunay na Diyos na lubusang ipahayag ang kaniyang pangalan sa iba, gaya ng ginawa ni Jesus. (Ju 17:6, 26) Nangangako ang Diyos na Jehova na pagpapalain niya yaong mga nakaaalam, gumagamit, at nagpaparangal sa kaniyang dakilang pangalan.​—Aw 91:14.

Pinakialaman ang Bibliya. Gaya ng ipinakikita rito, ang manuskritong Hebreo (Aleppo Codex; ibaba, sa kaliwa) ng Deu 32:3, 6 ay kababasahan ng banal na pangalan. Ang Griegong salin sa Septuagint (P. Fouad Inv. 266, sa gitna) ng mga talata ring iyon ay kababasahan din ng banal na pangalan sa mga titik Hebreo. Ngunit pansinin na ang pangalan ay hindi lumilitaw sa mga talatang iyon sa Codex Alexandrinus (itaas, sa kanan), ng ikalimang siglo C.E. Inalis ang banal na pangalan. Hindi ito isinalin gamit ang isang katumbas sa Griego kundi hinalinhan ng pinaikling anyo ng salitang Griego na Kyʹri·os (Panginoon)

Ipinakikita ng di-Biblikal na mga sulat na ang banal na pangalan ay karaniwang ginagamit noong sinaunang panahon

Pinatototohanan ng Batong Moabita, ng ikasiyam na siglo B.C.E., na ang pangalang Jehova ay alam kahit ng paganong mga bansang malapit sa Israel. Makikita ang Tetragrammaton sa ika-18 linya

Sa bibingang ito ng kagamitang luwad, mula sa Arad sa Juda, ay may liham na isinulat, maliwanag na noong ikapitong siglo B.C.E. Sinabi sa pasimula nito: “Sa aking panginoong Eliasib: Pagkalooban ka nawa ni Jehova ng kapayapaan,” at nagtapos ito: “Nananahanan siya sa bahay ni Jehova”

Sa Lachish Letter II, ipinapalagay na isinulat noong ikapitong siglo B.C.E., dalawang beses na ginamit ang pangalang Jehova, na kinakatawanan ng Tetragrammaton

Noong 1961, ang libingang yungib na ito ay natuklasan mga 35 km (22 mi) sa timog-kanluran ng Jerusalem. Isang inskripsiyon sa dingding nito, marahil ay mula noong ikawalong siglo B.C.E., ang nagpapahayag: “Si Jehova ang Diyos ng buong lupa”

Sa mga pirasong ito ng isang sinaunang manuskritong Griego, lumilitaw ang personal na pangalan ng Diyos sa anyong Tetragrammaton na isinulat sa mga titik Hebreo kasama ng tekstong Griego

Sa mga pirasong ito ng papiro ng Griegong Septuagint (Fouad Inv. 266), mula noong unang siglo B.C.E., ay makikita ang Tetragrammaton sa ilang bahagi ng Deuteronomio. Ang apat na titik Hebreong ito na kumakatawan sa banal na pangalan ay patuloy pang ginamit sa ilang kopya ng Septuagint sa loob ng ilang siglo pagkatapos nito. Kaya bukod sa taglay ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga alagad ang tekstong Hebreo ng Kasulatan, taglay rin nila ang Griegong Septuagint; ang mga ito’y kapuwa kababasahan ng banal na pangalan. Samakatuwid, walang alinlangang ginamit ng orihinal na mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang banal na pangalan, lalo na kapag sumisipi sila ng mga talata mula sa Hebreong Kasulatan na naglalaman ng Tetragrammaton