FEATURE
Ang Ministeryo ni Jesus sa Lupa
ANG ministeryo ni Jesu-Kristo ay nagkaroon ng malaking impluwensiya sa buhay ng mga tao sa lahat ng panig ng daigdig. Hindi pinahintulutan ni Jesus na mailihis siya mula sa kaniyang tunguhin. Gaya nga ng sinabi niya: “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.”—Luc 4:43.
Gaya ng ipinakikita ng kalakip na mga mapa, malaking teritoryo ang nakubrehan niya—pangunahin na sa pamamagitan ng paglalakad. May kaugnayan sa mga kapistahang Judio, regular siyang naglakbay patungong Jerusalem noong panahon ng kaniyang ministeryo. Ipinakikita ng kalakip na mga mapa ang mga paglalakbay na espesipikong binanggit sa mga Ebanghelyo. Mula sa Jerusalem ay humayo siya upang mangaral sa teritoryo ng Judea. Ngunit ginugol niya ang kalakhang bahagi ng kaniyang panahon sa Galilea at puspusang nagpatotoo sa buong probinsiyang iyon. Naabot din niya sa kaniyang pagmiministeryo ang mga tao sa mga rehiyon ng Tiro at Sidon, Decapolis, at Perea. Lubusan siyang nagpatotoo tungkol sa katotohanan, anupat nag-iwan ng mainam na halimbawa para sa kaniyang mga tagasunod.—Ju 18:37; Gaw 1:8; Mat 28:19, 20.