Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Apolyon

Apolyon

[Tagapuksa].

Ang pangalang Griego na ginamit ng apostol na si Juan sa Apocalipsis 9:11 bilang salin ng Hebreong “Abadon.” Ang Apolyon ay nangangahulugang “Tagapuksa” at binabanggit na siyang pangalan ng “anghel ng kalaliman.” Bagaman ginagamit ng karamihan sa mga reperensiyang akda ang pangalang ito upang tumukoy sa isang balakyot na persona o puwersa, hindi ito kasuwato ng kabuuang tagpo ng apokaliptikong pangitain, yamang palagi nitong inilalarawan ang mga anghel bilang kinatawan ng Diyos sa pagpapasapit ng mga kaabahan sa Kaniyang mga kaaway.

Ipinakikita ito ng paggamit sa kaugnay na pandiwang a·polʹly·mi, gaya sa Santiago 4:12, na nagsasabi tungkol sa Diyos: “May Isa na tagapagbigay-kautusan at hukom, siya na may kakayahang magligtas at pumuksa.” (Ihambing ang Mat 10:28.) Kinilala ng maruming espiritu na pinalayas ni Jesus mula sa isang lalaki sa sinagoga sa Capernaum na si Jesus ay kinatawan ng Diyos, anupat sinabi nito: “Ano ang kinalaman namin sa iyo, Jesus ikaw na Nazareno? Pumarito ka ba upang puksain kami?” (Mar 1:24; Luc 4:34) Binabalaan ni Jesus ang mga di-nagsisising mananalansang sa gitna ng kaniyang mga tagapakinig na baka sila mapuksa. (Luc 13:3-5; 20:16) Nililinaw ng mga tekstong ito at ng iba pang mga talata na ang niluwalhating si Kristo Jesus ang siyang tinutukoy ng titulong ito.​—Ihambing ang Apo 19:11-16; Luc 8:31; tingnan ang ABADON.