Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

FEATURE

Ang Pagpapagala-gala ng Israel sa Ilang

Ang Pagpapagala-gala ng Israel sa Ilang

PAGKATAPOS iligtas mula sa Ehipto, ang Israel ay nagpagala-gala sa Sinai sa loob ng 40 taon, anupat sa kalakhang bahagi ng kanilang paglalakbay ay hindi sila dumaan sa mga ruta ng kalakalan na kadalasang dinaraanan noon. Ito’y isang “malaki at kakila-kilabot na ilang, na may makamandag na mga serpiyente at mga alakdan at may uháw na lupa na walang tubig.” (Deu 8:15) Bakit ipinaranas sa kanila ang ganito kahirap na kalagayan?

Pagkaalis sa Ehipto, tinipon ni Jehova ang mga Israelita sa Bundok Sinai (na ang malamang na lokasyon ay ipinakikita sa ibaba). Dito’y ibinigay niya sa kanila ang kaniyang mga kautusan sa pamamagitan ni Moises, at inorganisa niya sila upang maging isang bansa. Pagkatapos nito, maaari na sanang pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako sa loob ng maikling panahon, ngunit hindi nila ito nagawa. Bakit? Sapagkat sa kabila ng lahat ng ginawa ni Jehova para sa kanila, sila’y hindi nanampalataya. Naghimagsik sila laban kay Moises, na siyang inatasan ng Diyos na manguna sa kanila. Matapos nilang piliing maniwala sa masamang ulat tungkol sa Canaan, inasam-asam ng mga Israelita na ibalik sila sa Ehipto! (Bil 14:1-4) Dahil dito’y mabilis na naggawad ng hatol si Jehova: Apatnapung taon muna ang palilipasin bago makapasok sa Lupang Pangako ang bansa. Pagsapit ng panahong iyon, patay na ang walang-pananampalatayang mga indibiduwal ng salinlahing iyon.

Ang karanasan ng Israel sa ilang ay mariing babala sa mga Kristiyano ngayon na iwasan ang silo ng kawalan ng pananampalataya.​—Heb 3:7-12.

MAPA: Ang Pagpapagala-gala ng Israel sa Ilang

Ito’y isang “malaki at kakila-kilabot na ilang” kung saan nagpagala-gala ang Israel sa loob ng 40 taon

Iilan lamang at magkakalayo ang mga oasis sa lupaing ito na inilarawan bilang “walang tubig”

Ang bukana ng Gulpo ng ʽAqaba. Dito nagkampo ang mga Israelita sa pagtatapos ng 40 taon nila sa ilang