FEATURE
Ang Imperyo ng Gresya
TINUPAD ng kamangha-manghang mga pangyayari sa kasaysayan ng Gresya ang mga hula sa Bibliya. Waring malayong mangyari na ang Gresya ay magiging isang kapangyarihang pandaigdig yamang ang mga bayan nito ay nahahati-hati sa mga tribo at mga estadong-lunsod na may kani-kaniyang pamahalaan.
Ngunit itinampok ng mga hula sa Bibliya na itinala noong ikaanim na siglo B.C.E. ang isang malaking pagbabago. Nang sagisagan ang Gresya una bilang isang leopardo na may mga pakpak at pagkatapos ay bilang isang kambing na lalaki na may isang sungay na kapansin-pansin, inihula nito sa isang malinaw na paraan na yuyurakan ng Gresya ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Medo-Persia. Isiniwalat din nito na ang kapangyarihan ng isang “sungay na kapansin-pansin” ay mababali at na apat na iba pa ang tutubo na kahalili nito.—Dan 7:6; 8:5-8, 20-22; 11:3, 4.
Si Alejandrong Dakila ang “sungay na kapansin-pansin” na iyon. Pasimula noong 334 B.C.E., pinangunahan niya ang isang maliit ngunit disiplinadong hukbong Griego tungo sa sunud-sunod na tagumpay. Palibhasa’y simbilis ng kidlat, nilupig niya ang Asia Minor, Sirya, Palestina, Ehipto, at ang buong Imperyo ng Medo-Persia hanggang sa India. Ngunit sa loob lamang ng ilang taon ay namatay si Alejandro, at sa loob ng maituturing na maikling panahon ay nahati sa apat ang kaniyang imperyo, at napunta sa apat sa kaniyang mga heneral.
Ang Imperyo ng Gresya ay panandalian lamang, ngunit nagtagal ang mga epekto nito. Bago siya namatay, naipalaganap ni Alejandro ang kulturang Griego at ang wikang Griego sa lahat ng nasasakupan niya. Ang karaniwang Griego ay naging lingua franca [karaniwang wika] ng maraming nasyonalidad, at nang maglaon ay nakatulong ito sa mabilis na paglaganap ng Kristiyanismo sa buong lugar ng Mediteraneo.
Noong 323 B.C.E., sa edad na 32 taóng gulang, si Alejandro ay dinapuan ng lagnat na dulot ng malarya at namatay. Pagsapit ng 301 B.C.E., itinatag ng apat sa kaniyang mga heneral ang kanilang sarili sa kapangyarihan: si Ptolemy Lagus sa Ehipto at Palestina; si Seleucus Nicator sa Mesopotamia at Sirya; si Lysimachus sa Tracia at Asia Minor; at si Cassander sa Macedonia at Gresya (Dan 7:6; 8:8; 11:4)