Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Artemis

Artemis

Ang isang Griegong birheng diyosa ng pangangaso ay kilala bilang si Artemis; iniuugnay siya ng mga Romano kay Diana. Ang Artemis na ito, na nasasandatahan ng busog at mga palaso, ay inilalarawan bilang nangangaso, lalo na ng mga lalaking usa. Bagaman iniuugnay ng mga Griego ang Artemis ng Efeso sa sarili nilang Artemis, ang Artemis ng mga taga-Efeso, na sinasamba noon sa mga lunsod sa buong Asia Minor, ay may malaking kaibahan sa Griegong diyosang iyon ng klasikal na mitolohiya. (Gaw 19:27) Ang Artemis ng Efeso ay isang diyosa ng pag-aanak na inilalarawan bilang may alinman sa pagkarami-raming suso, itlog, o bayag ng inihaing mga toro. Ang tulad-momyang ibabang bahagi ng kaniyang katawan ay napapalamutian ng iba’t ibang mga sagisag at mga hayop.

Ang Artemis na sinamba sa Efeso ay may malapit na kaugnayan sa prominenteng mga diyosa ng ibang mga bayan, at ipinapalagay na iisa ang pinagmulan ng mga ito. Ang A Dictionary of the Bible (Tomo I, p. 605) ay nagkomento: “Si Artemis ay may malapit na pagkakahawig kay Cybele ng Frigia, at sa iba pang mga babaing larawan ng kapangyarihan ng diyos sa Asiatikong mga bansa, tulad ni Ma ng Capadocia, ni Astarte o Astarot ng Fenicia, nina Atargatis at Mylitta ng Sirya, anupat nagpapahiwatig na ang mga ito ay pawang iba’t ibang uri lamang ng iisa at ultimong relihiyosong konsepto, na sa iba’t ibang bansa ay nagkaroon ng partikular na mga pagkakaiba-iba, dahil sa iba’t ibang pagkakalikha ng mga ito ayon sa lokal na mga kalagayan at sa katangian ng bansa.”​—Inedit ni J. Hastings, 1904.

Ang templo ni Artemis sa Efeso ay itinuring ng sinaunang mga tao bilang isa sa pitong kamangha-manghang gawa sa daigdig. Iyon ay isang napakaringal na istraktura na gawa sa sedro, sipres, puting marmol, at ginto.

Dahil sa malalaking kapistahan na ginaganap tuwing buwan ng Artemision (Marso-Abril), daan-daang libo ang bumibisita sa Efeso mula sa buong Asia Minor. Ang isang bahagi ng pagdiriwang ay ang relihiyosong prusisyon, na doo’y ipinaparada ang imahen ni Artemis sa buong lunsod nang may napakalaking pagsasaya.

Ang paggawa ng mga pilak na dambana ni Artemis ay naging malakas na negosyo para kay Demetrio at sa iba pang mga panday-pilak ng Efeso. Kaya nang iwan ng maraming tao sa Efeso ang maruming pagsamba sa diyosang ito bilang resulta ng pangangaral doon ng apostol na si Pablo, sinulsulan ni Demetrio ang iba pang mga bihasang manggagawa, anupat sinabi niya sa kanila na hindi lamang banta sa kanilang pinansiyal na seguridad ang pangangaral ni Pablo kundi nanganganib ding mapawi ang pagsamba sa dakilang diyosang si Artemis. Humantong ito sa isang kaguluhan na napatigil naman ng tagapagtala ng lunsod nang bandang huli.​—Gawa 19:23-41; tingnan ang EFESO.

[Larawan sa pahina 214]

Artemis ng Efeso, ang diyosa ng pag-aanak; napalilibutan ng mga “griffin” ang kaniyang ulo, at may mga sagisag ng sodyako sa ibaba ng kuwintas na bulaklak