FEATURE
Ang Gawaing Panghuhula Nina Elias at Eliseo
SI Elias ay isang propeta na nanawagan para sa isang pagsubok sa Bundok Carmel upang malaman kung sino ang tunay na Diyos. Sumamâ ang hilagang kaharian dahil sa pagsamba kay Baal. Ngunit buong-tapang na hinamon ni Elias ang 450 propeta ni Baal na patunayang si Baal ang tunay na Diyos. Walang ibinunga ang kanilang matagal at maligalig na pananalangin. Pagkatapos ay inilatag ni Elias ang kaniyang hain, paulit-ulit itong binasâ ng tubig, at nanalangin kay Jehova. Nang biglang bumulusok ang apoy mula sa langit at tupukin nito ang hain at himurin ang tubig, bumulalas ang bayan: “Si Jehova ang tunay na Diyos!” Nang magkagayon, iniutos ni Elias na patayin ang mga propeta ni Baal.—1Ha 18:18-40.
Gayunpaman, natakot si Elias nang malaman niyang nagpapakana si Reyna Jezebel na patayin siya. Tumakas siya nang mga 150 km (95 mi) patungong Beer-sheba at pagkatapos ay naglakbay pa nang 300 km (190 mi) patungong Bundok Sinai. Hindi itinakwil ni Jehova si Elias nang pansamantalang panghinaan ito ng loob kundi tiniyak sa kaniya na may isasagawa pa siyang gawaing panghuhula.—1Ha 19:1-18.
Si Eliseo ang humalili kay Elias. Nang palibutan si Eliseo ng mga karong pandigma ng Sirya, natanto niya, dahil sa kaniyang pananampalataya, na ang mga hukbong Siryano ang talagang napalilibutan—ng napakakapal na hukbo ng mga anghelikong karo!—2Ha 6:15-17.