Arad
1. Isa sa mga pangulo ng tribo ni Benjamin na minsang nanirahan sa Jerusalem.—1Cr 8:15, 28.
2. Isang lunsod sa timugang hanggahan ng Canaan, na ang hari ay sumalakay sa mga Israelita noong malapit na sila sa Canaan. Itinalaga ng mga Israelita ang distritong ito sa pagkapuksa at tinawag itong “Horma,” na nangangahulugang “Pagtatalaga sa Pagkapuksa.” (Bil 21:1-3; 33:40) Gayunman, hindi sila namayan doon noong panahong iyon, at maliwanag na ang ilan sa mga tumatahan doon ay nakaligtas sa pagkapuksa. Ito ang dahilan kung bakit kabilang ang hari ng Arad sa talaan ng 31 hari na nilupig ni Josue nang dakong huli sa kaniyang mabilisang pangungubkob. (Jos 12:14) Nang maglaon ay pinamayanan ng mga Kenita ang ilang na lugar na nasa T ng Arad.—Huk 1:16.
Ipinapalagay ng karamihan na ang Arad sa Israel ay siya ring Tel ʽArad, isa sa pinakamalalaking gulod sa rehiyon ng Negeb. Ito ay nasa isang medyo alun-along kapatagan na mga 28 km (17 mi) sa S ng Beer-sheba. Natagpuan sa mga paghuhukay sa Tel ʽArad ang humigit-kumulang sa 200 ostracon, anupat halos kalahati sa mga iyon ay may sulat na Hebreo at ang iba naman ay Aramaiko. Ang isa sa mga piraso ng palayok na may sulat na Hebreo, ipinapalagay na mula pa noong ikalawang kalahatian ng ikapitong siglo B.C.E., ay kababasahan: “Sa aking panginoong Eliasib: Pagkalooban ka nawa ni Jehova ng kapayapaan. . . . Nananahanan siya sa bahay ni Jehova.”—LARAWAN, Tomo 1, p. 325.
Dahil walang masusumpungan sa Tel ʽArad na mga labí mula sa mga Canaanitang nabuhay noong mas huling yugto, ipinapalagay ni Y. Aharoni na ang Arad sa Canaan ay nasa Tell el-Milh (Tel Malhata), na 12 km (7 mi) sa TK ng Tel ʽArad.
[Larawan sa pahina 170]
Mga guho ng isang tanggulan sa Tel ʽArad. Binabanggit sa isang Hebreong “ostracon” na natagpuan malapit dito ang pananalitang “bahay ni Jehova”