Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Arka

Arka

1. Ang arka ni Noe ang paglalaang ginamit upang mailigtas ang mga ninuno ng buong sangkatauhan sa pangglobong Delubyo noong 2370-2369 B.C.E. (Tingnan ang DELUBYO; NOE.) Si Jehova ang nagbigay kay Noe ng detalyadong mga tagubilin tungkol sa laki, hugis, disenyo para sa liwanag at bentilasyon, at kung anong mga materyales ang gagamitin sa pagtatayo nito.​—Gen 6:14-16.

Disenyo at Laki. Ang arka (sa Heb., te·vahʹ; sa Gr., ki·bo·tosʹ) ay isang sasakyang pantubig na parihaba at hugis-baul; ipinapalagay na anggulong parisukat ang mga panulukan nito at lapád ang ilalim nito. Hindi nito kailangan ng pabilog na ilalim o papatulis na unahan upang mabilis na makaraan sa tubig; hindi ito kailangang gamitan ng timon; ang kailangan lamang ay huwag itong pasukin ng tubig at manatili itong nakalutang. Kapag ganito ang hugis ng sasakyang pantubig, ito’y napakatatag at hindi madaling tumaob, at ang espasyong imbakan nito ay mas malaki nang isang katlo kaysa sa espasyong imbakan ng mga barkong pangkaraniwan ang disenyo. Ang arka ay nilagyan ng pinto sa gilid para sa paglululan at pagbababa ng kargamento.

Hinggil sa laki nito, ang arka ay may haba na 300 siko, may lapad na 50 siko, at may taas na 30 siko. Kung ipapalagay na ang isang siko ay 44.5 sentimetro (17.5 pulgada) (sinasabi ng ilan na mas malapit ang sinaunang siko sa 56 o 61 sentimetro), ang arka ay may sukat na 133.5 m por 22.3 m por 13.4 m (437 piye 6 na pulgada × 72 piye 11 pulgada × 43 piye 9 na pulgada), anupat wala pa sa kalahati ng haba ng barkong Queen Elizabeth 2. Ang proporsiyon ng haba nito sa lapad nito (6 sa 1) ay ginagamit ng makabagong mga arkitekto ng barko. Dahil dito, ang gross volume ng arka ay humigit-kumulang sa 40,000 m kubiko (1,400,000 piye kubiko). Walang naiulat na pangkargamentong sasakyang-dagat na ginawa noong sinaunang panahon ang nakapantay sa laki ng arka. Palibhasa’y dinagdagan pa ito ng dalawang palapag, naging matibay ang panloob na kayarian nito at nagkaroon ito ng tatlong palapag na may kabuuang espasyo na mga 8,900 m kuwadrado (96,000 piye kuwadrado).

Sinabihan si Noe: “Gagawa ka ng isang tsoʹhar [bubong; o, bintana] para sa arka.” (Gen 6:16) Hindi malinaw kung ano talaga iyon o kung paano iyon ginawa. Ipinapalagay ng ilang iskolar na ang tsoʹhar ay may kaugnayan sa liwanag kung kaya isinasalin nila ito bilang “bintana” (MB, NPV), “durungawan” (AS-Tg), “liwanag” (JP), “isang dako para sa liwanag” (Ro). Gayunman, iniuugnay ng iba ang tsoʹhar sa isang mas huling salitang-ugat na Arabe na nangangahulugang “likod (ng kamay),” “likod (ng hayop),” “kubyerta (ng barko),” samakatuwid ay ang bahaging hindi nakasayad sa lupa o tubig, at dahil dito ay isinasalin nila ito bilang “bubong.” (AT, RS, JB) Sinabihan si Noe na ang tsoʹhar na ito ay dapat tapusin “hanggang sa haba ng isang siko paitaas.”​—Gen 6:16.

Samakatuwid, maaaring nagkaroon ng sapat na liwanag at bentilasyon sa pamamagitan ng tsoʹhar, anupat hindi lamang ito isang “durungawan” na isang siko kuwadrado, kundi isang puwang na isang siko ang taas, malapit sa bubong, at nakapalibot sa apat na gilid upang magkaroon ng puwang na may kabuuang halos 140 m kuwadrado (1,500 piye kuwadrado). Sa kabilang dako, samantalang naglalaan ng sapat na puwang sa ilalim ng bubong o sa iba pang bahagi para sa bentilasyon, maaaring nakahilig nang bahagya ang mga gilid ng bubong. May kinalaman sa posibilidad na ito, sumulat si James F. Armstrong sa Vetus Testamentum (Leiden, 1960, p. 333): “Mahirap maunawaan ang pananalitang ‘Hanggang sa isang siko paitaas ay tatapusin mo iyon’ kapag ang sohar ay isinalin bilang ‘liwanag (= bintana)’ o kahit pa nga bilang ‘(patag na) bubong’. Gayunman, kung ipapalagay na ang bubong ng arka ay patulis (gable-type), ang ‘isang siko paitaas’ ay maaaring tumukoy sa taas ng bubong mula sa ibabaw ng kapantayan ng mga dingding. Sa makabagong mga termino sa arkitektura, ang nabanggit na ‘isang siko’ ay ang taas ng mga pindulo (kingpost) na kinapapatungan ng palupo ng bubong. . . . Ayon sa argumentong iniharap, ipinapalagay na ang bubong ng arka ni Noe ay may apat na porsiyentong dahilig (1 siko ang taas​—25 siko mula sa dingding hanggang sa taluktok ng palupo), anupat sapat na sapat upang makaagos ang tubig-ulan mula sa bubong.”

Nilinaw ni Jehova kung ano ang gagamitin sa pagtatayo ng pagkalaki-laking arkang ito: “Gumawa ka para sa iyo ng isang arka mula sa kahoy ng isang madagtang punungkahoy [sa literal, mga puno ng gopher].” (Gen 6:14) Ipinapalagay ng ilan na ang madagtang kahoy na binabanggit dito ay ang sipres o isang katulad na punungkahoy. Sa bahaging iyon ng daigdig, sagana noon ang punungkahoy na sa ngayon ay tinatawag na sipres; partikular itong pinipili ng mga taga-Fenicia at ni Alejandrong Dakila para sa paggawa ng mga barko, gaya rin ng mga tao sa makabagong panahon; at hindi ito madaling tablan ng tubig at hindi madaling mabulok. Iniuulat na may mga pinto at mga poste na yari sa sipres na tumagal nang 1,100 taon. Bukod pa rito, sinabihan si Noe na hindi lamang niya tatapalan ang mga dugtungan kundi “babalutan [niya ang arka] ng alkitran sa loob at sa labas.”​—Tingnan ang BITUMEN.

May Sapat na Espasyo sa Arka. Kakaiba ang talaan ng mga pasahero ng arka. Bukod kay Noe, sa kaniyang asawa, sa kaniyang tatlong anak na lalaki, at sa kani-kanilang asawa, ilululan din dito ang mga nilalang na buháy “mula sa bawat uri ng laman, dalawa sa bawat uri.” “Sila ay kailangang lalaki at babae. Sa mga lumilipad na nilalang ayon sa kani-kanilang uri at sa maaamong hayop ayon sa kani-kanilang mga uri, sa lahat ng gumagalang hayop sa lupa ayon sa kani-kanilang uri, dalawa sa bawat uri ang papasok doon sa iyo upang maingatan silang buháy.” Sa malilinis na hayop at ibon naman ay tigpipito ang kukunin mula sa bawat uri. Kailangan ding mag-imbak ng napakarami at sari-saring pagkain para sa lahat ng mga nilalang na ito, anupat kailangang magkasya ang suplay nang mahigit sa isang taon.​—Gen 6:18-21; 7:2, 3.

Ang mga “uri” ng mga hayop na pinili ay tumutukoy sa malinaw at di-mababagong mga hangganan na itinakda ng Maylalang, anupat sa loob ng mga hangganang iyon ay maaaring magparami ang mga nilalang “ayon sa kani-kanilang uri.” Tinataya ng ilan na ang daan-daang libong species ng mga hayop sa ngayon ay maaaring pagpangkat-pangkatin sa iilang “uri” ng pamilya​—dalawa na rito ang uring kabayo at ang uring baka. Ang mga hangganan ng pagpaparami ayon sa kani-kanilang “uri” na itinatag ni Jehova ay hindi nilabag ni maaari mang labagin ang mga iyon. Dahil dito, sinabi ng ilang imbestigador na kahit 43 “uri” ng mamalya, 74 na “uri” ng ibon, at 10 “uri” ng reptilya lamang ang sakay ng arka, maaari nang pagmulan ang mga ito ng iba’t ibang species na kilala ngayon. Ang iba ay mas liberal sa pagtaya nila na ang kailangan lamang ay 72 “uri” ng quadruped (mga hayop na apat ang paa) at mas mababa sa 200 “uri” ng ibon. Posible naman talaga na ang napakaraming uri ng buhay-hayop na kilala sa ngayon ay nagmula sa pagpapalahing nangyari sa loob ng iilang “uri” pagkaraan ng Baha yamang pinatutunayan ito ng napakaraming uri ng tao​—maliit, matangkad, mataba, payat, anupat mayroon pang sari-saring kulay ng buhok, mata, at balat​—lahat ay pawang nanggaling sa iisang pamilya ni Noe.

Sa pangmalas ng ilan, waring napakababa ng mga pagtayang ito, lalo na yamang may mahigit sa 1,300,000 species ng mga hayop ayon sa mga reperensiyang gaya ng The Encyclopedia Americana. (1977, Tomo 1, p. 859-873) Gayunman, mahigit sa 60 porsiyento ng mga ito ay mga insekto. Kung susuriin pa ang mga bilang na ito, sa 24,000 ampibyan, reptilya, ibon, at mamalya, ang 10,000 ay mga ibon, ang 9,000 ay mga reptilya at mga ampibyan, anupat marami sa mga ito ay maaaring manatiling buháy sa labas ng arka, at 5,000 lamang ang mga mamalya, kabilang na rito ang mga balyena at mga porpoise, na tiyak na maiiwan din sa labas ng arka. Tinataya naman ng ibang mga mananaliksik na mga 290 species lamang ng mga mamalyang nakatira sa katihan ang mas malalaki kaysa sa tupa at mga 1,360 naman ang mas maliliit kaysa sa daga. (The Deluge Story in Stone, ni B. C. Nelson, 1949, p. 156; The Flood in the Light of the Bible, Geology, and Archaeology, ni A. M. Rehwinkel, 1957, p. 69) Kaya kahit ibatay ang mga pagtaya sa malalaking bilang na iyon, maalwang mailululan sa arka ang tig-iisang pares ng lahat ng mga hayop na ito.

Limang buwan pagkatapos na magsimula ang Delubyo, “ang arka ay lumapag sa mga bundok ng Ararat,” ngunit malamang na hindi sa ibabaw ng pinakamataas na taluktok nito (halos 5,165 m; 16,950 piye) kundi sa isang angkop na lugar kung saan sa loob ng maraming buwan ay komportableng makapaninirahan sa loob ng arka ang lahat ng lulan nito. Sa wakas, pagkatapos ng isang taon at sampung araw mula noong magsimula ang Delubyo, ang pinto ay muling binuksan at ang lahat ng lulan ng arka ay lumabas.​—Gen 7:11; 8:4, 14.

Ang mga pag-aangkin na natagpuan na ang mga labí ng arka ay hindi pa napatutunayan hanggang sa ngayon.

2. Ang maliit na kaban kung saan ikinubli ni Jokebed ang kaniyang ‘magandang’ tatlong-buwang sanggol na nang maglaon ay pinanganlang Moises; ang kaban ay nasumpungan ng anak na babae ni Paraon sa gitna ng mga tambo sa pampang ng Nilo. Ang arka o kaban na ito (sa Heb., te·vahʹ) ay yari sa papiro at pinahiran ng bitumen at alkitran upang hindi ito pasukin ng tubig.​—Exo 2:2-4, 10, tlb sa Rbi8; 6:20.