Arabe
Ang katawagang Arabe sa Kasulatan ay pangunahin nang ginagamit sa malawak na diwa upang tumukoy sa isang tao na tumatahan sa Arabia, ang pagkalaki-laking lupain sa dakong S at T ng Palestina. Kung minsan, ang ipinahihiwatig ng konteksto at ng pagkakagamit nito ay isang espesipikong tribo o grupong etniko.—1Ha 10:15; 2Cr 9:14; 21:16.
Maraming tribong Arabe ang Semitiko, anupat nagmula kay Sem sa pamamagitan ni Joktan; ang iba naman ay Hamitiko at nagmula sa anak ni Ham na si Cus. (Gen 10:6, 7, 26-30) Ang ilan sa mga inapo ni Abraham kina Hagar at Ketura ay nanirahan din sa Arabia, gaya ng mga anak ni Ismael na ‘nagtabernakulo mula sa Havila malapit sa Sur, na nasa tapat ng Ehipto, hanggang sa Asirya.’ (Gen 25:1-4, 12-18) Ang mga supling ni Esau, na nanirahan sa bulubunduking pook ng Seir, ay saklaw rin ng pangkalahatang klasipikasyon na Arabe.—Gen 36:1-43.
Ang karamihan sa mga Arabe noon ay mga pastol na pagala-gala na naninirahan sa mga tolda. (Isa 13:20; Jer 3:2) Ang iba ay mga negosyante, at binabanggit sa ulat na ang ilan ay mga mangangalakal para sa Tiro. (Eze 27:21) Ang mga lingkod ng Diyos ay nagkaroon ng maraming pakikipag-ugnayan sa kanila. Ang mga mangangalakal na Midianitang patungo sa Ehipto kung kanino ipinagbili si Jose ay mga Arabe, gaya rin ng mga Sabeano mula sa T Arabia na lumusob at kumuha sa mga baka at mga asnong babae ni Job. (Gen 37:28; Job 1:1, 15) Noong panahon ng 40-taóng paglalakbay ng Israel sa ilang, napahamak sila dahil sa pakikipag-ugnayan sa mga Midianitang mananamba ni Baal (Bil 25:6, 14-18), at noon namang kapanahunan ng mga Hukom, pulu-pulutong na mga Arabeng nakasakay sa kamelyo ang laging lumulusob sa Israel sa loob ng pitong taon, hanggang noong dumanas sila ng matinding pagkatalo sa kamay ni Hukom Gideon.—Huk 6:1-6; 7:12-25.
Ang mga tagapamahala ng mga kahariang Arabe ay nagbayad ng tributo kay Haring Solomon. (1Ha 10:15; 2Cr 9:14) Ang mga Arabe ay nagbayad kay Jehosapat ng tributo na 7,700 barakong tupa at ng gayunding dami ng mga kambing na lalaki, ngunit nang maglaon ay nakipag-alyansa sila sa mga Filisteo laban sa anak at kahalili ni Jehosapat na si Jehoram, anupat napatay ng kanilang mga pangkat ng mandarambong ang marami sa kaniyang mga anak. (2Cr 17:11; 21:16; 22:1) Nalupig sila ni Uzias sa digmaan noong panahon ng kaniyang paghahari. (2Cr 26:1, 7) Kabilang ang ilang mananalansang na Arabe sa mga nagbigay ng problema kay Nehemias noong panahon ng muling pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem.—Ne 2:19; 4:7, 8; 6:1.
Bagaman ang mga Arabe ay pagala-gala, karaniwan nang nagsasarili, at kadalasan ay malayo sa sentro ng mga pangyayari noong mga panahong iyon, sila ay pinagtuunan ng pansin sa hula at hinatulan ng Diyos. (Isa 21:13; Jer 25:17-24) Pagkaraan ng ilang siglo, maaaring kabilang ang ilang Arabe sa naging mga miyembro ng sinaunang kongregasyong Kristiyano noong Pentecostes.—Gaw 2:11, 41; tingnan ang ARABIA.