Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Arkitektura

Arkitektura

Ang sining o siyensiya ng pagtatayo. Ipinakikita ng Bibliya na sa pasimula pa lamang ng kasaysayan ng tao, sa loob ng 1,656 na taon bago ang Baha noong mga araw ni Noe, mayroon nang iba’t ibang uri ng tahanan at kaugalian sa pananahanan. Matapos paslangin ni Cain si Abel, sinasabing siya ay “nanahanan” sa isang partikular na dako, at doon ay “nagpakaabala siya sa pagtatayo ng isang lunsod.” (Gen 4:16, 17) Gayunman, ang isa sa kaniyang mga inapo, si Jabal, ang naging ‘tagapagpasimula ng mga tumatahan sa mga tolda at ng mga may alagang hayop.’ Ang isa naman ay naging “panday ng bawat uri ng kasangkapang tanso at bakal.” (Gen 4:20, 22) Pagsapit ng Baha, o bago pa nito, naglaho na ang mga inapo ni Cain, ngunit ang kakayahan sa pagtatayo at sa paggamit ng mga kasangkapan ay hindi naglahong kasama nila.

Mga inapo ni Set ang gumawa ng natatanging proyekto ng pagtatayo noong panahon bago ang Baha: ang arka na itinayo ni Noe at ng kaniyang mga anak. Bagaman ang Diyos ang nagbigay ng mga saligang plano at mga sukat nito, tiyak na may kakayahan din si Noe sa arkitektura bilang ang taong nangasiwa sa gawain. Ang arka ay may haba na 300 siko, may lapad na 50 siko, at may taas na 30 siko (133.5 m × 22.3 m × 13.4 m; 437 piye 6 na pulgada × 72 piye 11 pulgada × 43 piye 9 na pulgada). Maaaring mga 0.9 ektarya (2.2 akre) ang kabuuang lawak ng mga sahig nito. Dahil mayroon itong tatlong palapag at malapad na bubong, malamang na bukod sa pagkakaroon nito ng “mga silid” na dibisyon ay kinailangan din ang paggamit ng kahoy na mga haligi at mga biga upang suhayan ang bigat nito at upang patatagin nang husto ang istraktura. Bagaman tinapalan ng alkitran ang arka, tiyak na kinailangan ding paglapat-lapatin nang husto ang mga tabla upang matiyak na hindi ito papasukin ng tubig.​—Gen 6:13-16; tingnan ang ARKA Blg. 1.

Pagtatayo Di-Katagalan Pagkaraan ng Baha. Noong panahon pagkatapos ng Baha, si Nimrod ay inilalarawan bilang isang prominenteng tagapagtayo ng ilang lunsod. (Gen 10:8-12) Isa pang malaking proyekto ng pagtatayo ang sinimulan noon, ang Tore ng Babel, isang gusali na hinatulan ng Diyos. Dito ay may mga bagong materyales na binabanggit, gaya ng mga laryong niluto sa hurnuhan na ginamitan ng bitumen bilang argamasa. Ang toreng ito ay nilayon na maging ang pinakamataas na istraktura noong panahong iyon.​—Gen 11:3, 4.

Tiyak na si Abraham, ang ninuno ng mga Israelita, ay nakakita ng maituturing na makabagong mga istilo ng arkitektura sa Ur ng mga Caldeo. (Gen 11:31) Isinisiwalat ng mga paghuhukay na doon ay nagkaroon ng mga lansangan ng lunsod, mga bahay na may dalawang palapag at mga hagdang laryo, at mga kalipunan ng mga templo at mga palasyo, anupat itinuturing na ang mga ito’y mula pa noong ikatlong milenyo B.C.E. Doon din matatagpuan ang ilan sa pinakasinaunang katibayan ng paggamit ng corbel vault o ng cantilever arch (nalilikha kapag ang dalawang gilid ng pader ay itinayo nang magkalapit na magkalapit hanggang sa lumiit ang puwang sa pagitan nila anupat maaari nang pagdugtungin ang mga ito sa pamamagitan ng isang hanay ng mga bato o mga laryo), at maging ng tunay na nakakurbang arko na may batoklabe (sa Ingles, keystone).

Nang maglaon, noong panahon ng paninirahan niya sa Ehipto (Gen 12:10), maaaring nakita ni Abraham ang ilan sa mariringal na arkitektura ng lupaing iyon. Ang Step Pyramid ni Haring Djoser, na matatagpuan pa rin sa Saqqara, ay ipinapalagay na mula pa noong ikatlong milenyo B.C.E. at ito’y isa sa pinakasinaunang mga halimbawa ng malalaking istraktura na ginamitan ng tinabas na bato. (LARAWAN, Tomo 1, p. 530) Ang Great Pyramid ni Khufu, na itinayo sa Giza nang mas dakong huli, ay may napakalawak na paanan na sumasaklaw ng 5.3 ektarya (13 akre) at yari sa mga 2,300,000 bloke ng batong-apog, na ang bawat isa, sa katamtaman, ay tumitimbang nang 2.3 metriko tonelada. Ang orihinal na taas nito ay 147 m (482 piye). Kahit ang makabagong mga inhinyero ay namamangha sa proyektong ito hindi lamang dahil sa laki nito kundi dahil din sa pagiging pulido ng pagkakagawa nito. Pagkaraan naman ng ilang siglo, itinayo ng mga Ehipsiyo sa Karnak, sa dakong itaas pa ng Nilo, ang pinakamalaking templo na ginawa ng tao. Ang bubong ng napakalawak na bulwagan nito ay sinuhayan ng 134 na pagkalaki-laking haligi, anupat bawat isa ay may diyametro na mga 3 m (10 piye) at napapalamutian ng makukulay na relyebe.

Arkitekturang Israelita. Noong panahong sinisiil ang mga Israelita sa Ehipto, marami silang ginawang pagtatayo bilang mga alipin sa ilalim ng mga tagapag-utos na Ehipsiyo. (Exo 1:11-14) Nang maglaon, sa ilang, binigyan sila ni Jehova ng eksaktong mga tagubilin para sa pagtatayo ng tabernakulo, na may mga hamba, may-ukit na mga tuntungan, mga barakilan, at mga haligi, anupat nangailangan din ito ng malaking kakayahan sa arkitektura sa bahagi nila. (Exo 25:9, 40; 26:15-37; Heb 8:5) Bagaman ang karamihan sa mga gumawa sa proyektong iyon (at nagtrabaho noon sa mga pagtatayo sa Ehipto) ay walang alinlangang namatay na bago sila makarating sa Lupang Pangako, may ilan na nakatawid nang buháy at tiyak na naituro nila sa iba ang mga pamamaraan sa pagtatayo at ang paggamit ng mga kasangkapan. (Ihambing ang Deu 27:5.) Itinala sa Kautusang Mosaiko ang isang kahilingan sa pagtatayo. (Deu 22:8) Sabihin pa, bagaman namayan ang mga Israelita sa mga lunsod at mga nayon na mayroon nang nakatayong mga istraktura noong sakupin nila ang lupain, mayroon din naman silang mga itinayo. (Bil 32:16; Deu 6:10, 11; 8:12) Noong panahong pumasok sila sa Canaan (1473 B.C.E.), marami silang nadatnang lunsod doon na may mga pader at matitibay na kuta.​—Bil 13:28.

Bagaman totoo na wala nang natitirang kapansin-pansing mga istraktura na nagpapakita ng pagiging orihinal at malikhain ng mga Israelita kung tungkol sa arkitektura, hindi naman ito nangangahulugan na wala silang kakayahan sa larangang iyon. Di-tulad ng mga bansang pagano, hindi sila nagtayo ng pagkalaki-laking mga bantayog bilang parangal sa mga pulitikal na tagapamahala o sa mga bayani ng militar. Ang iisang templo na itinayo nila ay nasa Jerusalem, bagaman nagkaroon ng iba pang mga lugar ng pagsamba dahil sa apostasya. Wala nang natitirang labí ng orihinal na templo o niyaong inihalili rito. Kabilang sa kahanga-hangang mga guho na natuklasan ay yaong sa magkakatulad na mga pintuang-daan ng sinaunang mga lunsod ng Megido, Hazor, at Gezer, na ipinapalagay na itinayo noong panahon ni Solomon. (1Ha 9:15) Sa bawat kaso, ang panlabas na mga pader na may habang 20 m (66 na piye) ay gawa sa mga batong maingat na tinabas. Sa loob ng pasilyo ng pintuang-daan ay may tatlong magkakasunod na pares ng mga hamba o mahahabang pilastra, anupat nagkaroon ng mistulang anim na silid sa magkabilang panig ng daanan, kung saan maaaring magsagawa ng mga transaksiyon sa negosyo o kaya’y doon harangin ng mga kawal ang mga pulutong na nagtatangkang pumasok sa mga pintuang-daan. (Tingnan ang PINTUANG-DAAN.) Sa Megido at Samaria, may natagpuang mga halimbawa ng napakahuhusay na gawa ng mga mason, anupat ang mga bato ay maingat na hinubog, inilagay sa puwesto, at pinaglapat nang pulidung-pulido, kaya naman sa ilang kaso ay hindi man lamang maipapasok sa pagitan ng mga bato ang manipis na talim ng kutsilyo. Walang alinlangang gayundin kataas ang kalidad ng trabaho sa templong itinayo ni Solomon.​—1Ha 5:17; 6:7.

Salig sa arkeolohikal na pagsusuri, lumilitaw na karaniwan nang napakasimple ang pagkakagawa sa mga bahay ng mga Israelita, anupat naniniwala ang ilang mananaliksik na ang mga ito ay masyadong sinauna. Gayunman, kaunting-kaunti lamang ang katibayan na sumusuporta sa gayong opinyon. Kaya ang The Interpreter’s Dictionary of the Bible (Tomo 1, p. 209) ay nagsabi: “Ang makabagong-panahong kaalaman hinggil sa bagay na ito ay limitado, kapuwa dahil hindi nagbigay-pansin ang sinaunang mga manunulat sa mga bagay na may kaugnayan sa arkitektura at dahil wala nang gaanong natira sa mismong mga gusali, yamang ang karamihan sa mga ito ay lubusang sinalanta ng panahon at ng sumunod na mga salinlahi ng mga tagapagtayo.” (Inedit ni G. A. Buttrick, 1962) Dahil dito, bihirang makasumpong ng mahigit sa isa o dalawang patong ng mga bato sa ibabaw ng pundasyon ng alinmang gumuhong gusali sa Palestina. Makatuwiran ding isipin na ang mas magagandang tahanan ang sisirain nang husto ng mga nangwawasak at, pagkatapos nito, niyaon namang mga naghahanap ng mga materyales para sa pagtatayo.

Sinaunang mga Materyales at mga Pamamaraan sa Pagtatayo. Pangkaraniwan nang ginagamit ang mga batong pundasyon mula pa noong sinaunang panahon. Bagaman maaaring magagaspang na bato ang ginagamit noon, ang mga ito ay pinagpapantay at pinagdurugtong ng mga batong-panulok, na maingat na pinakinis at inilapat. (Ihambing ang Aw 118:22; Isa 28:16.) Sa Levitico 14:40-48, binabanggit na may argamasang luwad o palitada sa loob ng mga bahay na bato ng mga Israelita. Noon, kung hindi man yari sa bato ang iba pang mga bahagi ng bahay, kalimita’y mga laryong pinatuyo sa araw o niluto sa hurnuhan ang ginagamit sa ibabaw ng pundasyon. (Ihambing ang Isa 9:10.) Kung minsan, nagsisingit ng mga kahoy sa pagitan ng mga laryo. Ang mga materyales na ginagamit noon ay pangunahin nang nakadepende sa kung ano ang makukuha sa kapaligiran. Dahil walang kahoy at bato sa timugang Mesopotamia, ang karamihan sa mga istrakturang itinayo roon ay yari sa laryong putik, samantalang sa Palestina naman ay karaniwan nang sagana ang batong-apog at iba pang mga bato. Ang isang matipid na paraan ng paggawa ng pader noon ay ang tinatawag na wattle and daub. Sa prosesong ito, nagbabaon ng mga tulos sa lupa at pagkatapos ay inihahabi nang pahalang sa mga ito ang mga tangkay ng tambo o ang makukunat na sanga upang makagawa ng isang kayariang sala-sala na tinatapalan naman ng luwad. Kapag tuyung-tuyo na ang luwad at tumigas na ito sa init ng araw, sa pana-panahon ay pinapalitadahan ang pader upang hindi ito masira ng mga elemento.​—Tingnan ang PADER, DINGDING.

Ang bubong ng isang gusali ay karaniwan nang ginagawa sa pamamagitan ng pagpapatong ng mahahabang bato o kahoy sa ibabaw ng sumusuhay na mga pader. Maaaring magdagdag ng mga poste o mga haligi upang mapalapad ang bubong, ang karaniwang pamamaraan na tinatawag na “post and lintel.” Yamang kilalá na ang corbel vault at ang nakakurbang arko mula pa noong sinaunang mga panahon, malamang ay ginamit ang mga ito sa malalaking gusali bilang pansuporta sa patag na mga bubong na sumusuhay sa mabibigat na bagay. Ang mas malalaking gusaling ito ay kadalasan nang may isa o dalawang hanay ng mga haligi; ang mga haliging kahoy o bato ay itinatayo sa isang batong pundasyon, at ipinapalagay ng ilan na ganitong uri ng mga haligi ang nasa bahay ni Dagon na pinagdalhan ng mga Filisteo sa bulag na si Samson. Bukod pa sa mga nagkakatipon sa loob ng gusali, mga 3,000 katao ang nasa bubong at nagmamasid mula roon nang ibuwal ni Samson ang dalawang pangunahing haligi, na naging dahilan upang bumagsak ang bahay.​—Huk 16:25-30.

Ang mga bubong ng mas maliliit na gusali at mga tahanan ay kalimitang yari sa mga sanga o mga tangkay ng tambo na pinagtali-tali at inilatag nang pahalang sa mga biga at pagkatapos ay siniksik, binalutan ng putik o luwad, at pinakinis. Bahagyang nakahilig ang bubong ng mga ito upang makaagos ang tubig-ulan mula rito. Makakakita pa rin sa ngayon ng gayong mga bubong sa mga tahanan sa Libis ng Jordan.

Ang pinakasimpleng uri ng gusali sa Palestina noon ay parihaba; kung ito’y isang tahanan, kadalasan nang mayroon itong maliliit at parihabang mga silid na nakaayos sa iba’t ibang paraan. Ang laki at hugis ng mga gusali ay ibinabatay sa limitadong espasyo sa loob ng mga lunsod, na kadalasa’y masisikip. Kung may sapat na espasyo, maaaring magkaroon ang bahay ng isang pinakaloob na looban anupat dito nakaharap ang mga pinto ng lahat ng silid at may isa lamang pasukang-daan mula sa lansangan. Ang gayong simple at parihabang istilo ay ginamit hindi lamang para sa karaniwang bahay kundi para rin sa bahay ng hari (palasyo), kamalig, bahay-pulungan (sinagoga), bahay ng Diyos (templo), at bahay ng mga patay (libingan).

Mga Itinayo ng mga Hari ng Juda at ng Israel. Waring ang tanging konstruksiyon na binanggit na naganap noong panahon ng paghahari ni Haring David ay ang “bahay na yari sa mga sedro,” na itinayo sa pamamagitan ng mga materyales at mga manggagawang inilaan ng taga-Feniciang si Haring Hiram ng Tiro (1Cr 14:1; 17:1), bagaman iniuulat na patuloy na nagtayo si David ng iba pang mga bahay sa Jerusalem. (1Cr 15:1) Gayundin, maraming ginawang paghahanda si David para sa pagtatayo ng templo na isasakatuparan ng kaniyang anak na si Solomon, kasama na rito ang pagtabas ng mga eskuwaladong bato, ang paggawa ng mga pakong bakal, at ang paghahanda ng tanso at ng mga tablang sedro “na pagkarami-rami,” gayundin ng suplay ng ginto, pilak, mahahalagang bato, at maliliit na batong mosayko. (1Cr 22:1-4; 29:1-5) Ginamit din siya upang ilaan ang kinasihang “arkitektural na plano” para sa buong templo at sa lahat ng kagamitan nito. (1Cr 28:11, 19) Ang salitang Hebreo para sa “arkitektural na plano” (tav·nithʹ) ay nagmula sa salitang-ugat na ba·nahʹ (“itayo”; 1Cr 22:11) at sa ibang mga talata ay isinasalin ito bilang “parisan” at “kawangis.”​—Exo 25:9; 1Cr 28:18.

Sa ilalim ni Solomon, narating ng arkitekturang Israelita ang tugatog nito. (2Cr 1:15; Ec 2:4-6) Bagaman taga-Feniciang mga manggagawa ni Haring Hiram ang pumutol ng mga tabla sa Lebanon para sa pagtatayo ng templo, hindi sinusuportahan ng ulat ang pangmalas ng ilan na diumano’y halos mga taga-Fenicia lamang ang gumawa ng templo na nasa Jerusalem. Bagaman binabanggit na isang Israelitang taga-Fenicia na nagngangalang Hiram ang tumulong sa aktuwal na pagtatayo, ito’y pangunahin nang sa paggawa ng mga palamuti at ng mga kayariang metal, na ginawa pagkatapos na maitayo ang gusali ayon sa mga planong inilaan ni Haring David. (1Cr 28:19) Kinilala ni Haring Hiram ng Tiro na mayroon ding “mga taong dalubhasa” sa gitna ng mga Israelita. (1Ha 7:13-40; 2Cr 2:3, 8-16; ihambing ang 1Cr 28:20, 21.) Si Solomon mismo ang nangasiwa sa pagtatayo ng istraktura ng templo. (1Ha 6:1-38; 2Cr 3:1–4:22) Karagdagan pa, itinayo niya ang looban ng templo, ang Bahay ng Kagubatan ng Lebanon, na namumukod-tangi dahil sa 45 haligi nito na yari sa tablang sedro at sa pantanging mga pasukan ng liwanag para rito, ang Beranda ng mga Haligi, ang Beranda ng Trono, gayundin ang kaniyang sariling bahay at ang bahay para sa anak na babae ni Paraon, na pawang gawa sa mamahaling mga bato na tinabas “ayon sa mga sukat.”​—1Ha 7:1-12.

Ang iba pang mga hari na naging prominente sa pagtatayo ay sina Asa (1Ha 15:23), Baasa (1Ha 15:17), Omri (1Ha 16:23, 24), Ahab (1Ha 22:39), Jehosapat (2Cr 17:12), Uzias (2Cr 26:6-10, 15), Jotam (2Cr 27:3, 4), at Hezekias (2Ha 20:20). Ang paagusan ng Siloam (may haba na 533 m [1,749 na piye]), na kinikilalang ipinagawa ni Hezekias, at ang mga paagusang natagpuan sa Lakis, Gibeon, Gezer, at Megido ay kahanga-hangang mga gawa ng inhinyeriya.

Pagtatayo sa Palestina Pagkaraan ng Pagkatapon. Pagkabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon, waring di-gaanong mararangya ang kanilang mga proyekto ng pagtatayo. Gayunman, si Herodes na Dakila (noong unang siglo B.C.E.), at ang kaniyang mga kahalili, ay nagsagawa ng malalaking proyekto sa arkitektura, kabilang na rito ang muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem (Mar 13:1, 2; Luc 21:5), ang daungan sa Cesarea, ang mahaba at nakaangat na daanang bumabagtas sa Jerusalem, gayundin ang mga gusaling pampubliko, mga dulaan, mga karerahan ng kabayo, at mga paliguan. Ang isang kahanga-hangang naitayo ni Herodes ay ang tanggulan sa burol ng Masada na mahigit 400 m (1,300 piye) ang taas mula sa kapantayan ng Dagat na Patay. Bukod sa mga kuta, nagpagawa si Herodes ng isang eleganteng tatlong-palapag na palasyo na nasa isang dalisdis at may isang terasa at mga pool na paliguan; nagpatayo rin siya roon ng isa pang palasyo na may bahay-paliguan sa istilong Romano kung saan may pampainit na mga tubo sa mga dingding at isang kasilyas na may mga upuan at sistema ng pagpapaanod ng dumi sa tubig. Nilagyan din niya ang pagkalaki-laking batong tanggulang iyon ng 12 malalaking imbakang-tubig na sa kabuuan ay makapaglalaman ng halos 40,000 kl (10,500,000 gal) ng tubig.​—LARAWAN, Tomo 2, p. 751.

Arkitekturang Asiryano, Babilonyo, at Persiano. Bilang resulta ng pagbagsak ng hilagang kaharian ng Israel (740 B.C.E.) at ng timugang kaharian ng Juda (607 B.C.E.), ang mga Judio ay naging pamilyar sa maririlag na arkitektura ng mga imperyo ng Asirya, Babilonya, at Persia. Katangi-tangi ang palasyo ni Sargon II sa Khorsabad dahil sa pantay-pantay at simetrikal na disenyo nito, gayundin sa kahanga-hangang mga relyebe, pinakintab na mga laryo, at mga larawang ipininta sa tisa at binalot ng enamel. Ang palasyo ni Senakerib sa Nineve ay isang pagkalaki-laking istraktura na may mga 70 silid, anupat mayroon itong dingding na mahigit 3,000 m (halos 10,000 piye) ang haba na doo’y may nakahilerang malalapad na tapyas na nililok. (2Ha 19:36; ihambing ang Jon 3:2, 3.) Pinaniniwalaan din na si Senakerib ang nagtayo ng paagusan na may haba na 48 km (30 mi) at nagdala ng tubig mula sa Ilog Gomel patungo sa mga hardin ng Nineve. Sa Mari, na nasa tabi ng Eufrates sa silanganing Sirya, isang pagkalaki-laking palasyo na may 300 silid ang sumasaklaw nang mga 6 na ektarya (15 akre). Mahihiwatigan din sa mga guho ng sinaunang Babilonya ang dating karingalan ng lunsod na iyon na may napakatataas na pader, mga bantog na lansangan, at maraming palasyo at templo.

Sa ilalim ng pamamahala ng Persia, maaaring namasdan ng mga Judio sa Susan ang karilagan ng palasyo ni Dario I, na ang loob ay pinaganda ng napakamakukulay at pinakintab na mga laryo. (MGA LARAWAN, Tomo 2, p. 330) Marahil ay mas kahanga-hanga pa roon ang Persepolis (MGA LARAWAN, Tomo 2, p. 329), mula sa Pintuang-daan ni Jerjes, na may ubod-laking mga toro, hanggang sa palasyo at malalaking bulwagan ng pagdinig nina Dario at Jerjes, kasama na rito ang bulwagang may 100 haligi. Ang mga haliging Persiano ay mas magaganda at mas payat kaysa sa bantog na mga haliging Ionic ng mga Griego. Sa Bulwagan ni Jerjes, ang ratio ng taas ng mga haligi sa diyametro ng mga ito ay 12 sa 1 kung ihahambing sa ratio ng mga haliging Corinthian na 10 sa 1, sa pinakamalaki, at 6 sa 1 lamang para sa mga haliging Ehipsiyo. Gayundin, ang distansiya sa pagitan ng mga haligi sa mga gusali ng mga Persiano ay maaaring doble niyaong sa mga gusali ng mga Griego, sa gayon ay mukhang mas maluluwang ang mga iyon kaysa sa katulad na sinaunang mga istraktura.

Mga Istilo at mga Pamamaraan ng mga Griego at mga Romano. Sumapit ang arkitekturang Griego sa “ginintuang yugto” nito noong ikapitong siglo B.C.E. Tumagal ang yugtong iyon hanggang noong ikaapat na siglo B.C.E. Sa Atenas itinayo ang mariringal na templo at gusali bilang parangal sa mga diyos at mga diyosa ng Gresya. Kabilang sa mga gusaling ito ang Parthenon, ang Temple of the Wingless Victory, at ang Erechtheum; samantalang sa Corinto naman ay namukod-tangi ang Templo ni Apolo at ang malawak na pamilihan (o a·go·raʹ). Ang istilo ng arkitektura ay karaniwang tinatawag ayon sa tatlong pangunahing disenyo ng magagandang haliging Griego: ang Doric, ang Ionic, at ang Corinthian.

Maraming kinopya ang mga Romano sa istilo ng arkitektura ng mga Griego. Ang arkitekturang Romano ay karaniwan nang mas praktikal kaysa sa arkitekturang Griego, kaya naman hindi ito kasingganda ng huling nabanggit. May natutuhan din ang mga Romano sa mga Etruscano, na kilala dahil sa kanilang tunay na arko na binubuo ng hugis-kalsong mga bato. Noong ikaanim na siglo B.C.E., buong-kahusayang ginamit ng mga Romano ang gayong tunay na mga arko sa paggawa ng malalaking imburnal ng Roma. Dapat ding kilalanin na mga arkitektong Romano ang nakaimbento ng doblihang arko at ng bobida, na kapuwa ginamit sa paggawa ng malalaki at walang-haliging mga rotonda at ng maluluwang na bulwagan. Nakapagtayo ang mga Griegong mason ng mariringal na istraktura nang hindi man lamang gumagamit ng argamasa o semento dahil sa kanilang kasanayan at pagiging pulido sa paglalapat ng mga blokeng marmol. Ang mga Romanong mason naman ay gumamit ng lupang mula sa bulkan na hinaluan ng apog at tinatawag na pozzolana, isang uri ng napakatibay na semento na tumitigas sa ilalim ng tubig. Sa pamamagitan ng paggamit ng pozzolana bilang semento, nakagawa ang mga Romano ng mas malalaking arko at nakapagtayo rin sila ng mga gusaling may maraming palapag, kabilang na rito ang pagkalaki-laking Colosseum na itinayo noong unang siglo C.E., na may apat na palapag at tinatayang makapaglalaman ng mula 40,000 hanggang 87,000 katao. Kabilang sa mas mahahalagang konstruksiyong Romano ang napakahahabang daang militar at ang kahanga-hangang mga paagusan na itinayo partikular na mula noong ikatlong siglo B.C.E. Madalas dumaan ang apostol na si Pablo sa mga Romanong lansangang-bayang ito at tiyak na nakikita niya ang paagusan ni Emperador Claudio sa kahabaan ng Appian Way kapag naglalakbay siya patungong Roma.

Gawaing Pagtatayo ng mga Kristiyano. Kung paanong ang bansang Israel ay hindi nakilala sa marangya o magarbong arkitektura, ang mga istrakturang itinayo ng unang mga Kristiyano ng espirituwal na Israel ay simple rin. Ang Unger’s Bible Dictionary (1965, p. 84, 85) ay nagkomento: “Noon pa mang ika-3 siglo, mayroon na silang itinayong mga gusali, ngunit ang mga ito ay hindi malalaki ni magastos.” Subalit noong panahon ni Emperador Constantino, nang pasiglahin yaong mahihilig sa pulitika na magkaroon ng kaugnayan sa pulitikal na estado, ang naturingang mga Kristiyano ay nagsimulang lumikha ng isang partikular na istilo ng arkitektura, anupat nang maglaon ay itinayo nila ang ilan sa pinakamagagarbo at pinakamararangyang gusali sa kasaysayan.

Ang Arkitektura sa Hula at sa Makasagisag na Pananalita. Maraming beses na ginamit sa mga hula at makasagisag na mga pananalita sa Bibliya ang mga termino sa arkitektura. Sa kalakhang bahagi, ang mga hula ng pagsasauli ay may kinalaman sa pagtatayo (o muling pagtatayo) ng bayan ng Diyos at ng kanilang mga lunsod. (Isa 58:12; 60:10; 61:4; Eze 28:26; 36:36) Inihula na ang Sion ay itatayo sa ibabaw ng mga bato na inilatag sa pamamagitan ng matigas na argamasa, na may mga pundasyong safiro, mga moog na rubi, at mga pintuang-daan na yari sa malaapoy at kumikinang na mga bato. (Isa 54:11, 12) Ang karunungan ay inilalarawan bilang nagtatayo ng sariling bahay nito (Kaw 9:1) at, kasama ng kaunawaan at kaalaman, bilang ang paraan upang mapatibay ang sambahayan. (Kaw 14:1; 24:3, 4) Hinatulan si Jehoiakim dahil itinayo niya nang may kalikuan ang kaniyang palasyo nang hindi niya bayaran ang mga manggagawa, at hinatulan naman ang mga Caldeo dahil nagtayo sila ng isang lunsod sa pamamagitan ng dugo at pagpapagal ng mga bayan na kanilang nalupig. (Jer 22:13-15; Hab 2:12, 13) Ang ilusyon ng isa na mayroon siyang pakikipagpayapaan sa Diyos ay inihahambing sa pagtatayo ng isang pinalitadahang pangharang na pader na ibubuwal ni Jehova sa pamamagitan ng buhawi at graniso ng kaniyang pagngangalit, anupat gigibain niya iyon at ihahantad niya ang mga pundasyon niyaon. (Eze 13:10-16) Tinitiyak ng salmista na malibang si Jehova ang nagtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagpapagal ng mga tagapagtayo nito. (Aw 127:1) Bago dumating ang “dakilang araw ni Jehova,” yaong mga nagwawalang-bahala sa Diyos ay magtatayo ng mga gusali ngunit hindi nila titirhan ang mga ito. (Zef 1:12-14; ihambing ang Am 5:11.) Sa kabaligtaran, ang mga lingkod ng Diyos ay ‘magtatayo ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon’ at ‘lubusan nilang tatamasahin’ ang gawa ng kanilang mga kamay.​—Isa 65:17-23; ihambing ang Ec 3:3.

Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, binanggit ni Jesus ang kahalagahan ng pagkalkula sa magagastos bago simulan ang pagtatayo noong hinihimok niya ang kaniyang mga tagapakinig na unawain kung ano ang nasasangkot sa pagiging mga tagasunod niya. (Luc 14:28-30) Ginamit sa maraming ilustrasyon ang pangangailangang maglagay ng isang matibay na pundasyon. (Mat 7:24-27; Luc 6:48, 49; 1Ti 6:17-19; 2Ti 2:19; Heb 11:10) Sinabi ni Kristo Jesus na itatatag niya ang kaniyang kongregasyon sa isang batong-limpak (peʹtra) (Mat 16:18), at si Jesus mismo ay ipinakikita bilang ang iisang pundasyong iyon, na sa tabi niyaon ay “walang taong makapaglalatag ng iba pang pundasyon”; gayunma’y siya “ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo.” (1Co 3:11; Mat 21:42; Gaw 4:11; Aw 118:22) Dahil siya ang pangulong batong-panulok, ang lahat ng iba pang “mga batong buháy” ng templong ito ay itinatatag at inihahanay sa kaniya, anupat katarungan ang “pising panukat” at katuwiran ang “kasangkapang pangnibel.” (Efe 2:20, 21; 1Pe 2:4-8; Isa 28:16, 17) Sinabi ni Jesus na ang templo ng kaniyang katawan ay ibabangon “sa loob ng tatlong araw,” bagaman noong panahong iyon, 46 na taon na ang nagugugol sa pagtatayo ng literal na templo at ng nakapalibot na mga gusali sa Jerusalem gayunma’y hindi pa rin natatapos ang mga ito. (Ju 2:18-22) Gaya ng “isang marunong na tagapangasiwa ng mga gawain,” ipinayo ni Pablo ang paggamit ng mga materyales na mataas ang kalidad at hindi nasusunog kapag ang isa’y nagtatayo sa ibabaw ni Kristo bilang pundasyon. (1Co 3:10-17) Ang pag-ibig ay inilalarawan bilang isang pangunahing materyales sa pagtatayo. (1Co 8:1; ihambing ang Aw 89:2.) Sa pangitain ni Juan hinggil sa Bagong Jerusalem, inilalarawan ito bilang isang maningning na lunsod na yari sa mahahalagang bato at may mga pader na nakatayo sa mga batong pundasyon kung saan nakasulat ang mga pangalan ng “labindalawang apostol ng Kordero.” (Apo 21:9-27) Ang Diyos mismo ay inihaharap bilang ang Dakilang Tagapagtayo ng lahat ng bagay, anupat hindi siya naninirahan sa mga gusaling ginawa ng mga tao.​—Heb 3:4; Gaw 7:48-50; 17:24, 25; Isa 66:1.