FEATURE
Ang Imperyo ng Asirya
ANG Asirya ay isang imperyong may rekord na punô ng panlulupig ng militar, na kadalasa’y may kasamang sadistikong pagtrato sa mga bihag. Ang isa sa mga pangunahing impluwensiya sa buhay ng mga Asiryano ay ang relihiyon, at pakikipagdigma ang itinuturing na pangunahing gawain ng kanilang relihiyon. Iniuulat ng istoryador na si W. B. Wright: “Pakikipaglaban ang pinagkakaabalahan ng bansa, at walang humpay ang mga saserdote sa pagsusulsol ng digmaan. Tinustusan sila sa kalakhan mula sa mga nasamsam sa pagkubkob, na mula rito ay lagi silang binibigyan ng takdang porsiyento bago makihati ang iba, sapagkat napakarelihiyoso ng lahing ito ng mga mandarambong.”—Ancient Cities, 1886, p. 25.
Iniuulat kapuwa ng Bibliya at ng sekular na kasaysayan na nagkaroon ng paulit-ulit na ugnayan ang Israel at Asirya. Nang maglaon ay pinilit ang Israel na magbayad ng tributo sa hari ng Asirya. Pagkatapos, noong 740 B.C.E., nilupig ng Asirya ang Samaria, na kabisera ng hilagang kaharian, at pagkaraan nito ay libu-libo ang dinala sa pagkatapon. Ang pagpapahintulot ni Jehova na mangyari ito ay nagpapakitang labis na nalugmok sa apostasya ang bansang Israel. Ngunit nang tangkain ni Senakerib na idagdag ang Jerusalem sa talaan ng kaniyang mga nasakop, nilipol ng isang anghel ni Jehova ang 185,000 kawal ng Asirya sa isang gabi. (Isa 36:1–37:38) Nang bandang huli, gaya ng inihula ng mga propeta ni Jehova, ang Asirya ay naging isang tiwangwang na kaguhuan, at hinalinhan ito ng Babilonya sa tanawin ng daigdig.—Isa 23:13; Zef 2:13.