Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

FEATURE

Ang Lupaing Ibinigay ng Diyos sa Israel

Ang Lupaing Ibinigay ng Diyos sa Israel

ANG lupaing ibinigay ng Diyos sa Israel ay tunay ngang isang mabuting lupain. Nang patiunang magsugo si Moises ng mga tiktik upang galugarin ang Lupang Pangako at kumuha ng mga bunga nito, nag-uwi sila ng mga igos, mga granada, at isang pagkalaki-laking kumpol ng ubas anupat dalawang lalaki ang bumuhat nito sa pamamagitan ng isang pamingga! Bagaman umurong sila sa takot dahil sa kawalan ng pananampalataya, iniulat nila: Ang lupain ay “tunay ngang inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.”​—Bil 13:23, 27.

Mismong bago pasukin ng bayang Israel ang lupain, tiniyak sa kanila ng tagapagsalita ni Jehova: “Dinadala ka ni Jehova na iyong Diyos sa isang mabuting lupain, isang lupain ng mga libis na inaagusan ng tubig, mga bukal at matubig na mga kalaliman na bumubukal sa kapatagang libis at sa bulubunduking pook, isang lupain ng trigo at sebada at mga punong ubas at mga igos at mga granada, isang lupain ng malalangis na olibo at pulot-pukyutan . . . na doon ay hindi ka kukulangin ng anuman, isang lupain na ang mga bato ay bakal at mula sa mga bundok niyaon ay magmimina ka ng tanso.” (Deu 8:7-9) Hanggang ngayon, ang lupain ay patuloy na nagbubunga nang sagana.

Dapat tayong maging interesado sa kagandahan at karilagan ng sinaunang lupang pangako na iyon. Bakit? Sapagkat sa Mesiyanikong mga hula, ang saganang pagpapala ni Jehova sa sinaunang Israel ay lumalarawan sa mga gagawin ng Diyos sa buong sangkatauhan sa ilalim ng pamamahala ni Jesu-Kristo, ang “Prinsipe ng Kapayapaan.”​—Isa 9:6; Aw 67:4-7; 72:16.

Ito’y isang lupaing inaagusan ng gatas . . .

. . . at isang lugar na sagana sa pulot-pukyutang ligáw

Ito’y isang lupaing natutubigang mainam

Nasumpungan nila na ito’y isang lupain ng trigo . . .

. . . at sa mga bukid nito ay nag-ani sila ng sebada

Ang mga ubasan nito ay saganang namunga ng mga ubas​—at sa mga iyon ay may alak na magpapasaya ng kanilang mga puso

Ang puno ng igos, na pinahalagahan dahil sa masarap na bunga nito, ay nagsilbing simbolo ng kapayapaan at kasaganaan

Ang mga granada ay naglaan ng nakarerepreskong inumin

Ang mga punong olibo ay naglaan ng langis​—sa isang puno ay makakakuha ng sapat para sa buong pamilya