FEATURE
Ang Sinaunang Ehipto
DAHIL sa madalas na pakikipag-ugnayan ng Israel sa Ehipto, ang Bibliya ay naglalaman ng maraming detalye tungkol sa lupaing iyon. Sa pamamagitan ng mga pangyayari sa Ehipto, napadakila ang pangalan ni Jehova sa kamangha-manghang paraan.
Maraming diyos ang sinasamba noon sa lupain ng Ehipto. Ang ilang hayop ay itinuring na mga diyos samantalang ang iba ay itinuring na sagrado sa partikular na mga diyos ng Ehipto. Hindi nga kataka-takang sinabi ni Moises na kung maghahandog ang Israel ng mga haing hayop kay Jehova sa Ehipto, kikilos ang bayan nang may karahasan laban sa kanila. (Exo 8:26) Mauunawaan din natin kung bakit nang manumbalik sa Ehipto ang puso ng Israel noong sila’y nasa ilang, gumamit sila ng isang binubong estatuwa ng guya para sa diumano’y “isang kapistahan para kay Jehova.”—Exo 32:1-5.
Ang isa pang prominenteng bahagi ng pagsamba ng mga Ehipsiyo ay ang paniniwala sa kabilang-buhay. Ang paniniwalang ito ay makikita sa kaugalian nila na embalsamuhin ang mga patay at magtayo ng pagkalaki-laking mga libingan upang parangalan ang mga ito.
Bagaman si Moises ay ‘tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo,’ ang mga utos na itinala niya may kinalaman sa pagsamba kay Jehova ay walang anumang bahid ng paniniwalang Ehipsiyo. (Gaw 7:22) Ang isinulat niya ay hindi nagmula sa tao kundi kinasihan ng Diyos.