Ariel
[Apuyan ng Altar ng Diyos; o, Leon ng Diyos].
1. Isang Moabita na ang dalawang anak ay pinatay ni Benaias.—2Sa 23:20; 1Cr 11:22.
2. Isa sa siyam na pangulo na pantanging ginamit ni Ezra sa pagkuha ng kuwalipikadong “mga lingkod para sa bahay ng aming Diyos.” Naganap ito noong tagsibol ng 468 B.C.E. nang ang mga 1,500 lalaking Israelita, sa pangunguna ni Ezra, ay papaalis na mula sa ilog ng Ahava upang pumaroon sa Jerusalem.—Ezr 8:15-17, 31.
3. Isang mahiwagang pangalan na ikinapit sa Jerusalem sa Isaias 29:1, 2, 7. Ang Jerusalem ang lokasyon ng templo ng Diyos na kinaroroonan ng altar na pinaghahainan. Dahil dito, ang lunsod, sa diwa, ay apuyan ng altar ng Diyos. Dapat din sanang ito ang maging sentro ng dalisay na pagsamba kay Jehova. Gayunman, ang mensahe sa Isaias 29:1-4 ay nagbabadya ng lagim at humuhula ng pagkapuksa na nakatakdang sumapit sa Jerusalem sa pamamagitan ng mga Babilonyo noong 607 B.C.E., kung kailan siya ay magiging isang “apuyan ng altar” sa naiibang diwa: bilang isang lunsod na inaagusan ng ibinubong dugo at tinupok ng apoy at punô ng mga bangkay ng mga biktima ng maapoy na pagkapuksa. Ang pinakasanhi ng kapahamakang ito ay binabanggit sa mga talata 9 hanggang 16. Gayunman, ipinakikita ng Isaias 29:7, 8 na ang mga bansang magdudulot ng gayong pagkapuksa sa Jerusalem ay mabibigo sa kanilang ultimong layunin o tunguhin.