Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Arquelao

Arquelao

[Tagapamahala ng Bayan].

Anak ni Herodes na Dakila sa kaniyang ikaapat na asawa na si Malthace. Si Arquelao ay naging hari sa Judea noong panahong nasa Ehipto ang batang si Jesus kasama nina Jose at Maria. Sa halip na sumailalim sa mapaniil na pamamahala nito sa kanilang pagbabalik, nanirahan si Jose kasama ang kaniyang pamilya sa Nazaret ng Galilea, na nasa labas ng nasasakupan ni Arquelao.​—Mat 2:22, 23.

Ipinamana ni Herodes na Dakila sa kaniyang anak na si Arquelao ang pamamahala sa Judea, Samaria, at Idumea, na doble ng bahaging ibinigay niya sa bawat isa sa dalawa pa niyang anak at sumasaklaw sa mahahalagang lunsod ng Jerusalem, Samaria, Jope, at Cesarea. Pagkamatay ni Herodes, sinikap ni Arquelao na higit pang patatagin ang kaniyang pamamahala sa pamamagitan ng pagharap kay Augusto sa Roma; bagaman may ilan na sumasalansang sa kaniyang pag-aangkin, kabilang na rito ang kaniyang kapatid at ang isang delegasyon ng mga Judio, hindi inalis ni Augusto kay Arquelao ang hawak nitong kapangyarihan, bagaman hindi siya ginawang hari kundi isang etnarka, isang sakop na prinsipe na mas mataas kaysa sa isang tetrarka. Gayunman, angkop na tukuyin siya ni Mateo bilang ‘naghahari,’ sapagkat bago nito ay ipinroklama siya ng lokal na hukbo bilang hari.​—Jewish Antiquities, ni F. Josephus, XVII, 194, 195 (viii, 2).

Si Arquelao ay isang malupit na tagapamahala at lubhang kinaiinisan ng mga Judio. Minsan ay walang-awa niyang ipinapatay ang 3,000 Judio sa bakuran ng templo upang sugpuin ang isang kaguluhan; dalawang mataas na saserdote ang pinatalsik niya sa puwesto; at bukod diyan, ang kaniyang pakikipagdiborsiyo at muling pag-aasawa ay salungat sa kautusang Judio. Nang maglaon, dahil sa mga reklamong iniharap ng mga Judio at mga Samaritano kay Augusto, isang imbestigasyon ang isinagawa na humantong sa pagpapalayas kay Arquelao noong ikasiyam o ikasampung taon ng kaniyang paghahari. Pagkatapos nito, ang Judea ay pinamahalaan ng mga Romanong gobernador.​—Tingnan ang HERODES Blg. 1 at 2.