Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Apek

Apek

[Sahig ng Batis].

1. Isang bayan na maliwanag na nasa H ng Sidon at na binanggit ni Jehova kay Josue na kasama sa mga lugar na sasakupin pa lamang. (Jos 13:4) Sa ngayon ay ipinapalagay na ito ang Afaka (makabagong Afqa) na mga 39 na km (24 na mi) sa SHS ng Beirut. Ito ay nasa dakong pinagmumulan ng Nahr Ibrahim, kilala noong sinaunang panahon bilang ang ilog ng Adonis, na umaagos pababa sa Byblos sa Baybayin ng Mediteraneo.

2. Isang bayan na nasa loob ng teritoryo ng Aser ngunit hindi nakuha ng tribong iyon. (Jos 19:24, 30) Tinatawag itong Apik sa Hukom 1:31. Ipinapalagay na ito ang Tell Kurdaneh (Tel Afeq), mga 8 km (5 mi) sa TTS ng Aco.

3. Isang lunsod na maliwanag na nasa Kapatagan ng Saron, batay sa mga lunsod na binanggit kasama nito. Ang hari nito ay kabilang sa mga pinatay ni Josue. (Jos 12:18) Pagkaraan ng ilang siglo, ngunit bago maghari si Saul, nagkampo roon ang mga Filisteo bago sila nagtagumpay laban sa Israel, na humanay naman sa kalapit na Ebenezer. (1Sa 4:1) Ipinapalagay na ang lokasyon nito ay nasa Ras el-ʽAin (Tel Afeq; iba pa sa Blg. 2) sa pinagmumulan ng Ilog Yarkon. Binabanggit ang Apek sa mga tekstong Ehipsiyo at Asiryano. Pinaniniwalaang ang bayan ng Antipatris, na binanggit sa Gawa 23:31, ay itinayo sa lugar ng sinaunang Apek. May binanggit si Josephus na “isang tore na tinatawag na Apheku” may kaugnayan sa Antipatris. (The Jewish War, II, 513 [xix, 1]) Ang Shilo, na mula roon ay kinuha ng mga Israelita ang kaban ng tipan, ay mga 35 km (22 mi) sa dakong S ng Apek.

4. Isang bayan na lumilitaw na nasa Kapatagan ng Jezreel sa pagitan ng mga bayan ng Sunem at Jezreel. Sa pagbabaka sa pagitan ng mga Filisteo at mga Israelita na naging dahilan ng pagkamatay ni Haring Saul, ang orihinal na posisyon ng mga Filisteo ay sa Sunem, samantalang ang mga Israelita ay nakapuwesto sa Bundok Gilboa. (1Sa 28:4) Pagkatapos nito, ipinakikita ng ulat na ang mga Filisteo ay umabante hanggang sa Apek samantalang ang Israel naman ay lumusong patungo sa bukal na nasa Jezreel. Sa Apek, sinuri ng mga panginoon ng alyansa ng mga Filisteo ang kanilang tinipong mga hukbo at natuklasan nilang si David at ang mga tauhan nito ay kasama ni Akis sa hulihan. Pinaalis ang hukbo ni David sa kinaumagahan, pagkatapos ay umabante na ang mga Filisteo patungo sa dako ng pagbabaka sa Jezreel. (1Sa 29:1-11) Mula roon, pinaatras nila ang natalong mga Israelita pabalik sa Bundok Gilboa, kung saan natapos ang patayan at namatay si Saul at ang kaniyang tatlong anak.​—1Sa 31:1-8.

Inaakala ng ilang iskolar na ang mga pangyayaring humantong sa pagbabakang ito ay hindi nakasulat nang ayon sa kronolohikal na pagkakasunud-sunod at, dahil dito, ipinapalagay nila na ang Apek na ito ay ang Apek na nasa Kapatagan ng Saron. (Tingnan ang APEK Blg. 3.) Sang-ayon si Yohanan Aharoni sa pangmalas na ito, anupat sinabi niya: “Waring pinutol ang salaysay ng digmaang ito nang isingit ang kuwento tungkol kay David. Ngunit masusundan pa rin ang kabuuan nito. Tinipon ng mga tagapamahalang Filisteo ang kanilang mga hukbo sa Apek sa dakong pinagmumulan ng Yarkon (1 Sam. 29.1) bilang paghahanda sa paghayo patungong Jezreel (tal. 11). Ang mga hukbo ni Saul ay ‘nagkakampo sa tabi ng bukal na nasa Jezreel’ (tal. 1); noong gabi bago ang pagbabaka, humanay ang mga ito sa Bundok Gilboa. Nagkampo ang mga Filisteo sa tapat ng mga ito sa Sunem (1 Sam. 28.4). Nagwakas ang labanan nang magtagumpay ang mga Filisteo, samantalang si Saul at ang kaniyang tatlong anak naman ay nabuwal noong umuurong sila patungo sa Gilboa.”​—The Land of the Bible, isinalin at inedit ni A. Rainey, 1979, p. 290, 291.

5. Isang lunsod na binanggit sa 1 Hari 20:26 bilang ang lugar kung saan natalo ang Siryanong si Ben-hadad II. Umurong patungo sa lunsod ang natatalong mga Siryano, ngunit 27,000 sa kanila ang nabagsakan ng pader nito. (1Ha 20:29, 30) Waring ito rin ang lugar na tinukoy kay Haring Jehoas sa hula ng mamamatay nang si Eliseo bilang ang dako kung saan daranas ang mga Siryano ng mga pagkatalo sa kamay ng mga Israelita. (2Ha 13:17-19, 25) Ipinapalagay ng ilang iskolar na ang Apek na binanggit sa mga tekstong ito ay mga 5 km (3 mi) sa S ng Dagat ng Galilea, kung saan matatagpuan ang makabagong nayon ng Afiq o Fiq. Gayunman, hanggang sa kasalukuyan ay wala pang natatagpuang labí na mas maaga sa ikaapat na siglo B.C.E. sa lugar na iyon. Ngunit sa kalapit na ʽEn Gev sa baybayin ng Dagat ng Galilea ay may natuklasang mga labí ng isang malaki at nakukutaang lunsod na umiral noong ikasampu hanggang ikawalong siglo B.C.E.