Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Arnon, Agusang Libis ng

Arnon, Agusang Libis ng

Sa bandang kalagitnaan ng silangang gilid ng Dagat na Patay, ang malalim na bangin ng Libis ng Arnon ay bumabagtas sa mataas at matalampas na rehiyong iyon. Ang agusang libis na ito, ang Wadi Mujib (Nahal Arnon), ay dinadaluyan ng maraming sangang-ilog (Bil 21:14) at, pangalawa sa Jordan, ito ang tanging mahalagang ilog na bumubuhos sa Dagat na Patay. Ang makitid na libis ay may napakatarik na dalisdis ng pula at dilaw na batong-buhangin sa magkabilang panig at isang maliit ngunit malinaw at di-natutuyong ilog na sagana sa isda. Sa gilid ng ilog ay may tumutubong mga punong sause, mga adelpa, at marami pang ibang pananim. Sa dako kung saan papalabas ang ilog mula sa matatarik na gilid ng bangin papasók sa patag na baybayin ng Dagat na Patay, paiba-iba ang lapad nito mula 12 hanggang 30 m (40 hanggang 100 piye) at ang lalim nito mula 0.3 hanggang 1.2 m (1 hanggang 4 na piye).

Ang pagkalaki-laking lambak na ito, na may lapad na mga 3 km (2 mi) sa bandang itaas at may lalim na halos 520 m (1,700 piye), ay binabagtas ng ilang daanan lamang (Isa 16:2) kung kaya ito’y naging isang likas na hangganan. Noong panahon ng pananakop ng Israel, ito ay nagsilbing harang sa pagitan ng mga Amorita sa H at ng mga Moabita sa T (Bil 21:13), ngunit ipinakikita ng mensahe ni Jepte sa mga Ammonita na ang hilagang panig ay dating kontrolado ng mga Ammonita at na sinalakay ito ng mga Amorita bago dumating ang Israel. (Huk 11:12-27) Matapos lumigid ang Israel sa teritoryo ng Moab, nakarating sila sa Arnon, malamang na malapit sa pinagmumulan ng tubig nito. Nang salakayin sila ng Amoritang hari na si Sihon, nagtagumpay ang Israel laban sa kaniya at inari nila ang lupain mula sa Arnon hanggang sa Jabok. (Bil 21:21-24; Deu 2:24-36; tingnan ang JABOK, AGUSANG LIBIS NG.) Pagkatapos nito, ang unang nasakop na lupaing iyon ay naging teritoryo ng mga tribo nina Ruben at Gad.​—Deu 3:16; Jos 12:1, 2; 13:8, 9, 15-28.

Dahil hindi lubusang lumakad si Jehu ayon sa kautusan ni Jehova, nang maglaon ay dinaluhong ang rehiyong iyon ng sumasalakay na mga hukbo ni Hazael ng Sirya. (2Ha 10:32, 33) Binabanggit ang Arnon sa taludtod 26 ng bantog na Batong Moabita, kung saan ipinaghambog ni Haring Mesa ng Moab na nagpagawa siya ng isang lansangang-bayan na dumaraan sa libis. Ipinakikita ng mga tuklas sa arkeolohiya na nagkaroon ng ilang kuta at tulay sa lugar na iyon anupat pinatototohanan ang estratehikong kahalagahan ng Arnon. Ang pangalan nito ay lumilitaw sa mga hula laban sa Moab.​—Isa 16:2; Jer 48:20.

[Larawan sa pahina 211]

Ang Arnon Gorge, na ang ilang bahagi ay halos 520 m (1,700 piye) ang lalim at mga 3 km (2 mi) ang lapad