FEATURE
Ang Imperyo ng Babilonya
ANG Babilonya ay tunay na isang kahanga-hangang lunsod—ang nagtataasan nitong mga pader, ang Processional Way nito, ang bantog na Hanging Gardens, at ang mahigit na 50 templo.
Maagang-maaga sa kasaysayan ng tao, ang Babel (nang maglaon ay tinawag na Babilonya) ay naging isang prominenteng sentro ng pagsamba na salansang sa tunay na Diyos na si Jehova. (Gen 10:9, 10) Binigo ni Jehova ang layunin ng mga tagapagtayo nito sa pamamagitan ng paggulo sa wika ng mga tao at pagpapangalat sa kanila patungo sa lahat ng dako sa lupa. (Gen 11:4-9) Sa gayon, ang huwad na pagsamba na nagmula sa Babilonya ay lumaganap sa ibang mga lupain.
Ang pagsalansang ng Babilonya kay Jehova ay humantong sa pagbagsak nito. Sa hula, inilarawan ni Jehova ang Babilonya bilang isang leon na may mga pakpak ng agila; inihula rin niya na babagsak ito at matitiwangwang. Noong gabi ng Oktubre 5, 539 B.C.E., ang Babilonya ay nakuha ni Cirong Dakila, na ang pangalan ay inihula ni Jehova. Bumagsak ang Babilonya ayon sa mismong paraan na inihula. Nang bandang huli, ang lunsod ay naging “mga bunton ng mga bato,” anupat hindi na muling maitatayo.—Jer 51:37; tingnan ang Isa 44:27–45:2.