Araw ng Panginoon
Isang itinakdang yugto ng panahon kung kailan matagumpay na isasakatuparan ng Panginoong Jesu-Kristo ang partikular na mga bagay may kaugnayan sa layunin ng Diyos.
Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ang salitang “araw” ay maaaring tumukoy sa isang yugto ng panahon na mas mahaba kaysa sa 24 na oras. (Gen 2:4; Ju 8:56; 2Pe 3:8) Ipinakikita ng konteksto ng Apocalipsis 1:10 na ang “araw ng Panginoon” na ito ay hindi isang ordinaryong araw na may 24 na oras. Yamang si Juan ay dumating “sa araw ng Panginoon” “sa pamamagitan ng pagkasi,” hindi iyon maaaring tumukoy sa isang ordinaryong araw ng sanlinggo. Hindi kailangang kasihan si Juan para makarating siya sa isang espesipikong araw ng sanlinggo. Kaya tiyak na “ang araw ng Panginoon” ay tumutukoy sa isang panahon sa hinaharap kung kailan magaganap ang mga pangyayaring nakita ni Juan sa pangitain. Kasama sa mga pangyayaring iyon ang digmaan sa langit at ang pagpapalayas kay Satanas, ang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila at ng mga hari sa lupa at ng kanilang mga hukbo, ang paggapos at pagbubulid kay Satanas sa kalaliman, ang pagkabuhay-muli ng mga patay, at ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo.
Ipinakikita ng konteksto na ang Panginoong tinutukoy sa pananalitang “araw ng Panginoon” ay si Jesu-Kristo. Karaka-raka pagdating ni Juan “sa araw ng Panginoon,” narinig niya, hindi ang tinig ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, kundi ang tinig ng binuhay-muling Anak ng Diyos. (Apo 1:10-18) Ang ‘araw ng Panginoon’ na binanggit sa 1 Corinto 1:8; 5:5; at 2 Corinto 1:14 ay kapit din kay Jesu-Kristo.