Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Antioquia

Antioquia

1. Ang lunsod ng Antioquia sa Sirya ay itinatag ni Seleucus I (Nicator) di-nagtagal pagkatapos ng tagumpay niya kasama ng mga heneral na sina Cassander at Lysimachus sa pangkatapusang pagbabaka sa Ipsus sa Frigia, Asia Minor, noong 301 B.C.E. Pinili niya ang lugar na ito dahil sa mga bentaha nito sa militar at isinunod niya ang pangalan nito sa pangalan ng kaniyang ama na si Antiochus. Ang Antioquia, na nasa lokasyon ng tinatawag sa ngayon na Antakya sa Turkey, ay itinatag sa T na panig ng napaglalayagang Ilog Orontes sa isang kurba na mga 32 km (20 mi) mula sa Dagat Mediteraneo. Dahil sa heograpikong posisyon nito, madali nitong makokontrol ang kalakalan sa buong HK Sirya na dumaraan sa mga ruta sa pagitan ng Ilog Eufrates at ng Dagat Mediteraneo. Di-nagtagal, ito ay naging isang sentro ng komersiyo, at ang paggawa rito ng mamahaling paninda ay nagdulot ng kasaganaan at kayamanan sa kosmopolitang lunsod na ito. Upang magkaroon ng daungang-dagat ang Antioquia, itinatag din ni Seleucus ang baybaying lunsod ng Seleucia, na ang pangalan ay isinunod niya sa kaniyang pangalan. Bago siya mapaslang noong 281 B.C.E., inilipat niya ang sentro ng kaniyang pamahalaan mula sa Babilonya tungo sa bagong kabisera niya sa Sirya, sa Antioquia, kung saan patuloy na humawak ng kapangyarihan ang Seleucidong dinastiya ng mga hari hanggang noong 64 B.C.E., nang gawin ng Romanong si Heneral Pompey ang Sirya na isang probinsiya ng Roma. Ang Antioquia ay hindi lamang ginawang kabisera ng Romanong probinsiya ng Sirya kundi ito rin ang naging ikatlong pinakamalaking lunsod sa imperyo, kasunod ng Roma at Alejandria.

Ang pisikal na istraktura ng lunsod ay ipinaris sa plano ng Alejandria, anupat mayroon itong malalapad at nagsasalubungang mga lansangan na may mga kolonada, na nagdagdag ng natatanging kagandahan sa karingalan ng nakapalibot na mga gusali. Ito ay tinawag na “Reyna ng Silangan,” “Magandang Antioquia,” “Ikatlong Metropolis ng Imperyo ng Roma,” at ito lamang ang lunsod na nagkaroon ng regular na sistema ng mga ilaw sa lansangan. Sa kabila ng panlabas na kagandahan nito at ng kasipagan ng mga taga-Antioquia, nakilala ito sa kabulukan sa moral dahil sa kanilang pagpapakarungis sa malalaswang ritwal na isinasagawa sa ngalan ng relihiyon. Sinabi ni Juvenal na ‘ang Ilog Orontes ay umagos patungo sa Ilog Tiber anupat binaha nito ang Roma ng pamahiin at imoralidad ng Silangan.’​—Juvenal and Persius, Satire III, 62-65.

Ang Kaugnayan Nito sa Bibliya at ang Kasaysayan Nito Nang Dakong Huli. Iniulat ni Josephus na hinimok ng mga Seleucido ang mga Judio na manirahan sa Antioquia at binigyan nila ang mga ito ng lahat ng karapatan ng mamamayan, sa gayon ay nakapagtatag sila roon ng malaki-laking populasyong Judio. Unang binanggit sa Bibliya ang Antioquia may kaugnayan kay Nicolas na mula sa Antioquia, na naging Kristiyano matapos siyang maging proselita sa relihiyong Judio. (Gaw 6:5) Aktuwal na nagsimula roon ang gawaing Kristiyano nang mangalat ang ilan sa mga alagad hanggang sa Antioquia dahil sa kapighatiang bumangon pagkamatay ni Esteban. (Gaw 11:19, 20) Nang mabalitaan ng kongregasyon sa Jerusalem na maraming taong nagsasalita ng Griego ang naging mananampalataya, isinugo nila si Bernabe hanggang sa Antioquia, at nang maobserbahan niya na maraming interesado roon, dinala niya roon si Pablo mula sa Tarso upang tumulong. (Gaw 11:21-26) Kapuwa sila namalagi roon nang isang taon at nagturo sa mga tao, at pagkatapos nito ay ginamit ni Pablo ang Antioquia bilang pinakatahanan niya para sa kaniyang mga paglalakbay bilang misyonero. Sa Antioquia unang tinawag na “mga Kristiyano” ang mga alagad sa pamamagitan ng patnubay mula sa Diyos. (Gaw 11:26) Noong mga 46 C.E., ipinakita ng kongregasyon doon ang kanilang pagkabukas-palad nang magpadala sila ng tulong bilang paglilingkod (Gaw 11:29) sa pamamagitan ng mga kamay nina Pablo at Bernabe para sa lupong tagapamahala sa Jerusalem. Katugma ito ng malaking taggutom na naganap noong panahon ni Claudio, gaya ng inihula ni Agabo. (Gaw 11:27, 28) Pagkabalik nila sa Antioquia, itinagubilin ng banal na espiritu na ibukod sina Pablo at Bernabe para sa pantanging gawain, sa gayon ay isinugo sila sa unang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, noong mga 47-48 C.E. Bago siya magsimula sa kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero at samantalang siya ay nasa Antioquia, bumangon ang usapin tungkol sa pagtutuli para sa mga Gentil noong 49 C.E., at ang utos ng lupong tagapamahala sa Jerusalem ay inihatid nina Pablo at Bernabe sa kongregasyon sa Antioquia. (Gaw 15:13-35) Sa Antioquia rin nagsimula at nagtapos ang ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero noong mga 49-52 C.E., at doon din itinuwid ni Pablo ang pakikipagkompromiso ni Pedro nang magpakita ito ng pagtatangi may kaugnayan sa mga Judio at mga Gentil.​—Gal 2:11, 12.

2. Ang Antioquia sa Pisidia ay itinatag din ni Seleucus I (Nicator) at pinanganlan niya nang gayon bilang parangal sa kaniyang ama, si Antiochus. Ang mga guho ng lunsod na ito ay malapit sa Yalvac sa makabagong Turkey. (LARAWAN, Tomo 2, p. 748) Ito ay nasa hanggahan ng Frigia at Pisidia kung kaya maituturing na bahagi ng alinman sa dalawang probinsiyang iyon sa iba’t ibang panahon. Dahil dito, tinutukoy ito ng Griegong heograpo na si Strabo bilang isang lunsod ng Frigia sa gawing Pisidia (Geography, 12, VIII, 13, 14), ngunit, gaya ng sinabi ng Funk and Wagnalls New Standard Bible Dictionary (1936, p. 51), “itinuturing ito ng karamihan sa mga manunulat bilang bahagi ng Pisidia,” gaya rin ni Lucas. Ipinakita ng gayong pagtukoy na naiiba ito sa Antioquia sa Sirya. (Tingnan ang PISIDIA.) Dahil sa lokasyon nito, ang Antioquia sa Pisidia ay naging bahagi ng ruta ng kalakalan sa pagitan ng Cilicia at Efeso at nagkaroon ng haluang populasyon na kinabibilangan ng maraming Judio, na nagtatag doon ng isang sinagoga. Isa itong lunsod na lubusang Helenisado kung saan Griego ang ginagamit na wika. Dalawang beses na dumalaw rito si Pablo kasama si Bernabe sa kaniyang unang paglalakbay bilang ebanghelisador noong mga 47-48 C.E. at nangaral siya sa sinagoga, kung saan siya nakasumpong ng maraming interesado. (Gaw 13:14; 14:19-23) Gayunman, nanibugho ang ilang Judio dahil sa mga pulutong na dumalo kung kaya sinulsulan nila ang ilan sa nangungunang mga lalaki at mga babae roon at itinapon nila sina Pablo at Bernabe sa labas ng lunsod.​—Gaw 13:45, 50; 2Ti 3:11.