Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Asahel

Asahel

[Diyos ang Gumawa].

1. Isang anak ni Zeruias na kapatid na babae o kapatid sa ina ni David, at kapatid nina Abisai at Joab, samakatuwid ay pamangkin ni David. (1Cr 2:15, 16) Pinarangalan si Asahel bilang isa sa 30 namumukod-tanging mandirigma sa ilalim ni David, anupat partikular siyang nakilala sa kaniyang bilis, “tulad ng isa sa mga gasela na nasa malawak na parang.” (2Sa 2:18; 23:24) Ito mismo ang nagpahamak sa kaniya. Pagkatapos ng isang tagisan ng lakas sa may Tipunang-tubig ng Gibeon at ng kasunod na pagkatalo ng mga hukbong Israelita sa ilalim ni Abner, walang-lubay na tinugis ni Asahel ang tumatakas na si Abner. Pagkatapos na makalawang ulit na pakiusapan si Asahel na tigilan nito ang pagtugis, inulos ng malakas na si Abner ang tiyan ni Asahel gamit ang puluhang dulo ng kaniyang sibat, at agad itong namatay. Bagaman nang maglaon ay pinaurong ng kapatid ni Asahel na si Joab ang Judeanong mga hukbo bilang tugon sa mga pangangatuwiran ni Abner, nagkimkim ng hinanakit si Joab dahil sa pagkamatay ni Asahel anupat nang bandang huli ay may-katusuhan niyang minaniobra ang mga kalagayan upang mapatay niya si Abner sa pamamagitan ng tabak.​—2Sa 2:12-28; 3:22-27.

Sa 1 Cronica 27:7, si Asahel ay nakatala bilang kumandante ng isang pangkat sa buwanang kaayusan para sa mga sundalo. Yamang namatay si Asahel bago pa maging hari si David sa buong Israel, ang pagbanggit sa kaniya rito ay maaaring may kinalaman sa kaniyang sambahayan, na kinatawanan ng kaniyang anak na si Zebadias, na tinutukoy sa teksto bilang kahalili ni Asahel. Ang isa pang posibilidad ay ang sinabi sa The Interpreter’s Dictionary of the Bible (inedit ni G. A. Buttrick, 1962, Tomo 1, p. 244): “Maaaring ang ipinakikita rito ay ang unang kaayusan ng hukbo ni David, na inorganisa noong maagang bahagi ng pamamahala ng hari sa Juda, at maaaring ang orihinal na talaang ito ay iwinasto sa pamamagitan ng pagtatala kay Zebadias, na anak at kahalili ni Asahel sa hukbong ito.”​—Ihambing ang 1Cr 12.

2. Isa sa mga Levita na inatasang magturo ng Kautusan sa buong Juda, pasimula noong ikatlong taon ng paghahari ni Jehosapat (934 B.C.E.).​—2Cr 17:7, 8; ihambing ang Deu 33:8-10.

3. Isang komisyonado na naglingkod sa templo noong panahon ng paghahari ni Hezekias (745-717 B.C.E.) anupat isa sa mga nag-asikaso sa mga abuloy at ikapu.​—2Cr 31:13.

4. Ang ama ng isang tao na nagngangalang Jonatan, isang kapanahon ni Ezra.​—Ezr 10:15; tingnan ang JAHZEIAS.