Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Araba

Araba

[Disyertong Kapatagan].

Ang bahagi ng napakalalim na dako sa lupa, o rift valley, na bumabagtas patungo sa T mula sa mga dalisdis ng Bundok Hermon, bumababa sa Dagat ng Galilea at Ilog Jordan, lumulusong nang mas mababa pa sa kapantayan ng dagat upang maging lunas ng Dagat na Patay, at pagkatapos ay nagpapatuloy patimog sa Gulpo ng ʽAqaba na nasa Dagat na Pula.​—Deu 3:17; Jos 3:16; 11:16; Jer 52:7.

Ang mahaba at makitid na libis na ito na mula H patungong T, na karaniwang tuyo at kinaroroonan ng iilang lunsod, ay nahaharangan ng mahabang hanay ng mga bundok sa magkabilang panig. Ang lapad nito ay naglalaro sa pagitan ng mga 1 km at 16 na km (0.5 hanggang 10 mi) at ang haba nito ay 435 km (270 mi), anupat ang libis ay likha ng isang fault line, o mahabang bitak sa pinakabalat ng lupa. Ang Jordan ay nagpapaliku-liko sa hilagang bahagi ng tuwid na libis na ito, anupat patuloy nitong nadidiligan ang isang luntiang pahabang lupain sa pinakasentro ng sahig ng libis. Gayunman, sa T ng Dagat na Patay, ang Araba ay dinadaluyan lamang ng pana-panahong pag-agos ng tubig na hindi sapat upang tubuan ng pananim ang tuyong lupa.

Bagaman ipinapalagay ng ilang komentarista na ang salitang “Araba” ay kumakapit lamang sa bahagi ng malaking rift valley na nasa T ng Dagat na Patay, maaari rin itong sumaklaw sa rehiyon na abot hanggang sa H sa Dagat ng Galilea, o Kineret. (Jos 12:3; 2Sa 2:29) Ang bahagi ng libis na ito sa H ng Dagat na Patay ay tinatawag sa ngayon na Ghor, nangangahulugang “Malalim na Dako,” samantalang ang salitang “Araba” naman ay partikular na ikinakapit sa mas tuyong rehiyon sa dakong T.

Ang Dagat na Patay ay tinatawag na “dagat ng Araba.” (Deu 3:17; 4:49; 2Ha 14:25) Kapag walang pamanggit na pantukoy, ang salitang ʽara·vahʹ ay ginagamit din sa pangkalahatang diwa at wastong maisasalin bilang “disyertong kapatagan.” Ang anyong pangmaramihan (ʽara·vohthʹ) ay malimit na ikinakapit sa mga disyertong kapatagan ng Jerico at Moab, ang bahagi ng Libis ng Jordan na di-kalayuan sa H ng Dagat na Patay.​—Bil 22:1; 26:3, 63; 31:12; Jos 4:13; 5:10; Jer 39:5.