FEATURE
Ang Panahon ni David
SI David na anak ni Jesse ay isang namumukod-tanging manunugtog, makata, mandirigma, at estadista. Ngunit ang pagiging prominente ni David sa Kasulatan ay pangunahin nang dahil sa kaniyang kaugnayan sa Diyos. Tinawag siya ni Jehova na “isang lalaking kalugud-lugod sa aking puso.”—Gaw 13:22; 1Sa 13:14.
Pinili ng Diyos si David na maging hari ng Israel sa hinaharap noong ito ay isa pa lamang kabataang pastol. Di-nagtagal, taglay ang lubos na pananalig kay Jehova, buong-tapang na hinarap at pinatay ni David ang higanteng Filisteo na si Goliat, gaya ng ipinakikita sa kanan. Ngunit nanibugho si Haring Saul sa lumalaking popularidad ni David, at napilitan si David na mamuhay bilang takas. Sa loob ng yugtong iyon na punô ng pagsubok, kumatha si David ng maraming madamdaming awit, na maging sa ngayon ay nagdudulot ng kaaliwan sa mga mambabasa ng Bibliya.
Nang maitatag na siya bilang hari, si David ay nakibahagi sa makasaysayang mga pangyayari sa kasaysayan ng bansa: Ang mga hangganan ng Israel ay isinagad sa ipinangakong kalalagyan ng mga ito. Dinala sa Jerusalem ang kaban ng tipan. Iginuhit ang mga plano para sa isang maluwalhating templo ni Jehova. Natatangi rin ang tipang pangako ng Diyos kay David na magbangon ng isang permanenteng tagapamahala mula sa maharlikang linya nito. (2Sa 7:12-16) Ang tipang ito ay umaakay patungo sa pambuong-daigdig na pamamahala ni Jesu-Kristo.—Ro 1:3; Luc 1:32.