Asawang Babae
Isang babaing may asawa. Sa Hebreo, ang ʼish·shahʹ ay nangangahulugang “babae” (sa literal, isang babaing tao) o “asawang babae”; ang asawang babae ay tinutukoy bilang isa na “pag-aari ng asawang lalaki.” (Isa 62:4, tlb sa Rbi8) Sa Griego, ang gy·neʹ ay maaaring mangahulugang “asawang babae,” o kaya nama’y “babae,” may asawa man o wala. Binigyan ng Diyos na Jehova ang unang lalaking si Adan ng isang asawang babae sa pamamagitan ng pagkuha ng isang tadyang mula sa kaniya na ginawa Niyang babae. Sa gayon, ang babae ay naging buto ng kaniyang mga buto at laman ng kaniyang laman. Siya ang kapupunan ni Adan at nilalang upang maging katulong niya. (Gen 2:18, 20-23) Tuwirang nakipag-ugnayan ang Diyos kay Adan, at itinawid naman ni Adan sa kaniyang asawa ang mga utos ng Diyos. Dahil siya ang unang nilalang at dahil nilalang siya ayon sa wangis ng Diyos, siya ang may pribilehiyo na maging ulo ng babae at tagapagsalita ng Diyos sa babae. Ang kaniyang pagkaulo ay dapat niyang gampanan nang may pag-ibig, at ang babae bilang isang katulong ay dapat makipagtulungan sa pagtupad sa utos na magpakarami.—Gen 1:28; tingnan ang BABAE.
Pagkatapos magkasala ng mag-asawa, una ay si Eva, na sa halip na maging katulong ng kaniyang asawa ay naging isang manunukso, at pagkatapos ay si Adan, na sumunod sa kaniyang pagsalansang, nagpahayag ang Diyos ng kahatulan sa babae, na sinasabi: “Palulubhain ko ang kirot ng iyong pagdadalang-tao; sa mga hapdi ng panganganak ay magluluwal ka ng mga anak, at ang iyong paghahangad ay magiging ukol sa iyong asawa, at pamumunuan ka niya.” (Gen 3:16) Mula noong panahong iyon, sa maraming grupo ng mga tao sa lupa, ang babae ay talaga ngang pinamunuan ng kaniyang asawa, kadalasa’y sa napakalupit na paraan, at sa halip na maging isang kasama at katulong, sa maraming kaso ay pinakitunguhan siyang gaya ng isang alila.
Sa Sinaunang mga Hebreo. Sa sinaunang mga Hebreo, ang lalaki ang ulo ng sambahayan at may-ari (sa Hebreo, baʹʽal) ng kaniyang asawa, at ang babae naman ang pag-aari (beʽu·lahʹ). Sa mga lingkod ng Diyos, ang asawang babae ay may marangal at kagalang-galang na dako. Ang makadiyos na mga babae na may espiritu at kakayahan, bagaman nasa ilalim ng pagkaulo ng kani-kanilang asawang lalaki, ay nagkaroon ng malaking kalayaan sa pagkilos at naging maligaya sa kanilang dako. Pinagpala sila anupat ginamit sila ng Diyos na Jehova upang magsagawa ng pantanging mga paglilingkod para sa kaniya. Ang ilan sa maraming halimbawa sa Bibliya ng tapat na mga asawang babae ay sina Sara, Rebeka, Debora, Ruth, Esther, at Maria na ina ni Jesus.
Pinangalagaan ang asawang babae sa ilalim ng Kautusan. Bagaman ang asawang lalaki ang may nakatataas na posisyon sa kaayusan ng pag-aasawa, tinagubilinan siya ng Diyos na paglaanan at pangalagaan ang kaniyang pamilya sa materyal at sa espirituwal na paraan. Gayundin, kapag may ginawang masama ang sinuman sa pamilya, nagdudulot ito ng kasiraang-puri sa kaniya; dahil dito, mabigat ang kaniyang pananagutan. At bagaman mas malalaki ang kaniyang pribilehiyo kaysa sa asawang babae, pinangalagaan ng kautusan ng Diyos ang asawang babae at binigyan ito ng ilang natatanging pribilehiyo kung kaya naging maligaya at mabunga ang kaniyang pamumuhay.
Ang ilang halimbawa ng mga probisyon ng Kautusan na nagsasangkot sa asawang babae ay ang mga sumusunod: Ang asawang lalaki o ang asawang babae ay maaaring patayin dahil sa pangangalunya. Kung naghihinala ang asawang lalaki na lihim siyang pinagtaksilan ng kaniyang asawa, maaari niya itong dalhin sa saserdote upang mahatulan ng Diyos na Jehova ang bagay na ito, at kung nagkasala ang babae, ang sangkap nito sa pag-aanak ay matutuyot; sa kabilang dako naman, kung hindi ito nagkasala, kailangang pangyarihin ng asawang lalaki na ito ay magdalang-tao, sa gayon ay hayagan niyang kinikilala na wala itong sala. (Bil 5:12-31) Maaaring diborsiyuhin ng asawang lalaki ang kaniyang asawa kung makasumpong siya rito ng isang bagay na marumi. Malamang na kabilang dito ang mga bagay na gaya ng pagpapakita ng matinding kawalang-galang sa asawang lalaki o pagdadala ng kadustaan sa kaniyang sambahayan o sa sambahayan ng kaniyang ama. Ngunit ang asawang babae ay ipinagsanggalang ng kahilingan na dapat sumulat ang asawang lalaki ng isang kasulatan ng diborsiyo para sa asawang babae. Pagkatapos ay malaya na siyang makapag-aasawa ng ibang lalaki. (Deu 24:1, 2) Kung nanata ang asawang babae at ipinalagay ng kaniyang asawang lalaki na hindi ito matalinong gawin o makasasama ito sa kapakanan ng pamilya, maaari itong pawalang-saysay ng asawang lalaki. (Bil 30:10-15) Gayunman, iningatan niyaon ang asawang babae mula sa padalus-dalos na pagkilos na maaaring magdulot sa kaniya ng suliranin.
Ang poligamya ay pinahintulutan sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ngunit tinakdaan ng mga batas upang mapangalagaan ang asawang babae. Hindi maaaring ilipat ng asawang lalaki ang karapatan sa pagkapanganay mula sa anak ng isang asawa na hindi gaanong iniibig tungo sa anak ng kaniyang paboritong asawa. (Deu 21:15-17) Kung ang isang Israelitang anak na babae ay ipinagbili ng kaniyang ama bilang alila at kinuha siya ng kaniyang panginoon upang maging kinakasamang babae nito, maaari siyang ipatubos ng may-ari sa kaniya kung hindi siya kinalugdan nito, ngunit hindi siya maaaring ipagbili nito sa mga taong banyaga. (Exo 21:7, 8) Kung kinuha siya ng alinman sa kaniyang panginoon o anak nito upang maging kinakasamang babae at pagkatapos ay nag-asawa ito ng ibang babae, dapat siyang paglaanan nito ng pagkain, pananamit, at tirahan, at gayundin ng kaniyang kaukulan bilang asawa.—Exo 21:9-11.
Kung pinaratangan ng isang lalaki ang kaniyang asawang babae na diumano’y may-kabulaanan itong nag-angking birhen noong ikasal sila at napatunayan namang bulaan ang kaniyang paratang, parurusahan siya at kailangan niyang bayaran ang ama nito nang makalawang ulit ng halaga na kapalit ng mga dalaga at hindi niya ito maaaring diborsiyuhin sa lahat ng kaniyang mga araw. (Deu 22:13-19) Kung dinaya naman ng isang lalaki ang isang dalaga na hindi pa naipakikipagtipan upang masipingan ito, kailangan niyang magbigay sa ama nito ng bayad sa pag-aasawa at kung papayag ang ama, pakakasalan niya ito at hindi niya ito maaaring diborsiyuhin sa lahat ng kaniyang mga araw.—Deu 22:28, 29; Exo 22:16, 17.
Bagaman ang posisyon ng asawang babae sa lipunang Hebreo noon ay naiiba sa katayuan ng isang asawang babae sa lipunang Kanluranin sa ngayon, ang tapat na asawang babaing Hebreo ay nakadama ng kasiyahan sa kaniyang posisyon at sa kaniyang gawain. Tumutulong siya sa kaniyang asawa, nag-aalaga ng pamilya, namamahala sa sambahayan, at nasisiyahan at nalulugod sa maraming bagay, anupat lubusan niyang naipamalas ang kaniyang pagkababae at ang kaniyang mga talento.
Paglalarawan sa Isang Mabuting Asawang Babae. Ang maligayang kalagayan at mga gawain Kawikaan 31. Sinasabing ang halaga niya sa kaniyang asawa ay higit pa kaysa sa mga korales. Mapagkakatiwalaan siya nito. Masipag siya—naghahabi, gumagawa ng mga damit para sa kaniyang pamilya, bumibili ng pangangailangan ng sambahayan, nagtatrabaho sa ubasan, namamahala sa isang sambahayan kasama ng mga lingkod, tumutulong sa mga nangangailangan, naglalaan ng magagandang kasuutan para sa kaniyang pamilya, kumikita pa nga sa pamamagitan ng kaniyang mga gawang-kamay, naghahanda sa kaniyang pamilya para sa mga kagipitan sa hinaharap, nagpapahayag ng kaniyang niloloob nang may karunungan at maibiging-kabaitan, at, dahil sa kaniyang pagkatakot kay Jehova at mabubuting gawa, tumatanggap siya ng papuri mula sa kaniyang asawa at mula sa kaniyang mga anak, sa gayon ay pinararangalan niya sa lupain ang kaniyang asawa at ang kaniyang pamilya. Walang alinlangan na siyang nakasumpong ng mabuting asawa ay nakasumpong ng mabuting bagay at nagtatamo ng kabutihang-loob mula kay Jehova.—Kaw 18:22.
ng isang tapat na asawang babae ay inilalarawan saSa Kongregasyong Kristiyano. Ang pamantayan sa kongregasyong Kristiyano ay na ang asawang lalaki ay dapat na magkaroon lamang ng isang buháy na asawa. (1Co 7:2; 1Ti 3:2) Inuutusan ang mga asawang babae na magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki, siya man ay mananampalatayang Kristiyano o hindi. (Efe 5:22-24) Hindi dapat ipagkait ng mga asawang babae ang kaukulang pangmag-asawa, sapagkat gaya ng asawang lalaki, siya rin ay “walang awtoridad sa kaniyang sariling katawan.” (1Co 7:3, 4) Tinatagubilinan ang mga asawang babae na gawing kanilang pangunahing kagayakan ang lihim na pagkatao ng puso, anupat nagluluwal ng mga bunga ng espiritu, upang sa pamamagitan ng kanilang paggawi ay mawagi nila sa Kristiyanismo ang di-sumasampalatayang asawang lalaki.—1Pe 3:1-6.
Makasagisag na Paggamit. Sa makasagisag na diwa, tinukoy ni Jehova ang Israel bilang kaniyang asawang babae dahil sa kaniyang tipan sa bansang iyon. (Isa 54:6) Tinutukoy ng apostol na si Pablo si Jehova bilang ang Ama ng mga Kristiyanong inianak sa espiritu, at tinutukoy niya “ang Jerusalem sa itaas” bilang ang kanilang ina, anupat para bang naging asawa ito ni Jehova sa layuning magluwal ng mga Kristiyanong inianak sa espiritu. (Gal 4:6, 7, 26) Ang kongregasyong Kristiyano naman ay tinutukoy bilang ang kasintahang babae, o asawang babae, ni Jesu-Kristo.—Efe 5:23, 25; Apo 19:7; 21:2, 9.