FEATURE
Ang mga Halaman sa Bibliya
OLIBO, almendras, alcaparra, palmang datiles—ilan lamang ito sa halos isang daang halaman at punungkahoy na binanggit sa Kasulatan. Ang pagkakaroon natin ng kaalaman tungkol sa mga halaman sa Bibliya ay kapaki-pakinabang yamang nagbibigay-liwanag ito sa kahulugan ng ilang pananalita sa Bibliya.
Kunin nating halimbawa ang punong olibo—isa sa pinakamahahalagang halaman noong panahon ng Bibliya (tingnan ang larawan sa kanan). Ang magandang punungkahoy na ito, karaniwan ay pilipit, mabuko, at bukul-bukol, ay napakatibay, kadalasan ay nabubuhay nang maraming siglo. Maaga itong binanggit sa Kasulatan. Pagkatapos ng Baha, isang kalapati ang bumalik kay Noe sa arka “at, narito! may isang bagong-kitil na dahon ng olibo sa tuka nito.” Ipinahiwatig nito kay Noe na ang tubig-baha ay kumati na.—Gen 8:11.
Tinukoy ng salmista ng Bibliya ang ilang katangian ng punong olibo nang ipangako niya sa mga may-takot kay Jehova: “Ang iyong mga anak ay magiging tulad ng mga sibol ng mga punong olibo sa buong palibot ng iyong mesa.” (Aw 128:1-3) Ang mga pasanga, o mga sibol, na pinutol mula sa isang magulang na punong olibo ay kadalasang ginagamit sa pagpapatubo ng mga bagong puno. Karagdagan pa, ang matatanda nang mga punong olibo ay maaaring magsibol ng mga supang mula sa kanilang mga ugat, anupat waring patuloy silang nabubuhay. Tulad ng gayong mga supang, pinalilibutan ng mga anak ang isang ama, anupat bawat isa ay umaabuloy sa kaligayahan ng pamilya.
Ang punong olibo na isang evergreen ay lalo nang pinahalagahan dahil sa langis nito. Ang langis ng olibo ay isang pangunahing pagkain noon ng mga Israelita at malawakang ginamit bilang kosmetik at bilang panggatong, at ito ay naging isang mahalagang kalakal. Ipinapahid ito sa mga pasa at mga sugat upang mapalambot at mapaginhawa ang mga iyon. (Luc 10:33, 34) Kapag ipinahid sa ulo, ang langis ng olibo ay nakagiginhawa at nakarerepresko rin. Kaya naman pinayuhan ang matatandang lalaki sa kongregasyong Kristiyano na ipanalangin ang taong may-sakit sa espirituwal, sa makasagisag na paraan ay “pinapahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova”—anupat ginagamit ang Salita ng Diyos upang paginhawahin, ituwid, at aliwin siya.—San 5:13-15.