Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Arabia

Arabia

Ang Peninsula ng Arabia ay bahagi ng kontinente ng Asia at nasa pinakasulok nito sa TK. Kahangga ng peninsula ang Gulpo ng Persia at ang Gulpo ng Oman sa S, ang Dagat ng Arabia at ang Gulpo ng Aden sa T, at ang Dagat na Pula sa K, samantalang ang Fertile Crescent ng Mesopotamia, Sirya, at Israel ay nakakurba sa hilagaang dulo nito. Palibhasa’y napalilibutan ng tubig sa tatlong panig, ito ay parang isang malaking pulo at karaniwan nang tinatawag ng mga mamamayan nito na “Pulo ng mga Arabe” (Jazirat al-ʽarab).

Yamang mayroon itong sukat na mga 2,600,000 km kuwadrado (1,000,000 mi kuwadrado), katumbas ng mga isang katlo ng lupain ng pinakakontinente ng Estados Unidos, ang Arabia ang pinakamalaking peninsula sa buong daigdig. Ang kanluraning baybayin nito ay may haba na mga 2,900 km (1,800 mi), at ang pinakamalapad na bahagi ng peninsula ay may lapad na mga 1,900 km (1,200 mi).

Ang peninsula ay binubuo ng isang mabatong talampas na papalusong sa silangan patungo sa Gulpo ng Persia mula sa pinakagulugod nito na binubuo ng kabundukang kahilera ng K baybayin. Isang taluktok sa TK sulok nito ang umaabot sa taas na mahigit 3,600 m (12,000 piye). Sa bandang loob ng timugang dulo ng peninsula ay matatagpuan ang malaking disyerto na tinatawag na Rubʽ al-Khali, ang pinakamalawak na buhanginan sa buong daigdig, na tinatawag ding Empty Quarter. Nasa dakong H naman ng Nejd o gitnang talampas ang mas maliit na rehiyon ng Disyerto ng An Nafud, na nagtatapos sa Disyerto ng Sirya.

Iilan lamang ang maliliit na ilog na matatagpuan sa mga gilid ng peninsula at sa mataas na gitnang talampas (o Nejd), at inaagusan lamang ng tubig ang mga ito sa pana-panahon. Inilalarawan ni Job, na maliwanag na nanirahan sa tinatawag ngayon na rehiyon ng Disyerto ng Sirya, ang pagkatuyo ng gayong “mga agusang-taglamig.”​—Job 6:15-20.

Bagaman tigang ang malaking bahagi ng napakalawak na talampas na ito, nagkakaroon dito ng sapat na pag-ulan sa kanluraning kabundukan, sa gitnang talampas, at sa T upang matustusan ang isang malaki-laking populasyon. Dito at sa palibot ng malalaking oasis, ang fellahin, o mga magbubukid, ay maaaring magtanim ng mijo, trigo, sebada, at mais, at tumutubo rito ang mga palmang datiles (Exo 15:27) at mga puno ng igos. Ang mga punong akasya, na pinagkukunan ng madagtang gum na tinatawag na gum arabic, at ang iba pang aromatikong mga punungkahoy at halaman ang bumuo sa malaking bahagi ng ekonomiya ng Arabia noong sinaunang panahon. (Gen 2:12) Sa ngayon ay wala nang gaanong nangangalakal ng mga ito palibhasa’y natalo na ang mga ito ng itim na ginto, ang petrolyo.

Dahil sa kakapusan ng tubig, iilan din ang uri ng mga hayop at ibon na matatagpuan doon, bagaman sa ngayon ay nabubuhay roon ang mga tupa, mga kambing, mga kamelyo, maiilap na asno, mga chakal, mga halkon, at mga agila, gaya rin noong panahon ng Bibliya. (Eze 27:21; 2Cr 17:11; Huk 6:5; Job 39:5-8, 26, 27; Isa 60:7; 34:13) Ang ilang uri ng hayop sa ilang, gaya ng leon, torong gubat, at avestruz, ay naglaho na ngayon sa teritoryong ito. (Job 38:39, 40; 39:9-18) Ang mga Arabian horse ay bantog sa kanilang kagandahan at lakas hanggang sa mga araw na ito.​—Ihambing ang Job 39:19-25.

Mga Tribong Arabe. Sa Arabia namayan ang marami sa mga pamilyang nabuhay pagkaraan ng Baha na nakatala sa Genesis kabanata 10. Sa Semitikong sanga, naging anak ni Joktan ang mga ulo ng mga 13 iba’t ibang tribong Arabe; samantalang ang tatlo sa mga inapo ni Aram, sina Uz, Geter, at Mas, ay lumilitaw na namayan sa lugar ng H Arabia at ng Disyerto ng Sirya. (Gen 10:23, 26-29) Ang nagtotoldang mga Ismaelita ay nagpagala-gala sa Peninsula ng Sinai, tumawid sa H Arabia at nakarating hanggang sa Asirya. (Gen 25:13-18) Ang mga Midianita ay pangunahin nang nanirahan sa HK bahagi ng Arabia di-kalayuan sa S ng Gulpo ng ʽAqaba. (Gen 25:4) Naging pinakasentro ng pananahanan ng mga inapo ni Esau ang mga bulubunduking pook ng Edom sa dakong TS ng Dagat na Patay. (Gen 36:8, 9, 40-43) Mula sa Hamitikong sanga, ang ilang inapo ni Cus, kabilang na si Havila, si Sabta, si Raama at ang kaniyang mga anak na sina Sheba at Dedan, at si Sabteca, ay waring pangunahin nang nanirahan sa timugang bahagi ng Peninsula ng Arabia.​—Gen 10:7.

Binabanggit sa sinaunang mga inskripsiyong Asiryano at Babilonyo ang iba’t ibang tribo ng Arabia. Itinala ni Salmaneser III si “Gindibuʼ, mula sa Arabia.” Binanggit sina Zabibe at Samsi bilang mga reynang Arabe sa mga inskripsiyon ni Tiglat-pileser III. Binanggit ni Sargon II sina “Samsi, reyna ng Arabia (at) Itʼamar na Sabeano.” Tinukoy sa iba pang mga inskripsiyong cuneiform ang Sabai, ang Nabaiti, ang Qidri, at ang Idibaili, ang Masai, at ang Temai.​—Ihambing ang Gen 25:3, 13-15.

Mga Pagtukoy sa Bibliya. Ang Hadhramaut, isa sa apat na pangunahing sinaunang kaharian ng Timog Arabia, ay karaniwan nang iniuugnay kay Hazarmavet ng Genesis 10:26. Ang Wadi Hadhramaut, isang mahabang libis na kahilera ng T na baybayin ng Arabia, ang sentro ng kahariang iyon na ang kabisera ay nasa Shabwa. Ang iba pang mga pangalan sa Bibliya na lumilitaw bilang mga lugar sa Arabia ay ang Dedan, Tema, Duma, at Buz.​—Isa 21:11-14; Jer 25:23, 24.

Dumaan si Abraham sa gilid ng Arabia nang mandayuhan siya mula sa Ur ng mga Caldeo patungo sa lupain ng Canaan. Sa kalaunan, nang kailanganin niyang bumaba sa Ehipto, maaaring dumaan siya sa isang bahagi ng Arabia sa pamamagitan ng pagbagtas sa hilagaang bahagi ng Peninsula ng Sinai (sa halip na tahakin ang ruta sa kahabaan ng Baybayin ng Mediteraneo), gayundin noong maglakbay siya pabalik. (Gen 12:10; 13:1) Ang tagpo ng drama sa aklat ng Job ay sa lupain ng Uz na nasa hilagang Arabia (Job 1:1), at ang mga manlulusob na Sabeano na sumalakay sa mga ari-arian ng taong ito na “pinakadakila sa lahat ng mga taga-Silangan” ay mula sa isang tribong Arabe na maaaring nagmula kay Joktan. (Job 1:3, 15; Gen 10:26-28) Ang tatlong “mang-aaliw” ni Job at si Elihu ay waring nagmula rin sa mga lugar sa Arabia. (Job 2:11; 32:2) Gumugol si Moises ng 40 taon sa Arabia noong nakikipamayan siya sa Midianitang si Jetro. (Exo 2:15–3:1; Gaw 7:29, 30) Ang sumunod na mahalagang pangyayari na naganap sa Arabia ay ang pagbibigay ng tipang Kautusan sa Bundok Sinai na nasa timugang bahagi ng Peninsula ng Sinai, kung saan nagtipon ang pinalayang bansang Israel. (Exo 19:1, 2) Kaya pagkalipas ng mga 15 siglo, binanggit ng apostol na si Pablo na ang pangyayaring iyon ay naganap sa “Sinai, isang bundok sa Arabia.”​—Gal 4:25.

Dahil sa kasalukuyang kalagayan ng Arabia sa pangkalahatan, waring halos imposible na makapanirahan sa ilang sa loob ng 40 taon ang marahil ay mga tatlong milyong Israelita. (Exo 12:37, 38) Sabihin pa, nagawa nila iyon dahil sa makahimalang paglalaan sa kanila ni Jehova ng pagkain at tubig. (Deu 8:2-4; Bil 20:7, 8) Bagaman talagang mahirap ang mga kalagayan at maliwanag na ipinakikita sa ulat ng Kasulatan ang kakapusan sa tubig doon (Bil 20:4, 5), may dahilan upang maniwala na nang panahong iyon, mga 3,500 taon na ang nakalilipas, mas sagana sa tubig ang Arabia kaysa sa kasalukuyang panahon. Sa ngayon ay masusumpungan doon ang maraming malalalim na tuyong wadi, o libis, na dating pinakasahig ng mga ilog, anupat nagbibigay ito ng katibayan na noong nakalipas na panahon ay nagkakaroon doon ng sapat na pag-ulan upang daluyan ng tubig ang mga iyon. Maaaring ang pagkaunti ng suplay ng tubig ang isang dahilan kung bakit naglaho na roon ang ilang uri ng hayop. Ngunit, pangunahin na, ang Arabia noon ay gaya rin ngayon: isang tuyong lupain.

Noong kapanahunan ng mga Hukom, pulu-pulutong na mga Midianita, mga Amalekita, at “mga taga-Silangan” na nakasakay sa kamelyo ang dumating mula sa Arabia upang salantain ang lupain ng Israel. (Huk 6:1-6) Ang gayong mga biglaang paglusob ang pangunahing paraan ng pakikipagdigma sa Arabia noon. (2Cr 22:1) Ang kamelyo, na pinaniniwalaang pinaamo sa Arabia, ay ginagamit na bilang isang uri ng transportasyon noon pa mang panahon ni Abraham. (Gen 24:1-4, 10, 61, 64) Dahil mas nakatatagal ang kamelyo sa mahahabang paglalakbay sa disyerto kaysa sa asno, ang pagpapaamo nito ay itinuturing na naging dahilan ng napakalaking pagsulong sa ekonomiya ng Arabia, anupat nakatulong upang maitatag ang tinatawag na “Mga Kaharian ng mga Espesya” ng Timog Arabia.

Mula sa mas matabang lupain sa T, tinatalunton noon ng mga pulutong na nakasakay sa kamelyo ang mga ruta sa disyerto na kahilera ng Dagat na Pula, anupat nagpalipat-lipat sa iba’t ibang oasis at balon hanggang sa makarating sa Peninsula ng Sinai, na mula roon ay maaari silang kumaliwa sa Ehipto o dumeretso sa Palestina o sa Damasco. Bukod sa kanilang lubhang kanais-nais na mga espesya at mababangong resina, gaya ng olibano at mira (Isa 60:6), maaaring may dala rin silang ginto at kahoy ng algum mula sa Opir (1Ha 9:28; 10:11) at mahahalagang bato, gaya ng ginawa ng reyna ng Sheba nang dumalaw siya kay Haring Solomon. (1Ha 10:1-10, 15; 2Cr 9:1-9, 14) Maraming talabang may perlas ang makukuha sa katubigan ng Gulpo ng Persia. Yamang ang TK sulok ng Arabia ay nakahiwalay sa Aprika sa pamamagitan ng isang makitid na kipot ng tubig na mga 32 km (20 mi) lamang ang lapad, maaaring kabilang din sa mga paninda ng mga naglalakbay na mangangalakal na iyon ang mga produkto mula sa Etiopia (2Cr 21:16), gaya ng garing at ebano.​—Eze 27:15.

Si Nabonido, ang Babilonyong hari na ang anak na si Belsasar ang namamahala sa Babilonya noong panahong bumagsak ito (539 B.C.E.), ay gumugol ng sampung taon sa oasis na lunsod ng Taima (Tema) sa hilagang bahagi ng gitnang talampas ng Arabia.​—Tingnan ang TEMA Blg. 2.

Noong ikalimang siglo B.C.E., ang Arabia ay nagkaroon ng malaking impluwensiya sa Palestina, gaya ng makikita sa mga pagtukoy kay “Gesem na Arabe” sa Nehemias 2:19 at 6:1-7.

Ang Kahariang Himyarita, na humawak ng kontrol sa Timog Arabia noong mga 115 B.C.E., ay may kabisera sa Zafar (ipinapalagay ng ilan na ang Separ sa Genesis 10:30). Sa dakong H, ang mga Nabateano (posibleng nagmula kay Nebaiot ng Genesis 25:13), na ang kabisera ay nasa Petra sa mabatong mga bangin ng Edom, ay naging makapangyarihan mula noong ikaapat na siglo B.C.E. Nang maglaon, sinakop din nila ang buong T na bahagi ng Negeb at pati ang Moab at ang rehiyon sa S ng Jordan. Sa loob ng ilang taon noong unang siglo B.C.E. at muli noong unang siglo C.E., pinamahalaan nila ang Damasco. Ang kanilang hari na si Aretas IV (mga 9 B.C.E.–40 C.E.) ay binabanggit sa 2 Corinto 11:32 may kaugnayan sa pagtakas ni Pablo mula sa Damasco, na inilalarawan sa Gawa 9:23-25. Pinakasalan ni Herodes Antipas ang anak ni Aretas IV ngunit diniborsiyo niya ito upang mapangasawa si Herodias.​—Mar 6:17; tingnan ang ARETAS.

Sinabi ni Pablo na matapos siyang makumberte ay ‘pumaroon siya sa Arabia, at bumalik siyang muli sa Damasco.’ (Gal 1:17) Maaaring naglakbay siya noon hanggang sa karatig-lugar na Disyerto ng Sirya, bagaman ipahihintulot din ng pagkakagamit sa terminong iyon na nakarating siya sa alinmang bahagi ng Peninsula ng Arabia.

Noong unang siglo B.C.E., ang Palmyra sa dakong HS ng Damasco ay nagsimulang maging isang sentro ng mga Arabe at nang maglaon ay nahigitan nito ang Petra bilang isang estadong kalakalan. Pagsapit ng 270 C.E., sa ilalim ni Reyna Zenobia, nasakop na ng hukbo ng Palmyra ang Ehipto at ito’y isa nang mahigpit na karibal ng Roma hanggang sa matalo ito noong 272 C.E.

Wika. Ang wika ng mga tao sa Arabia ay kabilang sa grupong Timog Semitiko at nananatiling mas matatag kaysa sa iba pang mga wikang Semitiko. Dahil dito, nakatulong ito upang higit na maunawaan ang maraming ekspresyon at salita sa sinaunang Hebreo ng Bibliya.