Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aretas

Aretas

[May Kagalingan; Mahusay].

Ang kahuli-hulihan sa ilang haring Arabe na may ganitong pangalan na namamahala sa Damasco nang ang gobernador nito ay sumali sa isang pakana ng mga Judio na patayin si Pablo. Nakatakas ang apostol na si Pablo lulan ng isang sulihiyang basket na ibinaba mula sa isang bintana sa pader ng lunsod.​—Gaw 9:23-25; 2Co 11:32, 33.

Ibinigay ni Aretas ang kaniyang anak na babae upang mapangasawa ni Herodes Antipas (tingnan ang HERODES Blg. 2) ngunit diniborsiyo ni Herodes ang kaniyang anak upang mapangasawa si Herodias​—ang mapangalunyang pagsasama na hinatulan ni Juan na Tagapagbautismo. (Mat 14:3, 4) Higit pang napagalit si Aretas dahil sa mga pagtatalo may kinalaman sa mga hanggahan kung kaya sinalakay niya si Antipas at lubusan niya itong natalo. Sa gayon ay inutusan ni Emperador Tiberio ang gobernador ng Sirya, si Vitellius, na dakpin si Aretas patay man o buháy. Inihanda ni Vitellius, na kaaway rin ni Antipas, ang kaniyang mga hukbo, ngunit namatay si Tiberio noong 37 C.E., at ang kampanya laban kay Aretas ay iniurong. Binago ng kahalili ni Tiberio na si Caligula ang gayong patakaran, itinalaga niya si Herodes Agripa I bilang kahalili ni Antipas, at pinahintulutan niya si Aretas na mamahala sa Damasco. Isang baryang mula sa Damasco na may inskripsiyon ni Aretas ang ipinapalagay na mula sa yugtong ito.